Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
Sofia Paderes Jan 2016
Di niyo ba alam
na nang pasimula ay nilikha ng Diyos
ang langit at ang lupa?
Na ang mundong ito'y
Kanyang binigyan ng hugis at anyo
gamit lamang ang mga salitang
dumaan sa Kanyang bibig?
Na nung sinabi Niyang, "Magkaroon ng liwanag!"
Nagkaroon nga.

Di niyo ba alam
na kaya Niyang humarang
sa agos ng dagat,
ipaawit ang mga bituin,
ipaluhod ang bulubundukin?

Di niyo ba alam
na ang kapangyarihan na ito,
ang kapangyarihang ginamit Niya
para ibuo ang mga planeta,
ang kapangyarihang ginamit Niya
para tigilan ang pag-akyat ng buwan
nung lumalaban sina Joshua,
ang kapangyarihang ginamit Niya
para bigyan muli ng buhay ang yumao
ay nasa
atin
din?

Ito
ang Kanyang pangako:
Na tayo'y binigyan ng kapangyarihang
tapakan ang mga ahas at ang lahat ng kapangyarihan
ng ating kaaway

Di
niyo ba
alam na
may kapangyarihan sa pagsamba
sa Kanya?

Di niyo ba alam
na nung ikapitong ikot
sa ikapitong araw,
mga trumpeta at boses ng Kanyang mga anak
ang ginamit ng Diyos para ibagsak ang Jerico?

Sumigaw na tayo sapagkat
nasa atin na ang tagumpay
Sumigaw na tayo sapagkat
sa Kanyang pangalan ang pag-asa ng mundo
sa Kanyang pangalan,
lumiliwanag ang dilim
sa Kanyang pangalan,
lahat ng takot ay nadadaig

Sambahin natin ang Panginoon
ng buong galak
ng buong puso
nanginginig at mga demonyo
sa pangalan ni Hesus
tumutumba ang mga harang ng impyerno
sa pangalan ni Hesus

Tayo'y magkaisa,
itaas ang mga kamay
tayo'y magkaisa,
itaas ang iyong boses gaya ng mga trumpeta
tayo'y magkaisa

Sambahin natin ang Diyos na buhay,
ang Diyos na dakila!
Written as a call to worship during our church's prayer meeting. First Tagalog spoken word piece.
Sa pagdating **** napabalita
Unang sulyap palang namangha na

Gayak na sinauna
Sa paningin mahalina
Musikang kaytanda na
Sa pandinig mahiwaga

Mahalaga ang gabi
Simula ng pagsaksi
Kwento kong inabangan
Hatid niyang kasaysayan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon may saysay
Nasa pagtitipon
Mga kaklase noon

Kapitbahay inuman
Masaya ang kwentuhan
Subalit ako’y saglit
Umuwi sa malapit

Iyon ay dahil batid ko
Simula na ng kwento
Ng kanyang unang yugto
Gabing Trenta ng Mayo

Mula nang araw na ‘yon
Pagsubaybay tradisyon
Naging makabuluhan
Likhang pampanitikan

Subalit ‘di naglaon
Nawalan telebisyon
‘Di hadlang gayunpaman
Sa radyo’y pinakinggan

Mula pagkabinukot
Hanggang aliping tulot
Babaylang naging ****
Mandirigmang pinuno

Nilupig at nanlupig
Inusig at nang-usig
Natulig at nanulig
Inibig at umibig

Nagtago at naglakbay
Namatay at nabuhay
Tinanggap at nagpanggap
Naghirap at nilingap

Sakay ng karakoa
Tinungo ibang banwa
Naghanda sa pagbalik
Upang ganti’y ihalik

Sa mabagsik na raha
Na pumatay sa ama
Sa pinunong baluktot
At sa harang nanalot

Mangubat at Angaway
Mga rahang kaaway
Lamitan na ninanay
Nais siyang maging bangkay

Sa kahuli-hulihan
Lahat sila’y talunan
Sa babae ng tagna
Walang iba – Amaya

Salamat, umalagad
Maging hanggang sa sulad
Salamat, kapanalig
Laban sa manlulupig

