Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Katryna Mar 2018
Kung bibigyan ako ng pagkakataon,
Magsusulat akong muli.

Kung saan hindi ko pa ramdam ang sakit,
Kung saan hindi ko pa ramdam ang pait,
Kung saan masaya ang umpisa at masarap pa ang huli.

Kung saan buo pa ang sarili at wala pang pilas ang pagkatao
Kung saan ang lahat ay umiikot pa sa ating dalawa.

Isusulat kita,
Paulit ulit kong isusulat ang ilang berso ng ating kwento
Dalhin man ako sa malayong pinagmulan nito,
O dalhin man ako sa masakit na katotohanan nito.

Isusulat ko pa rin ng paulit ulit ang mga kwento natin,
At patuloy kong babaguhin hanggang ang lahat ay maging tama.

Sa paraang gusto ko,
Sa paraang maisasalba ko ang salitang "tayo".

Kahit parusahan man ako ng mundo,
Ikaw at ikaw pa rin ang mamahalin ko.

Hindi man alam ng mga tao,
Hindi man ako pagbigyan ng puso nyang mahalin ka.

Ilayo ka man nya,
Lumayo man kayo,

Uulitin ko ang mga kwento ko,
Hanggang mag tama muli ang mundo mo at mundo ko.

Mamahalin kita ng paulit ulit.
Hanggang ang salitang pagod na ako ay maging hindi na totoo
Hanggang ang luha ko ay matuyo at di na muling tumulo.

Mamahalin kita ng paulit ulit,
Hanggang huling hininga ko, uulitin ko ang pagkakataong ito.
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Isang tula para sa pusong
Walang ginawa kung hindi lumaban
Ni hindi alam kung anong pupuntahan –
Naliligaw, nagwawari
Nagdedepende sa mga salitang “hindi maaari”

Hindi maaaring sumuko
Hindi maaaring malumpo
Hindi maaaring tumakbo palayo
Sa mundong umuubos sayo

Natatakot sumugal muli
Natatakot mahulog sa patibong ng pag-ibig
Dahil minsan nang nasaktan
Minsan nang inabuso

Pumapalagay na lamang sa mga panandaliang aliw
Nagpapanggap na siya’y mabubuo ulit
Kahit saglit..
Kahit saglit..

Isa lang ang gusto kong sabihin sa’yo –
sa pusong hindi alam kung saan patungo
Huwag **** parusahan ang sarili mo
Dahil balang araw ikaw ang aani nito

Hinuhubog ka ng panahon
Sa pagdating ng tadhanang
Nakalaan sa iyong pag-ahon

Huwag kang matakot sumugal
Dahil doon mo malalaman kung
Ano ang para sa iyo, mahal.
#tagalog #filipino
Alam mo, ayoko na
Gusto ko nang huminto sa pagpapaka-tanga
Ayoko na matulala at sabay maiisip ka
Kasi alam ko na matagal bago ako muling makabalik sa aking diwa

Pwede ba manahimik ka?
Ang ingay mo lalo na kapag ako’y matutulog na
Bastos at biglaang papasok sa aking isipan
Na para bang isipan ko’y iyong kaharian

Hindi ka ba napapagod?
Sa kalalaro ng aking pusong lasug-lasog na sa iyong kapapaikot
Tuwang-tuwa ka pa at humahalaklak kapag ako’y iyong nabibiro
Pag sasabihin **** “last na”, pero sinungaling ka

Edi sa’yo na!
Sa’yo na ang kaligayahan at kalungkutan ko
Sa’yo na ang pangarap at kabiguan ko
Sa’yo na ang lahat ng ako, sa’yo na ang pusong laruan mo

O, ano? Ba’t tumigil ka?
Bakit ka biglaang lumayo kung kailan ibinigay ko na?
Akala ko ba sa akin ay nasisiyahan ka?
Akala ko ba sa akin masaya ka na?

Ah, ngayon gets ko na!
Gets ko na na mabilis ka pala magsawa
Pagkatapos ng isa, maghahanap ka ng iba
Pagkatapos **** manungkit, magtatapon rin pala

Ayan ka na naman at umaarangkada
Parang isang sports car na rumaratsada
Patungo sa mga babaeng iba’t iba ang klase
Iba’t iba ang ganda

Kaawa-awang kababaihan
Kasalanan ba nila na natipuhan mo sila
Bakit kung parusahan mo ng iyong matatamis na pekeng salita
Ay parang mga batang niloloko ng isang salamangkerong desperado kumita

Sana matauhan ka…
Minahal kitang tunay ngunit sayo’y lokohan lang pala
Sana sa paglipas ng panahon, makatagpo ka
Ng isang babaeng paluluhurin ka habang nagmamakaawang patawarin ka niya.
Marg Balvaloza May 2018
Walang kasiguraduhan, ako, sa'yo ay sumugal
Nais ko ay kasiyahan, ngunit puso ko'y napagal
Ilang taong maghihintay sa  b u o  **** pagmamahal?
Ilang luha iaalay, para sa'yo aking mahal?

