Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Michael Joseph Nov 2018
Sa tag-init tayo nagkatagpo dala ang uhaw
nais mapawi ang pagkatuyot sa tag-araw
mga lalamunang di nadadaluyan
hanap ay tubig, mga umiibig sa lamig
sa daloy ng awit ng mga Ipil
at sa mga aalalang nabuo
sa bawat paglagok, sa bawat isa
mga alaalang nabuo sa tag-araw.

alaala pa ang pagpalakpak ng mga dahon
minsan lang masiyahan sa pagpapalit-panaog
ng tag-araw at tag-ulan
panga-pangakong binuo sa ilalim ng araw
pinagdarasal ng mga kahapon
di pa rin nalilimot,
mga tuyong ugat ng mga pusong sawi
sa pag-ibig na tubig sa tag-init
minsan lang magkaniig

dahil ikaw at ako ay minsan ng nanirahan dito
bumuo ng mga alaaalang impit na itinago
sa ilalim ng mga punong saksi sa mga uhaw na puso,
sa marahang pag-indayog ng mga dahong maririkit
sa bawat pag-ihip ng hanging mainit
sa katawang binalot ng mga sala
at sa bawat pagbabalik sa alaala
ikaw pa rin ang tanging nakikita
sa bawat paglampas ng liwanag
sa maririkit na butas ng kahapong
sa ilalim ng ipil nakatago

Heto na naman ang tag-init
hudyat ay muling pag-udyok
sa uhaw na pusong may pangangailangan
tuyot ang daloy sa bawat paghinga
sa bawat pag-ihip  kulang ang haplos
bawat hagod ay paos.


Alaala ka sa mga sinag ng araw
umaalpas sa mga dahon ng ipil
mga hapong napawi ang init ng tag-araw
nakakulong pa rin sa mga alaala
sa ilalim ng punong puno ng pagmamahal
sa kahapon at ako na di pa rin nagsasawa

sa ilalim ng mga Ipil
maghihintay sayo

Sa Ilalim ng mga Ipil
Michael Joseph Aguilar Tapit

04/11/2016
Aira G Manalo Sep 2015
Nakatingala sa kisame, ala-ala ko'y ligaw
Sa dilim ng gabi'y ano pa bang tinatanaw
Patalon-talon lamang ang sipat sa guhit ng mga ilaw
Isip wari'y walang pagod, lagi na lamang bang ikaw

Paikot-ikot ang higa, tila samyo'y naririto
Binabalik sa diwa ang lumbay ng paglisan mo
Gayunpama'y baon ang tamis ng mga halik
Sana'y di na lamang panaginip ang iyong pagbabalik

Unti-unti pa'y namumungay, ang mga mata'y nalumbay din
Tutungo sa pangarap, susulong na sa lalim
Impit na panalangin sa umaga paggising
Kaabay na muli, magbabalik sa aking piling
wizmorrison Oct 2018
Ang sarap hindi na bumalik sa kung saan ka nanggaling. Ang lupang nagbigay sa akin ng kunting ligaya ngunit puno ng masasakit na alaala. Ilang luha ang nilabas nitong hapong mga mata? Ilang impit at sakit nitong pusong nagdurusa?

Haggang kailan ako maggitiis? hanggang kailan ito matitikis? Mga tao sa paligid ay mapanuri, mapanghusga't mapanglait. Unti-unti kang sinasakal, bawat mali'y laging maturingan. Pangako ko sa Maykapal na gawa nila'y babaunin at pati buto ko sa libingan ay hindi sila malimutan.

Itong kirot ewan ko hanggang kailan ito, gagawin ko na lang itong isang malaking hamon at inspirasyon.

@Wizards_Pen
Wala, naglalabas lang ng sama ng loob. Yakang-yaka ko 'to. Fighting!!
kiko Aug 2016
Inaantay ko ang takipsilim
kung kailan nagtatagpo ang araw at ang karagatan
at unti-unting lumalabas ang buwan at mga bituin

inaantay ko ang dilim
kung kailan mararamdaman ko
ang marahang paghalik ng balat mo sa balat ko
kung kailan inuungkat ng mga daliri mo
ang lahat ng sikreto ng katawan ko

Dito
sa maliit na papag,
sa ilalim ng mga dahon,
at mga tagpi-tagping kahoy,
sa tabi ng dalampasigan
isinayaw mo ko
isinasayaw mo ako
at sana isayaw mo ako

Ituro mo muli sa akin
ang bawat hakbang dito sa indayog
na walang musika kundi
ang dwelo ng ating mga dila,
ang mabibilis na paghinga,
at mga impit na sigaw.

wag **** tapusin
dalhin mo ako sa isang paglalakbay
kung saan mas kailangan ko ang mga kamay at mga mata mo
kaysa sa aking mga paa

at pag narating na natin ang rurok ng kaligayahan
mahal,
halikan mo ang aking mga balikat
iparamdam mo sakin ang init na hindi naibibigay ng mga tela
ibulong mo sakin ang mga bituin at buwan
at ipikit natin ang ating mga mata sa muling pag-ahon ng araw.
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Jun Lit Dec 2020
Umaalingawngaw pa rin ang mga putok
tila tatlong tilaok ng tandang sa madilim na sulok
Ilang supot ng pilak kaya ang kapalit
May pagbati pa ang mga Hudas, tila pataksil na halik.

Magdamag na at maghapong pumapatak
ang mga butil ng dalamhati mula sa mga ulap
kasabay ng daloy ng aming
walang katapusang pag-usal
ng “Bakit?          Bakit?
                 Bakit?          Bakit?          Bakit?”
at impit na buhos ng mga luha
mula sa mga dinurog na puso.

Kahit si Mariang Makiling ay nakatalukbong
ng malungkot, makapal na ulap –
mistulang tinabunan ang mga pangarap
wala ni pipíng kasagutang maapuhap.

Wala, wala, wala . . .
Wala akong mahagilap na sagot
Tumitibay lamang ang aming paniwala
ang bayan ay patuloy ang pagkapariwara
ang daluyong ay nasa laot, lumulubog ang bangka

Katarungan ay mailap
Hinipan man ang kandila
Naroon pa rin ang iyong liwanag
Madilim man ngayong gabi
Gagabay ka sa aming paglalayag

Kami na rin ang lumikha ng sagot
At iisa lang ang aming alam
Pagmamahal mo sa ating bayan
kailan man ay hindi malilimutan
Lagi at lagi kang pasasalamatan
At ang lahat ng iyong marami
at magagandang sinimulan
Ipagpapatuloy para sa kinabukasan.
The town grieves. - dedicated to the memory of Mayor Caesar P. Perez, fatally shot on the night of 03 December 2020

— The End —