Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Allen Nov 2015
(On love by Kahlil Gibran ; A Translation)
Kung magkataon na tawagin ka ng pag-ibig, sumunod ka,
Kahit pa ang daan niya'y mahirap at matarik.
At kung yakapin ka ng kanyang mga pakpak ay magpaubaya ka,
Kahit pa ang mga punyal na nakatago sa kanyang mga balahibo ay kaya kang sugatan.
At kung mangusap siya sa iyo ay maniwala ka,
Kahit pa ang kanyang tinig ay kayang durugin ang iyong mga pangarap
Tulad ng pagsira ng hanging habagat sa mga halamanan.

Sapagkat kung paano ka parangalan ng pagibig ay ganoon ka din niya ipapako sa Krus.
‘Pagkat kahit pa siya'y para sa iyong paglago ay ganun din siya para sa iyong pagka-bulok.
Kahit pa pinayayabong ka nito sa iyong pinaka-mataas at hinahaplos ng liwanag nito ang iyong mga sanga,
Ganoon din niya huhugutin ang iyong mga ugat mula sa pagkakabaon nito sa lupa.

Tulad ng mga butil ng mais ay itinatali ka nito sa kanyang sarili.
Binabayo ka niya upang mahubdan
Ginigiling hanggang sa kuminis.
Minamasa hanggang sa lumambot
At ika'y kanyang isasalang sa kanyang banal na apoy, upang ika'y maging banal na alay na ihahain sa banal na pista ng Panginoon.

Ang lahat ng ito'y gagawin ng pagibig upang malaman mo ang mga lihim ng iyong puso, at sa kaalamang iyon ay maging bahagi ng puso ng buhay.

Ngunit kung sa iyong pagkatakot ay hanapin mo lamang ang kapayapaan at kasiyahan ng pagibig,
Ay mabuti pang ika'y magbihis at lumiban sa kanyang giikan,
Sa isang mundong walang kulay kung saan ikaw ay tatawa, ngunit hindi
lahat ng iyong kasiyahan, at iiyak, ngunit hindi lahat ng iyong luha.
Walang ibinibigay ang pagibig kundi ang kanyang sarili at walang tinatanggap kundi ang galing din sa kanya.
Ang pagibig ay hindi nang-aangkin at nagpapa-angkin ;
Sapagkat ang pagibig ay sasapat lamang sa pagibig.

Kapag ika'y umibig hindi mo dapat sabihing, “Ang Diyos ay nasa aking puso,” kung hindi, “Ako ay nasa puso ng Diyos.”
At 'wag **** isipin na kaya **** diktahan ang pagibig, 'pagkat ang pagibig, kung matantong ika'y karapat-dapat, ay ididikta sa iyo ang iyong landas.

Walang kagustuhan ang pagibig kung hindi tuparin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ikaw ay umibig at mangailangan, maging ito ang iyong kailanganin:
Ang matunaw at umagos na parang batis na umaawit sa gabi.
Ang malaman ang sakit ng lubos na pagaaruga.
Ang masugatan sa iyong sariling kaalaman ng pagibig;
At masaktan ng kusang-loob at may ligaya.
Ang gumising sa bukang-liwayway ng may pusong kayang lumipad at magbigay pasasalamat sa isang bagong araw ng pagibig;
Ang magpahinga sa tanghali at magnilay sa sarap ng pagibig;
Ang umuwi sa hapon ng puno ng pasasalamat;
At matulog nang may panalangin para sa minamahal sa iyong puso at awit ng papuri sa iyong mga labi.
AUGUST Nov 2018
NOBYEMBRE 20, 2018
hugis pusong inukit sa munting puno
nagbunga ng matamis itong pagsuyo
sa lilim ng mga sanga, saksi sa’ting pangako
na tayo lang dalawa ang magkasundo

ito ang ating tagpuan, na tayo lang ang may alam
kaya nakalagay ang pangalan,pagkat dito ay atin lang
ang payapang tahanan, ng ating pinagsamahan
sa dahong kanlungan, na puspos ng pagmamahalan

