Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
071316

Di tayo nagkamaling ipaglaban ang sa atin,
Pag-ibig sa Baya'y ipinag-igting,
Sa bawat kislap ng kandilang nanlilisik.

Minsa'y ang kampana ng puso'y nabibitin,
Ilang beses inanod sa nauudlot na pag-irog,
Bagkus ang lamat ay natapos
Ng kagimbal-gimbal na ulat ng ngayon --
Tayo'y nagwagi, nanalo ang pag-ibig!
050916

Minulat tayong may sukli ng kasaysayan,
Saksi sa matinding gisahan ng rekado sa Tahanan.
Pangako'y iniukit ng mga Anak na payak
Nagbabasagan ng plato, nagtitilamsikang tubig,
Pagbili ng lakas ng loob
at talas ng dila sa Pulitikang Tindahan;
Luha't dangal, pawang huling hain
Ng Ama't Ina ng Lipunan.

Nakakangalay makisabay sa uso
Kung nawalay pati ang yupi-yuping puso.
Hindi tayo nagpaampon sa Lipunang mapanukso,
Yakap ang Langit, uhaw lamang sa pagbabago!

Sumisigaw ang damdaming nilusaw ang galit,
Ang pait ng kahapong sinabuyan ng panlalait.
Minsan, sobra ang demokrasya kaya't may kapalit.
Kaya't minsa'y susulong bagkus panay ang subalit.

Hindi natin kayang palayasin ang Ama't Ina,
Kung ngayon pa lang, may mga multong rebelde na.
Hindi natin kayang itaboy ang kamay ng Hari ng mga Isla,
Pagkat tayo'y ibinigkis, iba't iba man ang pananampalataya.
At higit pa sa pulso ng Bayan ang nagluklok sa kanila.
Mainam na ngang masaktan sa una,
Kung saan dunong at talino'y maituon sa pagpapakumbaba.
Masakit sa loob kapag tinatama ka,
At bawat palo't kusang pagdidisiplina.

Kung hindi susundin silang Ama't Ina,
Kung hindi magpapasakop sa babaguhing sistema,
Kung hindi huhubarin ang estadong may ibang klima,
Hinding-hindi bubuhos ang pagpapala.

Umaasa tayo pagkat di natin kayang mag-isa,
Sandigan nati'y hindi na Pulitikang Balisa,
Sana'y pag-iisip ay mabago ng Amang may grasya,
At tayo'y maging bahagi ng paghilom ng bansa.
032116

Tutugon iyong kamay
Sa musikang natural na naririnig.
Pagkat sa una **** pagtapak sa eskwela'y
Turo na yan nila Ma'am at Sir --
Ilagay mo raw ang kanang kamay sa puso
At saka umawit ng Lupang Hinirang.

Habang nagkakamuang ka't nilisan ang kamusmusan,
Doon mo mas natitimbang ang liriko ng kanta.
Tila baga kaylalim ng hugot ng may akda nito,
Pagkat sa bawat linya'y, bibilis bawat pintig ng puso mo.

Perlas ng Silanganang ninais **** sisirin.
Alam kong wari mo'y bakit tatsulok ang mayroon sa Pilipinas.
Ang mga mahihirap, patuloy na naghihirap.
At mga mayayama'y mas nagsisiyaman pa.
Nababagabag ka ba sa istilo ng pulitika?
O minsan ninais mo ring mangibang bansa na lamang?
Para sa higit na salapi't oportunidad.

Nag-aalab pa ba ang puso mo para sa dangal ng Bayan?
Buhay ay langit pa ba pag kapiling ang bansa?
O ito'y pinausukan na ng modernong pambobola't pagmamanipula?
Taglay mo pa ang pagmamahal,
Na siyang tutulak sayo para manatili sa Bayan
At lumaban at tumayo sa pagkatawag mo?

May kumpas pa ba sa puso mo
Ang kislap ng watawat?
Tagumpay pa ba ang pahiwatig nito?
O ika'y nagpapainda sa paghahatak talangka ng iilang Pilipino?

Masasabi mo pa ba't matatayuan
Ang linyang, "ang mamatay nang dahil sayo?"
Gaano kaalab ang puso mo para sa Bayan?
Walang Pilipinas, kung walang Pilipino.
Walang Pilipinas kung wala ka't wala ako,
Walang Pilipinas kung wala tayo.
Ibalik natin ang tunay na diwa ng pagka-Pilipino!
032116

Sumayad ang takong ng apat na kandidato
Hindi para mangalakal at maghain
ng kani-kaniyang plataporma.
Alay ang boses para sa nagkakalansingang masa,
Habang magbabanyera ng laway ng pananalita.
Tagisan, ika nga
Tahasang pagbubukambibig ng motibo sa bayang
May kinabukasan pa.

BINAYubay nga ba ang Pilipinas naming mahal?
Sa FOI na minsang itinapo'y ano ang tugon?
Hampas-lupa ba ang mga Pilipino
Para magbulag-bulagan
Sa binulsang kaban ng bayan?
Yang pambobola nyong haing 5Ps
Saan nga ba ang liderato ng ngiting may bungisngis?
At sa pagbaba ng tax, maibabalik nyo ba
Ang nasa bangko ninyong
May iba't ibang ngalan?
Sagot ba ang waivers at ilang kasulatan?
Kamusta naman ang assets nyo at liquidations?
Sana'y hindi maging makati ang mga kamay,
Gawin **** mala-Makati, wag lang ulitin ang pangangati.

