Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Amethist Jude Oct 2016
Ang saya matulog
Ang saya managinip
Walang problema
Hindi masama ang ihip

Ang saya matulog
Para lang akong nahuhulog
Nahuhulog sa ideyang tayo
Pero di masasabihing totoo

Pagtulog na mag-isa ka
Sa panaginip kasama ka
Naka-ngiti,
Magkahawak ng kamay,
Nakatawa.

Pagkagising mag-isa ka.
Nakahiga sa kama
Malungkot,
Walang kayakap,
Marahil na nagdurusa.

Nagdurusa sa ideyang dapat may tayo,
Kung hindi lang ako bumitaw sa kung ano ang totoo.
Naniwala at nagpaloko
Sa mga sinasabi nilang kuro-kuro

Minsan gusto ko nalang matulog
Kase nakakapagod na mahulog
Mahulog sa kalungkutan
Mahulog sa kasawian

May oras na ayoko nang gumising,
Sa tulog kong mahimbing.
Dahil alam kong kapag ako'y namulat,
Gugustuhin ko ulit sumulat.

Sumulat ng aking nararamdaman,
Sumulat ng bagay na ipinaparamdam,
Sumulat ng mga bagay na di mo nararamdaman
At sumulat ng bagay na di ko mararamdaman.

Pagkatapos sumulat muli akong mapapagod
Mapapagod sa nararamdaman
Mapapagod sa katangahan
Mapapagod sa kabiguan

Pagdating ng gabi ako'y hindi makakatulog
Dahil sa mga bagay na naglalaro sa aking isipan
Pagdating ng alas dos ako'y makakatulog
Dahil malinaw na ito'y isang katangahan

Sa susunod na pagtulog
Sana hindi na ikaw ang laman
Ng panaginip
At Laman ng puso't isip

Dahil masaya matulog
Ang saya managinip
Walang problema
Hindi masama ang ihip
Mala-slam poetry ang nais ko pero fail
1.
Noong unang panahon, doon sa lupain ng Mindanao
Puro katubigan ang nangingibabaw
Binabalot nito mga kapatagan
Kaya mga tao’y nakatira sa kabundukan
(Once upon a time, in the land of Mindanao yonder
Rising almost was water
Covering the plains
So people reside on the mountains)

2.
Sa loob ng mahabang panahon
Mapayapa’t masagana doon
(For a time lengthy
There’s peace & prosperity)

3.
Hanggang sa dumating halimaw na apat
Salot at kasawian ang sumambulat
(Until arrive four monsters
Pestilence & death disperse)

4.
Si Kurita na maraming kamay
Kayrami ring sinaktan at pinatay
(Kurita with many arms
Also many it kills and harms)

5.
Nananatili ito sa bundok na tinutubuan ng rattan
Sa bundok na ang ngalan ay Kabalan
(It stays on the mountain where grew rattan
On the mountain named Kabalan)

6.
Mabangis na higante naman ang pangalawang halimaw
Kung tawagin siya ay Tarabusaw
(The second monster is a giant not tame
He is Tarabusaw by name)

7.
Sa Bundok Matutum ito ay nakatira
Panghampas na kahoy sandata niya
(On Mount Matutum it lives on
A tree club is its weapon)

8.
Ang pangatlo kung turingan ay Pah
O kaylaking ibon ng Bundok Bita
(Pah is the epithet of the third one
Oh bird of Mt. Bita so gargantuan)

9.
Kapag mga pakpak niya’y ibinukadkad
Kadiliman sa lupa’y lumaladlad
(When its wings are opened wide
Darkness on land do not hide)

10.
Sa Bundok Kurayan ang halimaw na panghuli
Isang dambuhalang ibon iri
(The last monster on Mt. Kurayan
Also a bird gigantic one)

11.
May pitong ulong lahat ng direksiyon ay tanaw
Grabeng maminsala ang nasabing halimaw
(With seven heads that can see on all directions
This monster brought so great devastations)