ang dibdib kong umaawit, habang pumipintig
halina’t maging mainit ang dating lamig
oh kay sarap palang kumapit, sa gitna ng ating bisig,
(sa ilalim ng) hugis pusong inukit, simbolo ng dakilang pagibig

may hangin na dumadampi wari’y halik sa’yong pisngi
sa punong mumunti, rosas kang kasing pula ng ‘yong labi
at meron pa bang tatatamis sa iyong mga ngiti
kung tunay ngang ang ‘yong ganda’y nakakabighani

sa punong may lilim, kasama kita aking sinta
wala na kung hinihiling, kaylangan ko’y andito na
sana dito nalang tayong dalawa’y mamalagi
sayo ilalaan ang bawat sandali, at pangakong mananatili
you can also follow me on facebook with the page name August' poems
prāz Dec 2016
Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.

Maisusulat, halimbawa:
“Ang gabi’y mabituin, at nanginginig, asul,
ang mga tala sa dako pa roon.”
Umiikot sa langit ang hangin ng gabi, umaawit.

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Siya’y inibig ko, at kung minsan ako’y inibig din niya.

Sa mga gabing tulad nito,
niyakap ko siyang mahigpit
at hinagkan sa lilim ng walang-hanggang langit.

Ako’y inibig niya, kung minsan siya’y inibig ko rin.
Paanong hindi iibigin ang mga mata niyang malamlam?

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Isipin lang: Hindi ko siya kapiling.
Nawala siya sa akin.

Dinggin ang gabing malawak,
mas malawak pagkat wala siya.
At ang tula’y pumapatak sa diwa,
parang hamog sa parang.

Ano ngayon kung di siya mapangalagaan ng aking pag-ibig?
Ang gabi’y mabituin, at siya’y hindi ko kapiling.
Iyon lamang.
Sa malayo, may umaawit.
Sa malayo.
Diwa ko’y hindi mapalagay sa kanyang pagkawala.
Anyong lalapit ang paningin kong naghahanap sa kanya.
Puso’y naghahanap sa kanya, at siya’y hindi kapiling.
Ito ang dating gabing nagpaputi sa mga dating punongkahoy.
Tayo, na nagmula sa panahong iyon, ay di na tulad ng dati.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero inibig ko siyang lubos.
Tinig ko’y humalik sa hangin para dumampi sa kanyang pandinig.

Sa iba. Siya’y sa iba na.
Tulad ng mga dati kong halik.
Tinig, maningning na katawan.
Mga matang walang-hanggan.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero baka iniibig ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, at napakabata ng paglimot.

Pagkat sa mga gabing tulad nito’y yakap ko siyang mahigpit,
diwa ko’y di mapalagay sa kanyang pagkawala.

Ito marahil ang huling hapding ipadarama niya sa akin,
at ito na marahil ang huling tulang iaalay ko sa kanya.



“Tonight I Can Write The Saddest Lines” ni Pablo Neruda
sinalin sa Filipino ni Jose Lacaba.
this is one of my favorite translations
it is not of my purpose to plagiarize
i just thought
this piece is too beautiful
and people have to read it
LAtotheZ Aug 2017
Dilaw na sinag ang bumungad sa aking kamalayan
Habang sumasayaw ang ulap sa bintana
Umaawit ang electric fan kasabay ng mga mumunting ingay sa labas ng kwarto
Kailngan maghanda dahil ngayon ay mas espesyal pa sa nagbabagang balita sa radyo.
Almusal ligo toothbrush bihis na daig pa ang artista sa telebisyon
Beso beso, kamayan, tawanan, yakapan, galak, sa mga taong namiss mo noon
Preparado ang lahat, nakisama ang panahon
Kakausapin ko si Ama na may buong buong desisyon
Naguumapaw sa saya na may kasamang kaba
Asan na pala sila? Anong oras na ba?
Hanggang sa nagsimulang umawit ang mga anghel
Isa isang lumakad ang saksi na may kanya kanyang papel
Hakbang pakaliwa, hakbang pakanan, onti na lang malapit na
Hanggang sa matunton ko ang harapan, naku eto na, kumapit ka
Tila nanahimik ang paligid, nakatuon lahat sa nagiisang pintuan
Hanggang sa bumukas at lumantad ang nagiisang kasagutan