Salamat, Uray Hilway
Mga tinuran gabay
Salamat kay Bagani
Pag-ibig nanatili

Salamat sa Banal na Laon
Diyos ng mga ninuno noon
Kina Amaya’y panginoon
Tagapagpala ng kanilang nayon

Ang dulo ng epikong kapapanaw
Akala’y ‘di na matatanaw
Salamat sa unang Christmas bonus
May TV na bago taon ay matapos

Mahalaga rin ang gabi
Katapusan ng pagsaksi
Huling yugtong tinunghayan
Ang kamatayan ni Lamitan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon rin ay may saysay
Nasa huling burol at lamayan
Bago at matapos subaybayan

Iyon ay kakaibang alaala ko
Sa katapusan ng kwento
Ng kanyang huling yugto
Biyernes – Trese ng Enero

Nagbrown-out pa nga
Habang oras ng balita
Buti nalang at umilaw
Sa tuwa ako’y napahiyaw

Sa pagtunog ng huling musika
At paggalaw ng katapusang eksena
Bukas TV at radyo
Sa makasaysayang mga tagpo

Ngayong gabi ng paglikha
Ng tulang handog sa programa
Unang gabing kapani-panibago
Dahil wala na sa ere ang paborito ko

Subalit ang Alaala ni Amaya
Mga gayak, musika, tauhan at kultura
Mga aral, tinuran, inspirasyon at ideya
Mananatiling buhay sa aking diwa!

-01/16-17/2012
(Dumarao)
*missing my favorite program
My Poem No. 93
Reign Feb 2016
Kay dami nang hindi mo katulad ang sinarahan ko ng pinto
Hindi labag sa aking kalooban na mag papasok kung sino-sino
Para mag kalat, mang gulo, at bantayan ang mahalagang bagay sa akin
Dahil alam ko na ikaw ang tahanan ko
At nakalaan to para sayo

Ikaw ang banyo na binabalik balikan ko na parang balisawsaw ako

Ang kusina na nagsilbing lugar, para iluto ko ang putahe na mas matamis pa sa mga ngiti mo

Ang silid kainan, kung saan lahat ng gusto mo ay inihain, dulot ng pagmamahal ko

Ang sala, kung saan ang tinig ng halakhak at tawanan ay maingat na tinatabunan ang pintig ng puso,

Ang aparador, kung saan nakatago lahat ng liham na dapat basahin mo

At ang kwarto, kung saan bumubuhos ang luha, na naging takbuhan ko tuwing nalulungkot ako,

Sabay mahigpit na yakap sa unan nang hindi ako bitawan nito

Ikaw ang susi para mabuo ang tahanan ko,
Isang katok lang ang tunog na gusto kong marinig galing sayo
Kung pwede lang tanggalin ang pinto na nakaharang dito
Ito'y gagawin ko

Isang sulyap lang kahit may harang na matataas na bakuran na nakapaligid sakin ay masaya na ako
Ipaalam mo lang na hinahanap ako ng mga mata mo dahil para sayo ito

Gusto ko nang ipaalam sayo,
Ang mga lihim, na wala nang espasyo para ipaglagyan pa
Gusto ko nang ipaalam sayo,
Na ikaw ang gusto ko, sya lang ang kailangan ko
Gusto ko nang ipaalam sayo,
Na tunay kang mahal nito

At sana'y alam mo ang lihim ko,
Na gusto kong ako ang maging tahanan ng puso mo
first ever tagalog poem
Sarrah Vilar Sep 2016
Naaalala mo ba nung una niyang ipinakita sa'yo 'yung lugar mo sa buhay niya?
'Yung sandaling 'yon na itiniwarik niya daw ang mundo
Para hayaan na kayo lang ang nakatayo. Magkasama.
Nakita ko 'yung saya na suot ng 'yong mukha.
Nakita ko kung paano kumislap 'yung mga mata **** walang alam na daan
Kundi 'yung direksyon kung nasa'n siya.
Nakita ko kung paano mo winasak 'yung pader d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano ka muling nagtiwala.

At nakita ko 'yung pagsikip ng lugar
Na sinabi niyang ikaw lang 'yung may-ari.
Nakita ko 'yung muli **** pagtatayo ng harang d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano mo kinwestyon 'yung halaga mo.
Kahit na bago mo siya makilala ay sinabi mo sa sarili mo
Na hindi ka tahanan para sa mga taong naghahanap lang ng saglit na masisilungan.

