Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Sa pagdating **** napabalita
Unang sulyap palang namangha na

Gayak na sinauna
Sa paningin mahalina
Musikang kaytanda na
Sa pandinig mahiwaga

Mahalaga ang gabi
Simula ng pagsaksi
Kwento kong inabangan
Hatid niyang kasaysayan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon may saysay
Nasa pagtitipon
Mga kaklase noon

Kapitbahay inuman
Masaya ang kwentuhan
Subalit ako’y saglit
Umuwi sa malapit

Iyon ay dahil batid ko
Simula na ng kwento
Ng kanyang unang yugto
Gabing Trenta ng Mayo

Mula nang araw na ‘yon
Pagsubaybay tradisyon
Naging makabuluhan
Likhang pampanitikan

Subalit ‘di naglaon
Nawalan telebisyon
‘Di hadlang gayunpaman
Sa radyo’y pinakinggan

Mula pagkabinukot
Hanggang aliping tulot
Babaylang naging ****
Mandirigmang pinuno

Nilupig at nanlupig
Inusig at nang-usig
Natulig at nanulig
Inibig at umibig

Nagtago at naglakbay
Namatay at nabuhay
Tinanggap at nagpanggap
Naghirap at nilingap

Sakay ng karakoa
Tinungo ibang banwa
Naghanda sa pagbalik
Upang ganti’y ihalik

Sa mabagsik na raha
Na pumatay sa ama
Sa pinunong baluktot
At sa harang nanalot

Mangubat at Angaway
Mga rahang kaaway
Lamitan na ninanay
Nais siyang maging bangkay

Sa kahuli-hulihan
Lahat sila’y talunan
Sa babae ng tagna
Walang iba – Amaya

Salamat, umalagad
Maging hanggang sa sulad
Salamat, kapanalig
Laban sa manlulupig

Salamat, Uray Hilway
Mga tinuran gabay
Salamat kay Bagani
Pag-ibig nanatili

Salamat sa Banal na Laon
Diyos ng mga ninuno noon
Kina Amaya’y panginoon
Tagapagpala ng kanilang nayon

Ang dulo ng epikong kapapanaw
Akala’y ‘di na matatanaw
Salamat sa unang Christmas bonus
May TV na bago taon ay matapos

Mahalaga rin ang gabi
Katapusan ng pagsaksi
Huling yugtong tinunghayan
Ang kamatayan ni Lamitan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon rin ay may saysay
Nasa huling burol at lamayan
Bago at matapos subaybayan

Iyon ay kakaibang alaala ko
Sa katapusan ng kwento
Ng kanyang huling yugto
Biyernes – Trese ng Enero

Nagbrown-out pa nga
Habang oras ng balita
Buti nalang at umilaw
Sa tuwa ako’y napahiyaw

Sa pagtunog ng huling musika
At paggalaw ng katapusang eksena
Bukas TV at radyo
Sa makasaysayang mga tagpo

Ngayong gabi ng paglikha
Ng tulang handog sa programa
Unang gabing kapani-panibago
Dahil wala na sa ere ang paborito ko

Subalit ang Alaala ni Amaya
Mga gayak, musika, tauhan at kultura
Mga aral, tinuran, inspirasyon at ideya
Mananatiling buhay sa aking diwa!

-01/16-17/2012
(Dumarao)
*missing my favorite program
My Poem No. 93
aL Jan 2019
Pagbabadiya sa panibagong giyera
Ako ay alipin na ng kaba
Sa iyo ba ay mahalaga na
Ako na naghihikahos sa dusa?
Yugtong panibago, babago sa mapait na buhay
Sugal sa kapalaran, pambili ng matatag na gabay.
Bago pa man sarili ay ilisan
Ako ay iyong na ring hagkan
Mahina pa ang aking damdamin
Na kaya pang itaboy ng hangin.
Mahahalagang salita na bulong mo sa akin
Hindi malilimot ang boses **** malambing.
Sa aking pagkakasala, lahat ay iyong patawarin
Magulong sanlibutan lang ang gumagambala sa'kin.