Mala-Talk Back and You're Dead,
Yan ang peg ng kamandag ni Duterte.
Palabiro raw sya't matalas ang dila,
Bagkus ang masa'y panay ang tugon sa kamao niya.
Kamay na bakal, iyo bang ibabalik?
Sabik nga ba sa Death Penalty ang kinauukulan?
Sa posibleng anim na buwan ng iyong pag-upo,
Sana'y malinis ang minsang Tuwid raw na Daan.
Posible bang dahas ang kasagutan
Sa bayang talamak ang bayaran at tulakan?

Tila saulado mo ang bawat numero,
Ang galang mo Poe, nagmula nga ba sa pusong Pilipino?
Paano nga kung nagising kang
May alarma sa Bayan,
Babangon ka ba talaga't di kami tatalikuran?
Wag sanang gaya ng pagtapon mo
Sa Amerikang minsang naging bayan mo rin.
Paano mo babalansehin ang tulong
Ng malalaking korporasyon sayo?
Boto ba nila'y hindi mo binili?
Wala bang kapalit ang oo
Ng mga batikan at mayayamang negosyante?

MARami ka nang satsat sa Daang Matuwid na yan,
Talamak na rin ang paghuhugas-kamay
Para sa patapos nang administrasyon.
Ba't nga ba panay ang pag-eendorso mo
Sa sarili't tila baga sayo nanggaling ang pondo noong Yolanda.
Naroon ka nga't ika'y ligaw at wala raw tugon,
Ano itong alarma mo raw
Pag nandyan lamang ang kamera.
Wala bang tiwala sayo si PNoy?
At tinago pa sayo ang nauukol sa mamasapano?
Kamusta po ang pag-endorso ng Pangulo sayo?
Sana'y inasikaso niya na lang
Ang nahuhuling termino.

Marami na po kayong mga pangako,
Naawa nga kami sa Translator
Pagkat gulung-gulo rin siya
Sa pag-aagawan ng oras at mikropono.

Magandang ideya ang naganap na mga Debate,
Pagkat nauntog ang Bayan,
Nagigising aming diwa't magigisa ang tamang boto.
Ang boto ng bawat Juan,
Para yan sa Bayan.
Sana'y matiyak po nating
Wala nga tayong kinikilangan
Maliban sa malinis na eleksyon.

Tayo ang simula, kapwa ko mga Juan!
Maging wais tayo!
Makialam para sa Bayan!
Gising Pilipinas!

"Alab ng puso,
Sa dibdib ko'y buhay!"
- Lupang Hinirang
Ken Alorro Sep 2015
Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Puso'y napahinto, natulala
Dahan-dahang bumilis ang bawat pintig
At sa bawat pintig na ginagawa nito
Dala'y dugo na umaasang sana mahalin ako

Namumulang pisngi
Namumulang labi
At kagaya ng dugo sa katawan
Akoy pinaikot-ikot, ikot, ikot...
Hanggang sa maubos ang enerhiya
Na baon-baon mula ulo hanggang paa

At sa dahon ng saging ako ay ibinalot
Na parang betamax
Iniluwa ng hindi nasarapan
Ikinamuhi dahil sa lasa
'Di ko alam kung ako'y tanga o nagmamahal lamang
At kung alin man ako sa dalawa
Hindi na mahalaga dahil alam kong mahal kita

Sa labing-apat na araw na nakilala kita,
Pinaglaruan mo ako
At kagaya ng mga bata sa lansangan
Ako ay naging kalsada
At ikaw, ikaw ang trak
Na piniling di pansinin ang mga butas sa ibabaw ng dibdib
Dinaanan lang
Hinayaang bukas
Nakabilad sa araw
At sa pagbuhos ng ulan
Tinulungang lunurin ng tubig na may dalang putik

Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Nang walang halong pag-aalinlangan
Na di inisip kung mahal din ba ako o hindi
Pero sa ating munting panahon
Nalaman ko na ikaw ay isang relihiyon
Na piniling isantabi ang agham
At ako, kagaya ng lahat ng bagay sa mundo mo
Ay isang bersikulo lamang ng iyong bibliya
Na kung hindi maintindihan
Gagabayan ang sariling kamay
At ibubuklat ang mga kasunod na pahina

Mahal, sa labing-apat na araw na nakilala kita
Pagod na akong maging kalsada
Ayaw ko nang maging parte ng iyong bibliya
At higit sa lahat
Hindi ako ang iyong dugo
Na gagawing betamax at ibebenta
Kapalit sa kapirasong salapi
Mahal, hindi ako iyon

At ngayong tapos na ang labing apat na araw
Magiging mahalaga ako para sa akin
Nasaktan, nadurog
Pero noon 'yon!

Mula ngayon tatanggi na ako
Tatanggi akong masaktan
Tatanggi akong paglaruan
Tatanggi akong gamitin
At higit sa lahat tatanggihan na kita
Lilimutin ko ang iyong pagkatao gaya ng paglimot mo sa akin.


Masakit, pero kaya.
Matagal, pero kailangan.
Next page