Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Jun 2015
ang pangalan niya ay jesus.
oo, ang pangalan mismo ng kaibigan ko ay jesus.
seryoso ako.

si jesus
ay siyang dalaga,
morena, kulot ang buhok.
ang lalim ng mga dimples at
may mga pisngi na kay sarap kurotin.

parang musika ang himig ng kanyang tawa
at hindi kumpleto ang kanyang mga bati
kung walang kasamang yakap na kay higpit.
hindi ko gets kung bakit
hindi siya kumakain ng tinapay ng walang asukal.
at nakakatawa lang kung paano
lagi siyang may baon na sachet ng bear brand
na pinapapak niya kapag siya ay naiinip.

si jesus
ay isang iskolar,
magna *** laude standing,
bise presidente ng kanilang organisasyon.
balak mag law school pero may tumanggap na
nakumpanya sa kanya sa bgc.
meron din siyang mayamang boyfriend na
hinhatid siya pauwi sa taytay, rizal gabi-gabi.

huwebes ng nakaraang linggo,
bandang alas dyis:
si jesus
ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay
walang malay
nakahandusay sa kalye.
sinugod sa ospital para kalagayan ay masuri.
ano kaya ang nangyari kay kawawang jesus?
heat stroke, stress, fatigue, high blood, food poisoning?
kulang lang ba sa tulog o pagkain?
walang natagpuang hindi pangkaraniwan kay jesus.
normal lang daw ang kanyang kalagayan
maliban lang sa paghinga niya na
tila humihikbi pero walang luha.
ilang oras din ang nagdaan bago si jesus
ay tuluyang nagising.
ang sabi ng doktor tungkol sa kanya:
depresyon, malubhang pagkalungkot
ang tunay at nag-iisang sanhi.

dahil kay jesus,
napagtanto ko na
hindi porket nakangiti,
masaya.
hindi porket bakas ang ligaya sa kanyang labi,
wala nang lungkot at lumbay na namamayani sa kanyang mga mata.
hindi porket ang lakas humalakhak kapag nandyan ka,
hindi na siya humihikbi, humahagulgol kapag wala siyang kasama.
hindi porket parang musika ang kanyang tawa,
hindi na siya umiiiyak nang umiiyak nang paulit-ulit-ulit na parang sirang plaka.
kasi
hindi porket masigla,
hindi na napapagod.
hindi porket matapang at palaban,
hindi na nasasaktan.
hindi porket laging nagbibigay, nag-aalay,
wala nang mga sariling pangangailangan.
hindi porket matalino,
ay may alam.

dahil kay Jesus,
ako'y namulat
na ang dami palang mga walang hiyang tao sa paligid ko
na nagsusuot ng mga maskarang pantago
sa kanilang mga kahinaan, takot, at sakit.
sa kabila pala ng kanilang mga yaman, tagumpay, talino, at
kung ano-ano pa mang sukatan ng galing
kung saan kinukumpara natin ng ating sarili
may isa palang
nabubulok, naagnas
na kaluluwa.

dahil kay jesus,
ako'y nalulungkot.
mata ko ay naluluha,
puso ko ay kumikirot
na may mga tao palang katulad niyang
naglalakbay nang di alam kung saan pupunta.
nangangarap na huwag na lang magising sa umaga.
nakuntento na lang sa wala.

dahil kay jesus,
ako'y naiilang
na ang nagaganap sa aking harapan
sa loob ng paaralan, bahay, o opisina
ay hindi tama.
maling-mali na
ang mga tao sa aking paligid ay nakakulong
sa selda ng anino at lamig.
hindi ito ang kanilang nararapat na tadhana.
hindi ka ba naiinis?

dahil kay jesus,
may apoy na nagpapaalab sa aking galit
nagtutulak sa akin na tumakbo
hangga't hindi natatama ang mali.

at lahat 'yan ay
sapagkat alam ko sa aking isip at puso na
dahil kay Hesus
lahat ng kahinaan at takot ay hindi na kailangan ikubli.
ilalapag na lang sa harap Niya
ang anumang alinlangan o mabigat na karamdaman.
wala nang pagpapanggap.
buong tapang na ipagmamalaki na
ito ay ako.
kasi ano man ang mangyari at kung sino man ako maging
ang tunay na dilag, dangal, at tagumpay
ay tanging
sa Kanya nakasalalay.