12.
Lubos na mapaminsala itong halimaw na apat
Kaya sa kanila takot ang lahat
(So destructive are these four monsters
That’s why them everyone fears)

13.
Maliban sa isang prinsipeng mula Mantapuli
Si Sulayman itong kaytapang na lalaki
(Except for one prince from Mantapuli
Sulayman is this man of bravery)

14.
Si Haring Indarapatra nagpabaon
Isang singsing sa kapatid niyang yaon
(Given by Indarapatra King
To that his brother a ring)

15.
Isa ring pananaim inilagay niya
Sa tabi ng kanyang bintana
(A plant he placed also
Beside his window)

16.
Kapag daw nalanta ang halaman
Kapatid niya’y inabot ng kasawian
(If that plant withers
Death to his brother enters)

17.
At si Sulayman nagtungo sa Kabalan
Tinalo si Kurita na kalaban
(And Sulayman to Kabalan went ahead
The foe Kurita he defeated)

18.
Pagkatapos ay sa Matutum dumalaw
Pinuksa naman si Tarabusaw
(After which to Matutum visited
Tarabusaw too was exterminated)

19.
Sunod na pinuntahan ay Bita
Napatay niya doon si Pah
(Next destination was Bita
There he was able to **** Pah)

20.
Pero dambuhalang pakpak sa kanya’y dumagan
Inabot si Sulayman ng kamatayan
(But he was crushed by the enormous wing
Death to Sulayman was reaching)

21.
Sa oras na iyon ay nalanta ang pananim
Kasawian ng kapatid batid ng hari’t nanimdim
(At that moment the plant shriveled
Brother’s death perceived by king and lamented)

22.
Labi ni Sulayman tinunton niya
Binuhay ang lalaki gamit ang tubig na mahiwaga
(Traced he the corpse of Sulayman
Using magical water resurrected the man)

23.
Si Sulayman ay nagdesisyong umuwi
Si Indarapatra’y haharapin ang kalabang panghuli
(Sulayman to home decided to go
Indarapatra will face the final foe)

24.
Sa wakas ay napuksa rin ang ibong may pitong ulo
Sa pag-uwi ng hari may nakilalang dilag ito
(At last slain was the bird with heads that are seven
Upon the king’s return he met a maiden)

25.
‘Di nagtagal nag-isang dibdib ang dalawa
At muling nagbalik katiwasayan sa lupa
(Not later the two wedded
And in the land serenity reverted).

-08/25-26/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 223
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
emeraldine087 Mar 2015
Minsan na rin ako’ng nadapa sa landas na mabato.
Nagalusan ang aking mga palad at mga tuhod ay nagdugo.
Nahirapan ako’ng bumangon at maglakad nang muli.
Ngunit akin pa ri’ng pinilit nang may matapang na ngiti.

Minsan ako’ng lumuha dahil sa matinding pagkabigo.
Muntik nang naudyok na tumalikod na lang at sumuko.
Subalit nakakita ng dahilan na patuloy na maniwala
Na mas matamis ang tagumpay kung may kasawian muna.

Minsan ako’ng naligaw sa pagkadilim-dilim na kawalan.
Naubos ang tinig sa pagtawag para sa kaligtasan.
Halos masanay na ang aking mga mata sa nakapopoot na dilim
Pero nakahanap pa rin ng pag-asa upang pawiin ang pininimdim.

Marami na rin ako’ng napagdaana’ng pagsubok,
Nakapaglakbay na sa pinakailalim at sa pinakarurok,
Nalasap ang pait at tamis sa masalimuot na biyahe ng buhay.
Ang akala’y nakita ko na ang lahat sa aking paglalakbay.

Ako ay nabigla dahil ako’y lubos na nagkamali
Nang isang araw na namulat na lang nang ikaw ang katabi.
Dahil dito sa buhay ay mas marami pa pala’ng kulay at hiwaga,
Mas marubdob pala ang hatid mo’ng misteryo’t talinhaga.

