Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..
Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,
Walang wala na kong malapitan,
Walang wala na kong makapitan,
Wala nang gustong makinig,
Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.
Ikaw lang ang natatangi.
Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.
Ganoon din ako..
Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.
Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.
Baligtad na ang mesa.
Nandito na ko.... muli.
Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel
Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita
Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.
Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.
Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan
Mapagbiro.
Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon
Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag
Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom
Hindi ako naniniwala sa swerte.
Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.
Buti na lang mayroon akong babalikan.
Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.
Matagal ang isang taon,
Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo
Binuo ko sila na parang mga bahagi ko
Akala ko ay tapos na...
Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?
O mali.. baka wala talagang paglaya
Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?
Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,
Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap
Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,
Nanaisin **** isara ang pahina..
Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...
Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.
Teka.. teka..
Buburahin ang ilang metapora.
Masyadong madrama.
Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita
Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,
Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala
Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...
Puno ng emosyon.
Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.
Hindi bale.
Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,
Hindi importante ang sukat at tugma,
Sa susunod na babasa ka ng tula,
Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.
Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,
Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.