Sa pagpikit ng mata, pilit kong kinukubli.
Baka ang luha ay mapigilan, tulad ng iyak, naging hikbi
Pilit na ikinulong ang mga tubig ng pait
Pilit na nilululon ang sakit, ang hapdi
Gumuguhit ang sakit sa puso kong nagmamahal
Hinihiwa ito, tila di na tatagal...
Nanataling pikit at luha ay pinipigilan...
Tulad mo sa pusong ayaw kang pakawalan.
Hindi na ba talaga ako mahal?
Kung hindi na'y, huwag na akong gawing hangal...
Hindi na ba talaga ako iniibig?
Kung ganun, pakawalan na sa iyong bisig.
Hindi ko alam ang mahikang dulot mo.
Hindi ko alam, bakit ikaw ang mahal ko.
Hindi ko alam, bakit ikaw ang sinisinta.
At ang mahalin ka, sadyang kay sakit pala.
Pagmulat ng mata, alam ko, ito'y bubuhos
Mga luhang kubli, sa pisngi, aagos
Ang hikbi ay magiging hagulgol
Mga sasabihin ko'y nakabubulol
Patuloy ko na nga kayang ikukubli ang sakit?
Patuloy na nga lamang ba ako na pipikit?
O hahayaan na lamang kumawala ang tubig?
Baka sa pagbuhos, mahugasan ang pusong umiibig...