Minsan ako’y umibig nang hindi ko namamalayan.
Nagalusan, nakabangon, lumuha, ngumiti, nawala’t natagpuan.
Hindi ko pa mapagtanto kung ang pag-ibig na ito’y biyaya o sumpa,
Ang tanging alam ko lang: ang bawat halik mo’y buhay ang dala.
Louise Oct 2016
Ang gabi ay hindi dapat maging kaibigan ng delubyo. Nangangambang baka sa isang sulok ay may nag-aabang na demonyo. O baka sa likod pa natin mismo.
Saksi ang dagat at bundok sa pananaghoy ng bagong umaga.
At sino ang hindi makakaamoy sa pagsabog ng mga tala?
At nasaan ang gabi, ang inaakalang tanging katuwang?
Kasiping ba ng mga pangarap para sa bayan na siya nang nilamon ng digmaan?
Lumuluha ang bawat lawa at nagtatanong ang mga talon; makakaahon pa ba ang nalunod na tuwa't pag-asa ng kahapon?
O baka ang tuwa ay siya na'ng hinigop ng langit. Pinagtatawanan na tayo ng langit!
Sa mga dugong dumanak at ang naglalakasang pagtatangis na tila ba isang bulong sa bingi, tama nga't hindi ko kaibigan ang gabi.
Ganid ang gabi, palaging uhaw at nasisidhi sa kasawian.
Ang ngalan ng may akda ng munting tula na ito ay "delubyo".
Paminsan minsan maaari nyo ring tawaging demonyo.
Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, sa sulok ay hindi na magtatago. Haharap ako para tingnan ang bawat isa sa inyo sa mata. Sa dangal. Sa diwa. Sa puso. Sa dasal. At kakalabanin nyo dapat ako gamit ang mga ito... hanggang sa pag-usbong ng bagong umaga.

Pula, bughaw at dilaw laban sa kadiliman.
Nationalista
kingjay Dec 2018
Pagmasdan ang tanawin sa labas ng bintana
Hindi ang sandaling sa kulungan
Ito'y sa bawat saglit na nag-iisa
ang matinding lungkot na nadarama

Ipinta ang larawan ng estado
Berde,dilaw,pula kahit anuman
ito'y walang sigla
Sa mga mata puro puti
-tinta ng lahat ng kasalatan

Bagwis na malapad
taglay ang malakas na hampas
Ngunit nanatiling suwail sa hangin
hindi na makalipad

Isang akyat pa sa hagdan
Ang patpating nilalang ay uhaw
sa pag-uwi ng titulo
Karangalan ang pagtitiis
Ang pagwawagi ay bihira lamang

Sa taglagas ay ang pagsibol ng mga tanim sa palayan
Kunting saya sa isang linggong kasawian
Ilang ulit kaya sa isang buwan?

Ang orasan ay panauhin sa pagkakaylan man na paghimbing
Hindi linggatong kung ituring
Ito'y paala-ala na hindi pa kamatayan
kingjay Dec 2018
Ang maikling kasaysayan ay pilit kinakalimutan
Nang nahulog sa bangin ng nakaraan
itinali sa leeg ng walang pag-aalinlangan
ang maiksi na lubid na pinanghahawakan

Kumikinang na perlas ng silangan
namumukod-tanging mutya sa dalampasigan
Nang makatakas sa karagatan
Di na bumalik sa kinagisnan

Papalubog na ang araw nang hindi namamalayan
Ang liham nito'y kanyang huling alab
Yugto ng masamang pangitain
kung kailan dadapo ang mga paniki

Nagsilbi na piring sa pagsapit ng Biyernes ang takipsilim
Sa walang pakundangan pugon
Nagliyab ang lunggati ng pangangalit
Marahas na pagbati nito ay pasakit

