Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
solEmn oaSis Nov 2015
maglayag gamit ang bagwis ng alapaap
duon walang sino mang makaka-apuhap
sa bawat hikbi ng pag-iyak
halu-halong luha ng galak*

pakawalan ang enerhiya ng kamalayan
sa araw-araw **** ensayo ng paglisan
ipagmalaki ang kulay ng iyong pagbabago
sabihin ng matingkad sa mundo at wag itago

magpakatatag ka sa hamon ng kaibigan
hawakan ang ningas sa iyong mga kamay
maging mahina sa tawag ng pagmamahalan
ibalik-tanaw ang ibinunga ng iyong tagumpay!
isang wika sa mabuting ibubunga!
INTERNATIONALLY IN OTHER WORDS..."an idiom optimism"
kingjay Dec 2018
Pagmasdan ang tanawin sa labas ng bintana
Hindi ang sandaling sa kulungan
Ito'y sa bawat saglit na nag-iisa
ang matinding lungkot na nadarama

Ipinta ang larawan ng estado
Berde,dilaw,pula kahit anuman
ito'y walang sigla
Sa mga mata puro puti
-tinta ng lahat ng kasalatan

Bagwis na malapad
taglay ang malakas na hampas
Ngunit nanatiling suwail sa hangin
hindi na makalipad

Isang akyat pa sa hagdan
Ang patpating nilalang ay uhaw
sa pag-uwi ng titulo
Karangalan ang pagtitiis
Ang pagwawagi ay bihira lamang

Sa taglagas ay ang pagsibol ng mga tanim sa palayan
Kunting saya sa isang linggong kasawian
Ilang ulit kaya sa isang buwan?

Ang orasan ay panauhin sa pagkakaylan man na paghimbing
Hindi linggatong kung ituring
Ito'y paala-ala na hindi pa kamatayan
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
John AD  Apr 2020
Haykapnayan
John AD Apr 2020
Ano ba tong nagaganap ?
Isa ka ba sa nagkakalat
Kamalayan mo ay pahintulutan
Isiwalat ang nagaganap

Takpan ang iyong tenga
Nakakasulasok na tunog
Sobrang pagkabulag mo
Nakakatapak na ng bubog

Subyang sa iyong bagwis
Hindi pa ba naaalis?
Tumatagaktak na iyong pawis
Daan-daang buhay na ang nagbuwis

Ginapas,Bunga ng kasakiman
Ganti ng kalikasan hindi mapigilan
Nakadungaw sa bintana
Humahalakhak ang mga sinaktan
Lason ang isip sa taong sakin at makamundo
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
MM  Oct 2018
Malaya
MM Oct 2018
Hindi ka bibiguin ng mga pakpak na ito
Itawid mo man ang sarili sa dagat at mga ulap
Hampasin man ng hangin at alon ang iyong mga bagwis
Ay hindi ito bibitaw at hindi papalya

Dadalhin ka pa sa kataas-taasan
Kung saan mas matatanaw ang asul na tubig
At mga berdeng lupain

Kung saan ang init na binibigay ng sinag ng araw ay mas matindi
Kung saan malaya ka

Kung saan sa wakas ay malaya ka na
John AD  May 2020
Kitil
John AD May 2020
Isa pang rason , Sa pag-usad
Kurbang linya , katamtamang ruta
Tunog ng kampana , ginising ang isip
dati rati sumisilip , reyalidad na ang panaginip

Tinagpi ang pisi , bagwis muling papagaspas
Sanhi ng dahas naakit , uwak ay maghihiganti
Paglubog ng araw , pagsikat ng dilim
Sanay na kong bangkay , Nanghuhusga nalang ako kung sinong mamamatay

Kamatayan ang aking katauhan
Orasa at karit aking sandata
Buhos ng lupa , Kalkulado ka
Sa pagdaan ko , mananaginip ka

— The End —