"Ang pagmamahal ko sa iyo ay kasing init ng bawat pagsikat ng araw. Ngunit kapag ako ay iyong sinaktan, asahan **** hindi mo na masisilayan ang paglubog ng araw."
Sa isang sikat na resort sa Laiya, Batangas napagkasunduan ng magkakaibigang sina Adlaw, Bulan, Amihan, Machete, at Tawa-Tawa upang alalahanin at damhin ang buhay probinsiya. Halos limang taon na rin ang nakalipas nang huli silang nakauwi sa kani-kanilang probinsiya.
At dahil sa iisang kompanya lamang sila nagtatrabaho sa Makati ay sa isang lugar na lang din nila napagdesisyunang magliwaliw. Iyon nga lang ay isang araw lang ang common day off na mayroon sila, kaya lulubusin din nila ang isang araw upang magtampisaw sa karagatan.
Nasa iisang kompanya lang sila nagtatrabaho na kung tawagin ay Cliffhanger Outsourcing Center, pero magkakaiba ang araw ng kanilang day off. Sina Adlaw at Bulan ay mag-ka-teammate na kung saan ay miyerkules at huwebes ang araw na wala silang pasok habang ang tatlo na sina Amihan, Machete at Tawa-Tawa ay Huwebes at Biyernes naman ang araw na walang pasok.
Sakay ng isang van na ang may-ari ay si Machete, dere-deretso na silang bumiyahe. Madaling araw pa lang ay agad na silang umalis. Kapag maluwag ang daloy ng trapiko ay aabot lamang ng isang oras at kalahati ang biyahe patungong Laiya, Batangas.