Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Angela Mercado Oct 2015
Bakit 'di pa tanungin
ang aking ngala't numero
at 'di lang ang petsa't
anong sinabi ng ****?

Bakit 'di pa alamin
ang pintig ng puso kong
inip na inip
nang maghintay sa iyo?

Bakit hanggang tingin?
Bakit hanggang ngiti?
Aking pag-ibig,
sinta, batid
mo na ba rin?

Bakit umiiwas;
bakit natatahimik -
bakit sa tuwina'y
lagi kang walang imik?

Para kay seatmate
na 'di ako pansin.
'Di mabatid,
'di mabalingan ng tingin.

'Di mo ba alam na sa bawat
wanfort na ihinihingi
*ay naitatangay nang utay-utay
ang aking puso't damdamin?
more over callherangela.tumblr.com
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
070616 #ElNido #BHouse #JGH

May gusot sa kalendaryo ng puso,
Kaya't muli kong binalikan ang eksaktong petsa.
May punit ang pahina,
Kaya't kumuha ako ng pandikit
Para sa may lamat na larawan.

Taong dalawang libo't labing-apat,
Nalalabi ang oras sa libingan.
Hinukay ko sa'king memorya,
Baka sakaling ang ugat ay may nutrisyon na.

Dinampian ko ang sarili ng panyong maputi,
Sigurado akong hindi na mamantsyahan pa.
Pero pagsilip ko'y may misteryong bumalandra,
Ngalan mo'y nakaukit pa rin pala sa tadhana.
"Kailanma'y hindi ako sumuko sayo, bagkus ako'y sumukob sa mistulang hindi payak na istilo ng pag-ibig --- ang paghihintay."
kyleRemosil Jan 2019
Hating Gabi
Panibagong araw na nmn
Petsa sa kalendaryo ay nag iba na
Ngunit nananatiling madilim pa
Ganito talaga pag hindi ka kasama

Ang ganda pagmasdan
Ng mga bituin at ng buwan
Pero di parin sapat para pantayan
Ang liwanag na ibinibigay ng babaeng itinuturing kong araw at mamahalin ko magpakailan man

Pa usbong na ang umaga
Lumalalim na ang gabi
Ikaw lang gustong makasama
Ikaw lang ang nais makatabi
Ngunit parang di pa ipapatupad ng tadhana
At hindi pa yata pwede
Hindi pa natin pwedeng pagsaluhan Ang oras
Parang pinaghatian lang natin ang isang araw sayo ang umaga akin ang gabi

Ang makasama ka ay para bang bukang liwayway
Na ninanais ko ng matanaw at maabot
Ngunit ito’y matagal pa kaya nakakayamot
Ako ay nasa alas dose pa at hindi naman sa nag iinarte
Nakakalungkot lang na matatagalan pa ang bukang liwayway kasi nandito pa ako sa hating gabi
Mayo 2015 –
Ika-1 ng buwang ito, Smokers’ Night sa Crim. na departamento
Unang pagtatagpo na may pagsuyo
Pagkain, damit at pabango
Ika-25 na petsa, may kambal na okasyon ang TED sa tuwina
ASEAN Symposium at Lit. Day na pambata
Sa tula ipinahayag ang nadarama sa tagalitrato ng programa!

-11/11/2015
(Dumarao)
*1st MiJo poem
My Poem No. 397
Nagtagumpay sa kursong abogasya
Negosyador bago naging Pangalawang Pangulo
Araw ng Kalayaan naging Hunyo 12 ang petsa
Napalawak serbisyo, naitatag MaPhilIndo.

-12/24/2014
(Dumarao)
*Pinuno Namin sa Panahong Pilak Collection
My Poem No. 294

— The End —