Ang simpatiya ay kumukupas
Sa trahedyang sumira
Nang wala na makakapitan sa pag-aagaw buhay
Walang paghikbi sa kapaligiran
Labis na kasawian
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
Crissel Famorcan Mar 2018
Hahabi ng mga bagong tugma para sa bagong libro
Sa mga bagong pahina nito,may pag-ibig na kayang mabubuo?
O mga kasawian na naman ang tanging  isusulat ko?
Kalungkutan na naman ba ang uubos sa tinta ng aking pluma?
O sa malinis nitong papel,may pag-ibig nang magmamarka?
Maisulat ko kaya ang kuwentong inaasam
At sa matayog **** isipan,magawa ko itong ipaalam?
Posible kayang mapansin mo ang iaalay kong regalo
Kahit na ba di mo pa alam ang pangalan ko?
Wala naman kasi akong balak na magpakilala sa iyo!
Kahit madalas man tayong magkatagpo—
Magkakasya nalang sa mga nakaw na tingin
Sa mga simpleng sulyap na ginagawa ng palihim
Patuloy akong magmamasid mula sa malayo—
Malayo sa iyong tabi,
Pagtatagpi-tagpiin ang mga tugmang kapares ng iyong ngiti
Hindi ako lalapit at patuloy lang na magkukubli,
Pagkat alam kong kapag ika'y nakaramdam—
Wala akong magagawa kundi humulmang muli ng paalam.
kingjay Dec 2018
Tinik sa dibdib, tali sa puso'y pinaghihigpitan
Sa alambreng bakod di na makawala
yung pulang tubig lang aagos
Napuno ng kabanalan, kasunod ay kasawian

Ibuhos ang isang daang karayom sa nakatiwalwal na mga sugat
Tusok sa balat ay ang kirot na lalong tumitindi nang walang kapahingahan

Mabangis na  mga pangil sa talahiban nakatago
Wasiwas ng damo binabantayan
Mahinahon na inaabangan
Mas masahol pa sa tuklaw ng sundo ni Kamatayan

Ang kaantukan ay sumagi sa ulo
Pangambang nangangahulugan
Habang puyat na bumangon

Sa dulo ng dapithapon nagsisi-awitan ang mga ibon ay may bagong silang na paraiso
Isama na at huwag pabayaan
Lahat ay humayo
Tuwing Halalan, may kalakalan…
Palitan, tindahan ng mga pangalan
Manibalang, sariwa’t bulok man
Hilaw o hinog, merong pagpipilian.

Tuwing Halalan, may paligsahan…
Maliit, malaki, mahirap, mayaman
Basta handa at gustong lumaban
Maging sino ka man, pwedeng sumali diyan.

Tuwing Halalan, may kaaliwan…
Kantahan, sayawan at palakpakan
Kainan, kwentuhan at inuman
Wari’y may pista ang buong bayan.

Tuwing Halalan, may kasawian…
Tsisimisan, siraan, banghayan, alitan
Hamunan, bugbugan at bantaan
Hanggang kamatayan, walang uurungan.

Tuwing Halalan, may kalayaan
Pumili ng pinuno ang mamamayan
Dikta ng sarili **** isipan
O maging anong uri ng kabayaran.

Tuwing Halalan, may karanasan!

-09/29/07
(Dumarao)
*upcoming local elections
My Poem No. 28
Virgel T Zantua Aug 2020
Sino ang magpapatuloy sa paglaban... Kung ang bawat pangako ay walang laman... Laging pamamaalam ang katapusan... Kung wala na ang magagandang dahilan... Ang katotohana'y walang kabuluhan... Di maitatama kahit pagsisihan.

Ang pagmamahal ay walang pupuntahan... Sa gitna ng liwanag at kadiliman... Kupas na ang kulay ng bawat larawan... Kung kasawian ang dulot ng nakaraan... Saan makikita ang katahimikan... Kung ang damdamin ay walang kalayaan.

Tunay na mapaglaro ang kapalaran... Ang nakatakda ay di matatakasan... Sa bawat hinanakit at kasawian... Ang pagluha'y hindi maiiwasan... Tulad ng kwento ito'y may katapusan... Ang pag-ibig at galit ay may hangganan.

