Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Kael Carlos Jun 2018
Simulan natin sa katapusan nang taon,
Naging dahilan nang araw-araw kong pagbangon,
Naalintana ang palagiang paglamon,
At uminit ang Pasko nang kahapon.

“Napakaganda nang buhok mo”, aking bati,
Para sa minimithi kong binibini,
Pagmamahal mo’y sa akin’y biglaang sumapi,
Noon ko ipinagdarasal na makita kita’ng parati.

Humingi nang payo kung kani-kanino,
Upang manatiling aktibo’t ‘di mablangko,
Bagama’t ang kinauukalan mo’y malayo,
‘Di nagtagal, nagkaroon na din nang “tayo”

Araw-araw magkausap simula noong ikalabing-walo nang Enero,
Nagpatuloy hanggang Pebrero pati Marso,
Kadalasang naiisip kapag nag-iisa sa kwarto,
Hanggang sa eskwela, daanan, lansangan, lungsod, barangay’t baryo.

Naputol man ang ating koneksyon,
Hinding-hindi ka mawawala sa ‘king imahinasyon,
Ipinagbawal man upang turuan nang leksyon,
Sa araw-araw ang pag-ibig mo’y aking binabaon.

Pinaghigpitan man’y iginagalang ko
Ang desisyon at pagmamahal nang mga magulang mo,
Sa ika-dieciocho ka pa daw pwedeng magka-novio,
Nag-atubili, sumagot ako nang “opo”.

Lahat daw nang inaantay at pinaghihirapan,
Ay mayroong napakalaking kahalagahan,
Kahit alinma’y sakit ay aking ginampanan,
Upang sumunod lamang sa natatanging kasunduan.

Kaya nandito ako ngayon,
Na may pagmamahal at may mga pagtitiis na naipon,
Nanabik sa pangako nang kahapon,
Sa pangakong uuwi ka sa iyong selebrasyon,

Ngayong ika-siyam nang Pebrero,
Nais kong malaman mo na pag-ibig ko sayo’y ‘di magbabago,
Nag-intay, nagtiis, nahirapan, ngunit ‘di napagod,
Dahil umaapaw ang pagmamahal mula labas hanggang ubod.
Ika-labingwalo

— The End —