Liwanag. Oo sya ang aking liwanag.
Dahan dahan papalapit, upang akoy mapanatag
Kislap ang nangingibabaw sa buong kaharian
Untiunting pagpatak ng luha sa galak namasdan
Napakagandang nilalang, ang nagiisang dahilan
Kung may araw sa umaga, sa gabi sya ang buwan
Pagkahawak ko sa kamay sabay hinagkan
Ngayon naririto kana hindi kana papakawalan
Susumpa na animoy umaawit sa pinakamasayang pagkakataon
Pagkakataon na tila munting bata na naglalaro sa papalakas na ambon
Anong oras na? Alam kong alam mo na
Kung paglagay sa tahimik ang tawag dun, ang sagot isigaw mo na
Dahil bukas ay di na ko mangangarap pa
Bagkus ang bawat bukas ang hanganan para mahalin kita
Oras na ang nagbilang para mahanap natin ang isat-isa
At kung nagsimula man ang bilang sa isa, magtatapos ang lahat sa labi-ng-dalawa

Written: 08/01/2014
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang makamtan ang maliliit subalit makabuluhang layunin sa loob ng maiksing panahon. Sa maiksing panahon lang, ‘hwag mo’ng sakupin ang lima hanggang sampung taon na paparating pa lang. Ituon mo sa ngayon at sa mga darating na araw o buwan ang pagkamit sa iyong mga layunin. Hindi totoo ang long term plan, tangina baka nga hindi mo na ito ‘datnan kaya hindi mo ito dapat na saklawan. Ang tagumpay ay hindi sinusukat sa haba ng paghahanda para ito makamit, ang totoong tagumpay ay dapat na lasapin sa bawat sandali, minuto, oras at araw ng buhay mo. Oo, ganun lang dapat, kasi maiksi lang ang buhay baka sa sobrang abala mo para paghandaan ito ay makalimutan mo ang maging maligaya.

Ito ang pinaka malaking trahedya ang kalimutan ang kasalukuyan para lang paghandaan nang todo-todo ang bukas na iyong hinihintay. Ok lang na mangarap, na magsumikap at pangarapin ang magandang bukas subalit hindi mo dapat na ipagpalit kung ano man ang kaligayahan na meron ka ngayon para lang dito. Enjoy your life today while preparing for the future ika nga. Kung bata ka maglaro ka, sige lang makipaghabulan ka sa mga tutubi o di kaya ay  magtampisaw sa ulan. Kung binata ka sige lang manligaw ka at makipagkaibigan mag-invest ka sa pakikisama at matutong makipagkapwa tao. Kung nagtratrabaho kana gawin mo nang may pagibig ang ano mang giangawa mo, ‘wag lang nang dahil sa pera.

Maging bubuyog ka na laging handang sumimsim ng bango ng mga bulaklak. Gayahin mo ang ibon na laging umaawit at lumilipad. Umawit ka at tumula kahit walang tagahanga. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon. Ang maiksi subalit makabuluhan na panahon ito ang mga ginintuang sandali na hindi mo dapat na ipagpalit, hawakan mo ito nang hindi mawaglit.
Euphrosyne Feb 2020
Kung mapapansin mo
Sa bawat kanta
Bawat himig
Bawat talata ng liriko
Sa bawat musika
Na inaalay sayo
Ikaw ang ibig sabihin,
Ang tayo ang pinapahiwatig,
Ang pagibig ko sayo ay pinapakita
Ito'y simpleng pagpapakita
Kung gano kita kagusto
Kung gano kita kamahal
Kung gano ka kaimportante
Handa akong ibigay lahat
Lahat ng listahan ng matatamis na kanta
Sa kadahilanang hindi ako umaawit
Napapa awit lamang kapag
nakikitang kinikilig ka
Okaya napapangiti ka
Pwede naring napapasabay ka sa awit
Sa awit na gusto kong ipahiwatig
Bawat puso
Bawat ibig sabihin
Bawat gusto kong ipahiwatig
Sana'y hindi magbago
Ang pakikitungo
Dahil marami pa
Marami pa akong
Nakahandang listahan.
Salamat at tinanggap mo
Lahat ng mga kantang inaalay sayo
Huwag magalala ikaw lang
Ang binigyan ko ng mga kantang
Minsan lamang madinig
Ng karamihan.
Ngayon alam mo na siguro kung ano layunin ng pagbigay ko ng mga kanta sayo dahil isa lang ibig sabihin non. Sana pinakinggan mo lahat ng binigay ko at mga pinapatugtog ko.
Ang ibon na lumilipad ng mataas
Sumasabay sa ihip ng hangin
Tumatabi sa dalampasigan
Umaawit ng sariling awitin
Ipinupundar ang mga hampas ng tubig na hindi kumukupas