Isang gabi,
Naramdaman ng hangin 'yung lungkot mo.
Agad siyang bumalot sa'yo.
Naglaglagan ang mga dahon
Kasabay ng pag-agos ng luha mo.
Ngunit wala ka pa ring kibo.

Pakiusap,
Patingin ulit ako ng dating ikaw—
Dating ikaw na isang bagong lenggwahe;
Hindi lang sinasaulo; dapat iniintindi.
Subukan mo ulit itapon sa dagat 'yung bagyong iniwan niya.
'Wag mo hayaang hampasin ka na naman ng alon ng mga alaala niyong dalawa.
Pakinggan mo ulit 'yung katahimikang nakalimutan mo na 'yung nota.
Iabot mo ulit sa mundo 'yung mga ngiti sa labi mo.
Iparinig mo ulit dito 'yung pagtibok ng puso **** hindi para sa kanya
Kundi para sayo.
At 'wag mo sanang isipin na kailangan mo ng taong bubuo sa mga pangakong winasak niya.
Hindi naman kasi sa bawat pagbitaw ay may taong nakaabang para sumalo.
Lumagapak ka.
At itayo mo 'yung sarili mo.
Kumawala ka na sa posas ng pangalan niya.
Hindi mo kailangang banggitin 'yung pangalang pinapabanggit niya na din sa iba.

Higit sa lahat, tandaan mo:
Nakapaglakad ka nang wala siya
Magagawa mo ring tumakbo nang hindi siya kasama.
(a spoken word piece)
kingjay Sep 2019
Kung oras ay magwawakas
Sa langit ang hihintin
Saranggola ay dadalhin
Na yari sa buntunan ng paninimdim

Sapagkat ang landas
Ay piniling tinahak
Wala man harang ngunit dulot ay sakit
Pagtitiis ng kirot ay sinapit

Sana'y maging panaginip ang katapusan
At matutupad ang pahimakas
Tulad ng hangaring sibat
Tumusok sa tudlaan

Ang Amihan ang maglalagay
sa himlayan ng hangin
Di na pumailanlang sapagkat malamig
ng samyo ng nalalantang pag-irog

Sa gunamgunam ay binabalik balikan
ang sandali nang unang pagtubo ng bulaklak
Sapantaha'y mabibigo rin naman
Pananabik nang marubdob ay
nasawata nang biglaan
Pawang kaytamis
At kaypakla
Nilunod ako
Ng iyong gunita.

Ugat ay balon sa lalim
Malaking punongkahoy
Nakadipa
Harang sa paglimot.

Martir man
Aahon pa rin
Basta’t sa Ugat
Ako ay nakalapat.

(12/2/13 @xirllelang)
Edgel Escomen Oct 2017
Ano nga ba ang sukatan ng ating pagmamahalan
Dahil nga ba sa harang ng nakaraan
O dahil sa pag-ibig ay kusang dumadaan
Mahal kita sana alam mo yan.

Hindi ako ang unang nakalimot
Ang buhay ko na naging masalimuot
Simula ng iwanan mo ako
Ang puso ko ay litong lito.

Ano nga ba ang pag-ibig para sa iyo
Katumbas ba yan ng pusong nagsusumamo
Dahil ang sakit sakit sa aking puso
Na ang laman ay ikaw lang at ako.

Paano nga ba kita makakalimutan
Ng ako ay iyong ipagtabuyan
Masakit mang amining mahal kita
Ngunit kailangan ko na ring magparaya.
Para sa taong umaasa at pilit umaasa.
di naman kita hinanap, kusa ka lang dumating
may dalang perpeksyon, at kumplikasyon
ngiti **** matamis pala ay lason

pusong walang imik, bigla **** kinatok
ngayong handa na sayo, bigla **** nilugmok
mukha **** maamo, ugaling nabubulok

kulongang walang harang, pader ng kasinungalingan
pilit inakyat, tahasang binagsak
ngayon ay malaya, pero ang saya pa din ay wala

-bilibid

— The End —