dahil kay Hesus
may ligaya at kapayapaan na hindi kaya matalos ng isip.
banayad ang layag
anumang dumaan na bagyo.
matatag nakakatindig
kahit yumanig pa ang lupa at magunaw man ang buong mundo.
dito sa dagat na kay lawak at lalim
hindi lalangoy,
kundi maglalakad, tatakbo,
lilipad pa nga sa ibabaw ng mga alon.

kay Hesus
may liwanag na pinapanatiling dilat
ang aking mga mata.
ano mang karumaldumal na karahasan ang masilayan,
hindi ako napapagod o nawawalan ng pag-asa.
hindi makukuntento at matatahimik.
hindi tatablan ng antok.
araw-gabi,
ako ay gising.

dalangin ko na sana puso mo rin ay hindi magmamanhid
na kailanman hindi mo masisikmura at matatanggap
ang kanilang sakit.
tulad ng dalagang si jesus
gusto nila ng pampahid para maibsan ang hapdi.
pero ang mayroon tayo
ay ang lunas, ang gamot,
ang sagot mismo.
tagos sa balat, sa puso diretso.
ang gamot ay ang dugo
na dumaloy sa mga palad Niya.
ang pangalan Niya ay Hesus.
*Hesu Kristo.
a spoken word.
Wretched Jul 2015
Ang sabi sakin ni Mama, "Huwag **** ipapagalaw ang iyong katawan. Magmahal ka ng lalaki ngunit wag **** isusuko ang templong iyong inalagaan kung ayaw **** magsisi." Sabay kindat na sinundan ng kanyang mga kiliti. Kung pwede ko lang aminin kay mama na mali siya sa dalawang bagay na kanyang nabanggit (nako, baka namura niya na ko sa galit).
Una. Hindi lalaki ang aking napupusuan.
Pangalawa. Mama, patawad pero naisuko ko na.


Baka ang nais iparating sakin ng aking nanay, "kahit ikaw ay pilitin, HUWAG. At huwag na huwag mo ring ibibigay ng kusa."

Hindi ba? May punto siya. Pero mahal, naaalala mo ba ang gabing umuwi tayong magkasama? Hinawakan mo ang kamay na nanlalamig sa kaba. Pinainit mo ang pakiramdam ng akin ng nadama ang pagyapos mo ng dahan dahan sa aking katawan. Nilakbay ng iyong mga halik ang labi kong nagliliyab sa pagkasabik. Ito na ang pinakahihintay kong sandali.

Nasubok mo kung gaano kabilis kong kayang bumigay. Kasabay sa bagal ng oras habang gumagapang ang iyong mga kamay ay sumabay ang pagkatunaw ng aking mga tuhod. Mga puting kumot namantyahan ng pula. Sabihin na lang nating ito'y ating mga kaluluwa na sinakop ng kasalanang ating nagawa. Langit ay aking narating at nakita. Hindi ito isang pagkakamaling aking pagsisisihan. Hindi mo ko nun kinailangang pilitin dahil buong loob ko itong ibinigay ng kusa.

Ilang beses nangyari. Isa... Dalawa... Ilang beses nasundan. Tatlo... Apat... Lima... Ilang beses nating natagpuan ang ating mga sarili sa parehong sitwasyon. Ilang ulit ng nangyari  ngunit pabago bago ng posisyon. At tulad ng magandang panahon, pagmamahal mo'y nagdilim at naglaho. Pinaglaruan, pinaikot ikot sa iyong mga palad na parang laruan. Leeg ko'y aking natagpuang may nakapilipit na kadenang nangangalawang. Kung gaano kabilis **** nahubad ang nakabalot saking damit, ganun din kabilis nagbago ang iyong isip. Saking mga mata ay hindi mo natagpuan ang langit.