Minsan nang sumayaw ang ibon
Sa tabi ng dalampasigan
Natukso ng init ng hangin
At lamig ng karagatan

Sa isang sayad ng kanyang balahibo
Hinatak ng aplaya ang bisig ng mumunti
Nagsisigaw hanggang sa mawalan ng kibo
Nangamba na hindi na makakalipad muli

Ang buhay ng ibon
Tila isang kuwit
Tumigil at nanahimik
Naghihintay ng kasunod

Ngunit ang kuwit ay magpapatuloy parin
Hindi tulad ng tuldok na katapusan ang hantungan
Sa gitna ng pagbagsak at kalungkutan
Tayo, katulad ng ibon, ay makalilipad muli
JOJO C PINCA Dec 2017
Ito ang kahulugan ng pangalan mo,
Ikaw ang liwanag sa madaling araw,
Ang unang kislap na pumupunit sa dilim.
Ikaw ang simula ng umagang kay ganda,
Na nagkukubli sa haba ng gabi,
Habang umaawit ang magdamag.
Sumalungat ang hangin sa sikat ng araw
Kaya’t patuloy kang nagniningning.
Tiyak na naiinggit ang mga bituin
Sapagkat higit kang marikit kung ihahambing.
Ang buong maghapon ay tila isang panaginip.
Saan ba nanggagaling ang iyong ningning?
Nagmula ka pa sa kabilang kalawakan sakay ng bulalakaw,
Tila ganyan ang iyong pagdating.
Sige lang patuloy kang magningning
Nang magliwanag ang buhay na madilim.
JOJO C PINCA Nov 2017
Kakaiba ang haplos ng banayad na musika,
Masarap damhin sa puso. Pahinga ang dulot
Sa pagod ko’ng kaluluwa, ginagamot pati mga
Sugat sa aki’ng damdamin.

Hindi ako musikero, hindi ako umaawit
Ako’y makata subalit minsan kahit ang mga
Tula ay hindi sapat. Hinahanap rin ng sarili
Ang ligaya na dulot ng musika at awit.

Masarap magsulat ng tula habang nakikinig
Sa musikang hatid na gumigising sa damdamin.
May naiibang katahimikan, isang tila paraiso
Na aking sandaling nasisiksikan.
Ara Mae Apr 2020
Napakatamis ng mga umaga na ang bumubungad sayo ay ang kaniyang magagandang ginawa, at sa gabi baon-baon mo ito hanggang sa paghimbing.

Nang natutunan ko ang tunay na halaga ng pagsamba, natuto din ako puso na tumibok at magmahal ng totoo.

Nagmamahal ako kaya ako nakatayo ngayon sa inyong harapan, pero bago ang lahat ng ito, may nagmahal muna sakin kaya ko nakayanang tumayo rito.

Sa paglipas ng buhay, ng dahil sa pagmamahal na nag uumapaw at hindi mapantayan, lahat ng salita, kilos, gawa o akda hatid ko ito sakaniya bilang pagsamba.