Ano nga ba ang kulay ng kamatayan... Kung puti ang para sa kapayapaan... Itim ang kulay ng hangin sa kawalan... Alin nga ba ang tunay na mas magaan... Ang tibok ng puso na may kasiyahan... O ang katotohanang may kalungkutan.
Neil Harbee Dec 2017
Kinain ng kadiliman ang buong daigdig
Saksi ang mga kabundukan at karagatan
Sa kung paanong natakpan ang araw na siya noong naghahari sa langit
Nagkalat sa buong lupain ang pait
Ang sakit
Dahil ang gabi dulot lang lagi ay kasawian
Ang gabi'y hindi isang kaibigan
Ang gabi'y hindi titigil hanggang ang kaisa isang tala na hawak mo ay kumupas na nang tuluyan
Nilamon ng kadiliman ang buo kong pagkatao
At oo
Sirang sira na ang taong sumulat ng binabasa mo
Sumasabog ang ulo na tila pagputok ng bulkan
Pumapatak ang luha na tila pagbuhos ng ulan
Ngunit lahat ng ito ay nakatago
Gaya ng kayamanan na nakadeposito sa bangko
Na kayang kaya ilabas ngunit mas piniling ipunin ng husto
Ipunin ang mga delubyo
Delubyo na animo'y itinanim sa dibdib ng isang demonyo
Nilamon ng kadiliman ang buo kong pagkatao
At walang sinuman ang makakasaksi nito
Dahil ang dilim ay inipon ko
At ang buhay ay kikitilin
Ang hininga ay lalagutin
Ang sarili ay papatayin
At lalong walang makakasaksi na sinuman
Dahil walang pakialam sa aking gabi ang sambayanan
Lahat ay nahihimbing sa kanilang kinaroroonan
At sa wakas
Nandito na ang wakas
P.S. Di po ako suicidal haha
Leonna8986 Irish Oct 2015
Akala ko, tadhana lamang ang mapaglaro.
Ngunit aking natanto, ika'y mas mapaglaro.
Binuhay mo ang pihikan kong puso at ito ay pinaibig ng husto.
Yun pala, ako'y iyong iiwanan sa dulo.

Ginawa mo lamang akong tanga.
Tao sa aking paligid ay natatawa.
Kasawian ko ay iyong kasiyahan.
Sana maaga akong nagising sa aking kahibangan.
Ako sana ay hindi nagdurusa ng lubusan.
Hindi po it maaaring isalin sa kahit ano mang porma ng walang pahintulot ng sumulat.
Ito ay aking sinulat na orihinal
O, pluma kong kay rikit
siyang saksi sa'king hirap at sakit
siyang sumpungan sa paghihinagpis
kaibigang kung dumamay ay walang mintis

Sayo'ng piling akong aluin
sama ng loob ko'y hilumin
mga duda't alilangan ko'y pawiin
pag-iimbot ko'y tulungang palipasin

O, plumang mapagtiis
patawad sa aking pag-alis
Mga mata'y kailangan imulat
Isipan ko'y magpapahinga muna sa lahat

Aking kaibigan
aking natuklasan
bawat tinta'ng iyong iniluluha
tila ay isa ring pika

Mga salitang aking isinusulat
ay tila pika na nahambuhay na nakamarka
sa isang pirasong papel
ginugunita, inaalala bawat kasawian

bawat hinagpis at pagpupuyos ng kalooban
mgapikang nagpapaalala, muli't muling sumusugat
sa puso't isipang gustong makalimot
kaya't ika'y kailangang iwanan, aking kaibigan

masakit man sa kalooban
ngunit, marami akong gustong kalimutan
sa'king patuloy na pagsulat
sa muli't muling pagbuklat ng mga aklat

ako'y tila muling buamabalik
sa mga panahong puno ng hinagpis at pasakit
kaya ika'y iiwan
pagkakaibiga'y kalilimutan