Ako na hirang mo, mapa~gabang
1 am blues
kate May 2020
bagong simula sa bagong kabanata. liliparin muli ang langit na dati'y pinuno mo ng mga unang beses at mga unang bagay na bumuo sa aking pagkatao. liliparing muli ang mga blankong espasyo't lalagyan ng bagong panimula.

hindi ko malaman kung paano muling magsisimula.  sapagkat ako'y nanghihinayang sa alaala nating sa isang saglit ay iyong iniwan. nahihirapan itugma ang bawat salitang lumilitaw sa aking isipan. ang bawat tunog sa saknong ng bawat taludtod ay nabibigatang ilapat sa  damdaming nag aalinlangan.

muling bubuksan ang librong naglalaman ng ating kwento. susubuking burahin ang mga kwentong alanganin na mas mabuti pa lamang kung ito'y gugusutin. muling babasahin ang sira-sirang pahina na may tagpi-tagping parirala at kulang kulang na mga salita.

hindi ko mawari kung ano ang dahilan sapagkat ang ating kwento'y nagtapos sa kawalan. tila bang maikukumpara mo ito sa mga pahinang nagupit gupit dahil sa kasuklaman ng pag ibig. ako'y humiling sa mga bituin na sana—  sana'y may panibagong kwentong kinabukasan muling bubuuin.

bagong simula sa bagong kabanata. muling magbubukas ng bagong libro na saya ang kailangan at hindi sakit ang nilalaman. iisa-isahin ang bawat paksang nilalaman upang ito'y lubos na maintindihan ang bawat pag-aalinlangan sa bagong yugtong paruruonan na tila hindi alam ang patutunguhan ng wakas na iyong sinimulan.

sa bagong yugto ng aking buhay,  ngayo'y handa nang magsimula sa sariling paraan. hindi man pinalad sa nakaraan, sisiguraduhin ko na sa paglipas ng panahon at pagtapos ng bawat kabanatang may kaukulang paksa, iiyak na ako. iiyak na ako sa taong alam kong mahal ako at sa pag iyak na iyon ay sabay kaming nangangako— ikaw, ikaw lamang ang aking mamahalin dumating man ang dulo ng pahina ng aking librong sinimulan.
panimula
111322

Sa mga lirikong wala pang tono
Ay aking ipamamalas ang Iyong Kagandahan —
Kagandahang ni minsa’y hindi pa nasulyapan
Bagkus kusang hinahanap-hanap.

Ang matatamis **** Salita
Ang aking baon buhat agahan hanggang hapunan.
At mauhaw man ako o magutom sa daan
Ay alam kong Ikaw ang sagot
Sa bawat katanungan at kakulangan.

Ang pagdampi ng bawat lubid sa aking mga daliri
Ay katumbas ng paghehele Mo sa akin sa gabi —
Sa gabing palaging puno ng bituin ang kalangitan
Na pahiwatig ng maigting **** pag-ibig
At walang katapusang pag-iingat
Sa puso kong puno ng galos sa bawat araw.

Ang likidong sining sa aking mga mata’y
Palatandaan na ako’y isang mahinang nilalang
Na nagnanais ng Iyong pagkalinga’t pag-aaruga.

At ako’y uhaw pa rin sa katotohanan
Bagamat ilang beses ko nang nilisan
Ang mga baitang ng edukasyon
Na isang panimula lamang
Sa yugtong ito ng sarili kong kasaysayan.

Takpan ko man ang aking pandinig
Ay hindi ito balakid sa paghirang Mo sa aking ngalan
Na tila ba Iyong hayagang binabanderya
Na ang pagkatao ko’y may halaga
Bagamat ako’y may hindi sapat na pananampalataya.

At sa katunayan pa nga’y
Ikaw ang humihila sa akin pabalik
Sa mga lirikong akala ko noong una’y
Ako ang may akda
Ngunit maging ang hininga ng mga letra’y
Tanging Ngalan mo ang isinisigaw -
Syang salamin sa'king Tula.

— The End —