Hindi lang sa pagkanta, hindi lang sa pagsayaw, hindi lang sa pag tayo rito sa kinatatayuan ko ang tunay na pagsamba, dahil ang tunay na pagsamba ay mula sa ating ginagawa na ating isinasapuso para sakaniya.

Maraming paraan para ang Diyos ay ating mapasaya, kaya huwag kang mag alala, malambot ang puso niya basta’t lumapit ka lang ng may pusong mapagkumbaba.

Magtiwala ka, dahil nakikita niya ang bawat galaw, naririnig niya at bawal salitang iyong sinasambit kapag ika’y nagdarasal o kahit umaawit.

Minsan tayo’y nahihirapan sumamba lalo na kung ang ating puso ay punong puno ng galit, sakit at mga tanong na bakit na dahilan ng ating paglayo sakaniyang piling pero mali, bakit tayo lalayo sakaniya kung alam nating siya lang ang makapag pa paalis ng galit, makapag pa pagaling sa sakit, at makaka sagot sa mga tanong na bakit, pero kung hindi mo alam to, sinasabi ko sayo, totoo, huwag kang mahiyang lumapit sakaniya dahil nakikita niya ang lahat ng ito.

Alam mo, tatanggapin ka parin niya kahit minsan inisip **** tumalikod sakaniya, kahit minsan, mas pinili mo pang makasama ang barkada, buhat buhat ang mabigat na problema diyan sa iyong puso, iniisip mo ito ang sagot sa problema mo pero hindi. Mas dapat piliing lumapit sa pinagmulan ng iyong liwanag sa buhay dahil siya lang ang makagbibigay ng ilaw kapag ang iyong buhay ay nagdidilim na.

Ang lahat ng ito’y nararapat lamang para sakaniya, dahil inalay niya ang kaniyang buhay, naglakad ng duguan, ipinako sa krus kahit walang kasalanan. Hindi siya sumuko, hindi siya huminto, ipinagpatuloy niya ang lahat ng ito para ilagtas ka, ako, tayo.

Ang pagsamba, hindi lang sa ginagawa ko sainyong harapan, ito rin ay ang pagtitiwala sa Panginoon na siya’y magbibigay ng kasagutan sa ating mga kahilingan.

Nasasabi ko lahat ng ito dahil binuksan ko ang aking puso’t isipan sa bagong kaalaman, hindi tungkol sa matematika, dahil pagbilang ko ng isa, dalawa, tatlo ...... namulat sa katotohanan at nagkaroon ng pagbabago sa buhay, ang Diyos ay nakilala, at binigyan ng kulay ang aking buhay.
Ronnuel Apr 2020
"O aking minamahal sinta,
Tara, kanta na tayo't magsimba.",
Kay sarap balikan ang mga araw na 'to,
Hanggang sa sarhan mo'ko ng pinto.

Laging kasama sa samahan
niyong umaawit,
Sa lugar kung saan nakakahingi
ng tulong sa langit,
Ang puso ko'y gusto sayo lumapit,
Sapagkat iyong ganda'y kaakit-akit.

Kaya ako'y nangarap...

"Sa pagtatapos ng aking paglalakbay,
Sana magwakas sa iyong mga kamay,
Sa kahit anong mangyayaring pagsubok,
Ikaw ang ninanais na maging palayok".

Umamin, nagbukas ng puso sa 'yong harap,
Habang ang mata ko'y 'di kumukurap,
Iba sa aking mga inaasa't iniisip,
Ang pangarap ay hanggang panaginip.

Lahat ng pawis, oras ng paghahanda,
Mapupunta lang pala sa wala,
Kaya't pag nakikita ako ng iba,
Nagkukunwari nalang na masaya.

Di naisip bituin ay masisira sa isang sulyap,
Dumating pa si Hudas sa aking harap,
Nakatikim ng halik ng isang taong mapanibughuin,
At laking galit pagkat siya ay isang taladkarin.