paalam aking munting pluma
salamat sa pagdamay at sa magagandang gunita
kay bigat ng aking damdamin
sa paglipas ng panahon ako sana'y iyong magawang patawarin
Rey Tidalgo Jul 2016
Kung puwede lamang / na siya'y limutin
Di na sana noon pa'y / wala ng paggiliw
Kung puwede nga lang / itago't ilihim
Ang kanyang balaning / umakit sa akin
Di sana tuyo na'ng / nunuyong damdamin
At ang pagluhog ko'y / noon pa natigil
Kung puwede lamang / na di maging dahil
Ng kasawian ko / na siya'y ibigin
Di sana tapos na / ang kundiman namin
At lipas nang lahat / ang aking hilahil
Kung puwede lamang / na siya'y limutin
Ang sugat ng puso'y / ampat na marahil




* Ang panandang / ay tanda ng sesura (caesura sa Ingles)
G A Lopez Mar 2020
Dama ko na ang pagdampi ng sikat ni haring araw
At sa araw na ito kakalimutan na ang ikaw
Sa bintana'y 'di na muling dudungaw
Wala na ang pag-ibig na dating umaapaw.

Kung sa umaga'y suot suot ang maskara,
Sa gabi'y, naghahanap ng makakalinga.
Yakap yakap ang unan
Bagay na saksi sa lahat ng aking kasawian.

Tumatangis sa gabing maulan
Humihingi ng tulong mula sa kalawakan
Hanggang kailan matatapos ang aking pakikipaglaban?
Sa kalungkutang dala ng nakaraan.
Jun Lit Oct 2021
Malambot ang kalimbahin,
talulot ng bulaklak na rosas,
tamang-tama sa pagpapagaan
ng masakit na pakiramdam
ng puro pasâ at bugbog-saradong lila
ng sugatang puso ng isang bansa -
sinugatan ng mga taon ng panggagahasa
ng mga pulitiko, at panghahalay
sa ekonomiya at lipunan.
Nagpapagaling ang kalimbahin.

Tamang timpla ang kalimbahin
ng matingkad na pulang dugo,
inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal
na pag-ibig, pagnanasang lumaban
para sa kalayaang tila napakailap
sa lahing puno ng kasawian
at ng dalisay na puting diwa
ng mga duminig sa tawag ng sambayanan
di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel
na walang sulat, na sa ibabaw n’ya
ay mahihiyang maglapat ang isang makata
ng mga talatang sambay-bakod kumbaga.
Masaklaw ang kalimbahin.

Maliwanag ang kalimbahin
litaw na litaw sa tila itim
ng gabing pinakamadilim
sa ating sinalantang kapuluan,
at sa malabo, lalong kumukupas
na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan
subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob
na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag
ang bagong Pag-asa ay binabasag
ang nakabalot na karimlan,
nagbabadya, ibinabaybay
ang ating kaligtasan
bilang isang bayan –
At kalimbahin ang kulay
ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."
Azumi Rabulan Jun 2020
Hindi ako handang tumanggap ng panibagong taong aking maikukwento sa ilalim ng tala at buwan
kung ang tanging kahihinatnan lamang ay mabigat na kasawian.
Oh anong anghang, asim at pait
Na sa kasawian ako ay idawit

Sadyang kayhapdi ng mga parinig
Ang turing sa akin ay higit pa sa manlulupig

Inuusig nang lubos ang aking konsensiya
Kayraming gabing binangungot, pinaluha

Ganito ba ang katarungang nais kong makamit?
Para akong hinuhubaran ng damit!

Parang pinipilipit ang aking mga bisig
Ako na nang-usig ang siya pang inuusig

Oh nakakahiya at nakapanghihina
Dahil alam kong batid na ang aking nagawa

Oh dulutan ng lunas ang kaluluwang may karamdaman
Huwag itong hayaan na malugmok sa kadiliman!

-11/13/2014
(Dumarao)
*My Cursed Poems Collection
My Poem No. 278

— The End —