Sabi mo kaya **** mabuhay na mukha ko lang ang iyong tinititigan. Kasinungalingan. Sabi mo ako lang ang iyong kailangan. Nagsisinungaling ka na naman. Ang sabi mo ako lang ang babaeng iyong mamahalin. Sana nga'y nagsisinungaling ka lang. Dahil naialay ko na ang aking kaluluwa, puso't katawan sa mga pangako **** iniwan. Templo ko'y nagiba na ng impyernong sinapit ng damdamin ko sayo. Tama nga si mama. Dapa't ito'y aking inalagaan. Akin ng ibibigay saking sarili ang kalayaang aking kailangan. Akalain ko bang lahat ng ipinangarap ko para sating dalawa hindi ko rin pala makakamtan. Hindi mo kailangang manatili. Hindi kita pipilitin. Buong loob ko itong ibibigay ng kusa. Susubukan kong burahin ang mantyang ibinahid mo sa akin. Ikaw ay aking hahayaan kahit ako'y ginawa **** saktan at iwanang duguan. Mahal, hindi ko magagawang pagsisihan ang nagawa nating kasalanan.
Hoping to perform this piece at Sev's Cafe's Open Mic Night. Looking forward to Celine's performance as well.
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
arr guevara Nov 2010
.



Kung makahagilap man

ng salitang walang isinasaad

ito'y iyong natagpuang

hubad ng kalamnan

ang Salita ay yaring kagamitan

para bagang lalagyanan--

sa labas ng kanilang mga hugis

ay balong tinuyo ng panahon.



.
© Frederick Kesner. All Rights Reserved.
Poem written in Filipino based on Tagalog, not Spanish.
Kael Carlos Dec 2017
Nag-usap tayo tungkol sa pagmamahal
At sa mga natagpuang lungsod,
Tungkol sa mga kayamanan
Na nakabaon sa ilalim ng pusod,
Tungkol sa buntong hininga ng ilog,
Sa paglaho ng dagat, ika'y nabasa
Mga alak na may halong itlog
Sa kumukulong tasa ng tsaa.

Nag-usap tayo tungkol sa sining
Sa naglalagablab na ginintuang apoy,
Isang binibining nakapiring
Mga nawawalang ala-ala
Mga kinalimutang pangalan,
Na naglalagapag sa ngala-ngala
Mga kagustuhang 'di mapagbigyan,
Sa pagkislap ng bituin
Isulat ang mga nais na malinawagan
Kalooban ma'y kainin,
At mga anino'y lumabo
Sa gabing nakakapaso

Nag-usap tayo tungkol sa mga lobo
At marami pang mga bagay,
Sa pagtindig ng mga pabo,
Tungkol sa mga orasang tumatagay
At sa pag-ikot ng mga sirko,
Kung paano ang pagtili ng mga kalapati
Nagsiliparan sa itaas,
Sa ilalim ng bahaghari
Ako'y humihiling ng basbas
Ngunit higit sa lahat
Napag-usapan natin ang ating pagmamahal.
K H E ***
Isinulat ko ito hindi para mabasa mo
Ito ay paalala sa sarili ko
Kung anong meron tayo
Na hanggang dito lamang ako

Ipinagdarasal ko na sana ikaw na nga
Ang sa akin ay nilikha at nakatadhana
Hanggang sa pagtanda ay makakasama
Kabiyak sa Hirap at ginhawa

Ngunit sa kabilang banda
Realidad ay sa aki'y bumabangga
Ako ay kaibigan lang pala
At hindi maaaring lumagpas sa linya

Hindi ko alam kung bakit ikaw
Ang sa atensiyon ko ay pumukaw
Sa puso ko ay umagaw
At sa buong pagkatao ko'y sumaklaw

Sinusubukan kong sayo ay lumayo
Ngunit Ako'y pinapangiti mo
Mabigat na araw ko ay humahayo
Araw ko'y muli **** kinumpleto

At heto nanaman ako
Gusto ko tayo pero mukhang malayo
Imposibleng maging Ikaw at ako
Iyong mga mata'y nasa kabilang dako

Hanggang dito lamang at aking lilimitahan
Upang Hindi masaktan
Sa sampal ng katotohanan
At magising na lamang kinabukasan

Makita kang masaya at masigla
At sa akin ay ibinabalita
Ang natagpuang pagibig sa iba
At makita kung gaano kayo kaligaya

Wala na akong ibang hiling pa
Na tunay na pagibig ay iyong makamit na
Ating pagkakaibigan ay manatili sa tuwina
Dahil ito lamang ang sa aki'y matitira

— The End —