Isipang puno ng pait, pusong puno ng pag-ibig
Pagluha, saya, at galit, ano nga bang mananaig?
Tagal ng pinagsamahan, ‘di madaling kalimutan
Anong dapat asahan kung tayo'y nagkakasakitan?

Wala na nga bang katapusan itong mga sisihan
Magturuan sa kung sino ang dapat na parusahan
Isa, dalawa, tatlo, ilang beses na nangyari ‘to?
Aabot ba hanggang dulo, o mananatili dito?

Ninais kong kalimutan, masakit na nakaraan
Hangad ko ‘yong katapatan, tiwala ko'y alagaan!
Ngunit ano bang gagawin, kung sya ay di pa “raw” handa
Gusto bang ika'y hatawin pa upang ika'y magtanda?

Mahal, alam ko namang ika’y tuluyang magbabago
Sa ilang pagkakataon, sana’y wag akong mabigo
Dahil ako ay tao lang, napapagod sa kalbaryo
Puso kong nagtamo ng sugat, napuno na ng kalyo

Naniniwala, na sa huli tayo'y ‘di mawawala
Seryosohin lang sana itong aking mga babala
Sa pag-ibig, tayo man ay magkaiba ng konteksto
‘Wag mo lang sana hayaan ang puso ko'y maging bato!

© LMLB
Tired but hopeful. I still believe in us.
04.19.18
yndnmncnll Sep 2020
Ang Kalayaan na ipinagkait sa akin ng tadhana
Ang Kalayaan kong gumala ay tila naglaho ng parang bula
Ang Kalayaan na singlayo ng mga tala na kailanman ‘di ko maabot
Nang dahil sa isang pagkakamali na minsan kong nagawa
Hindi ako tinigilang parusahan ng dahil sa isang pagkakamali na ‘di ko sinasadya
Kaso ang isang pagkakamaling iyon ay nauwi sa paulit-ulit na pagkakamaling namimihasa
Ngunit dalawampung taon akong nabuhay at nanirahan dito sa mundo na walang natatanggap na tiwala sa aking mga magulang
‘pagkat ilang beses nang nagbabakasakali na ang aking katanungan ay mahanapan ng sagot
O kalungkutan! Ako ay iyong lubayan na! dahil ang mga ulap ay nagsisimula nang umiyak at pumatak ang mga luha nito.
At dahil sa ako raw ay isang walang kwentang nilalang na nila-lang lamang nila
Ilang taon kong hawak ang katotohanan
Ang katotohanan na alam kong balang araw ay tatawagin akong salot sa lipunan
At milyon-milyong mga mata, tenga at bibig ang mga nakakarinig at nanghuhusga sa akin na parang alam ang tunay kong kwento na binabalot ng misteryo sa aking buong pagkatao
Tila ako ay aalis at babalik sa paaralan upang pumunta at umalis sa klinika ng aking espesyalista
Limang taon kong hinintay bago natupad ng Panginoon ang aking dalangin
Ngunit kahit nakakulong ka na, ‘di ko pa rin magawang maging masaya dahil pagkakamali nating pareho ito ngunit ikaw lang ang kanilang pinarusahan
Ikaw ang nagsilbing katahimikan sa maingay at magulo kong mundo
Pero nang ikaw ay aking nasilayan nang harap-harapan ulit sa presinto  ay tila umulan ng apoy sa buong kapaligiran nang dahil ako ay nagtanim ng poot at galit sa iyo
At sa aking pagtulog ay rinig na rinig ko ang tiktak ng aming relo
Ni minsan nagawa akong paglaruan ng aking panaginip at kasama raw kita
Kung minsan man ako ay natulala sa lalim ng aking iniisip nang dahil sa ating nakaraan
Nang dahil sa marami ang tumatakbo sa aking isipan
Pero ako ay naniningalang-pugad at nakaupo sa aking kama
Dahil Buhay ay parang gulong, minsan ikaw ay nasa itaas, minsan ikaw ay nasa ibaba.
Jun Lit Mar 2021
Alpas sa gabing lumukob
Dulo’t dulo’y itim pulos
Salamat anuman yung d’yos
Kalul’wa kong di pasakop

Sa pagkakataong malma
Di sumuko ni lumuha
Binugbog man ng tadhana
Ulong dug’ua’y tunghay-laya

Lampas ditong hagpis-luha
Tanging lilim lang ang banta
Datnan man dantaong sumpa
N’ia ‘nong takot, ako’y wala

Makipot man ang lagusan
Bale-wala’ng parusahan
Ang palad ko’y aking tangan
Ako’y ako ang Kapitan.
This is my attempt to translate my favorite poem Invictus into Tagalog.

— The End —