"O aking minamahal sinta,
Sensya na't dinaan sa makata,
Gawain ng isang taong nalulumbay,
Makakagawa pa ng akdang-buhay

Kaya sa mahabang panahon hindi magpaparamdam,
Para makuha ng Hudas ang kanyang inaasam,
Kahit ang puso ko'y nasisira't lumiliit,
Ako'y maghihintay kahit masakit.
Para sa iyo to....
Lecius Dec 2020
Kung makakausap ko lamang ang batang ikaw, sasambitin ko sa kan'ya na alam mo ba, ikay isang batang maraming talento. Mapapahanga sa'yo ang mga tao nang dahil sa pag-kanta mo.

Hahanap-hanapin nila boses na napakaganda, mistulang anghel ang umaawit kapag narinig na. Lahat ng kanilang mata'y sa'yo titig kapag inumpisahang umawit, 'di sila kukurap kahit saglit.

Kung makakausap ko lamang ang batang ikaw,
papayuhan ko s'ya na marami kang makikilala kaibigan man at kaaway, mayroong mananatili at aaalis, may mamaalam at 'di na muling babalik.

May makikilala ka na isang pag-ibig, mamahalin ka niya. Gabi't araw  ka niyang ipapanalangin na sana maayos kalagayan mo. Siya sa'yo mag-aalala kung kumain kana ba o may sakit ka.

Kung makakausap ko lamang ang batang ikaw,
Ipapaalam ko sa kan'ya na kay raming paghihirap ang dinaranas mo, pero sa kabila nito ay hindi ka sumusuko, parati mo kinayakayanang lampasan.

Isa kang napakatatag na babae na hindi agad aatras sa ano mang pag-subok sa harap, parati kang nag-papatuloy na may bitbit na ngiti sa mukha na hindi basta-basta mabubura.

Kung makakausap ko man ang batang ikaw,
babanggitin ko sa kan'ya na huwag kang mag-alala ang hinaharap mo ay nasa maayos na kalagayan. Kasama n'ya iyong pamiya at minamahal siya.

Huwag kang mag-alala sa kinabukasan, pag-tuunan mo ng pansin ang kasalukuyan, sulitin mo ang bawat araw para maging masaya, dahil ang kinabakusan ay malayo pa ang kasalukuyan ay nasa harap na.
Eloisa Oct 2019
Hawak-kamay, sabay na tinahak ang makinang na dalampasigan
Patuloy sa paghakbang at paghila sa animo'y hindi dumarampi sa buhanging mga talampakan
Mga palad na magkayakap, mga daliring magkaniig
Dalawang pares ng matang nakangiti na ayaw bumitiw sa pagtitig
Kasabay ng umaawit at mabining pagaspas ng alon
Sumakay sa bangka patungo sa paraiso'y masayang sumagwan
Subalit sa masayang paglalakbay ay may humulagpos na unos
Paligid ay nilamon ng dilim, dumaan sa langit ang kislap ng talim
Bangkang sabay na sinasagwan, tumaob at tinangay ng agos
Sa gitna ng laot, sabay ding nilamon ng dagat at sa ilalim bumulusok
Patuloy ang delubyong pilit na pinaghihiwalay ang magkahugpong na kamay
Pilit pa ring lumangoy at magkasamang sumampa sa bangkang gutay-gutay
Niyakap nang mahigpit ang kilalang bisig kahit nakapikit
Hindi man mapigil ang higanteng alon at malakas na buhos ng ulan
Nangangatal, nangangalay man ay hindi huminto sa pagsagwan
Muntik mang malunod sa sigalot na mainam na nakaungos
Kumalma ang dagat, natawid ng gabi ang umaga sa gitna ng digma at unos
Mula sa dalampasigan, sa laot at sa dulo ng mga puso
Mamamayani ang pag-ibig sa malawak at mapanghamong mundo
~ I hope to translate this piece to English.
Marg Balvaloza May 2018
Ako ay nalulumbay
Pag wala sa'yong tabi
Wari ang damdamin ko
Ay hindi mapakali

Lambing ng iyong tinig
Ay aking naririnig
Tawanan at kwentuhan
Ako ay nasasabik

Sa tuwing magkasama
Saya ang nadarama
Hinihiling na sana
Oras ay magtagal pa

Sa bawat pag uusap
Lalong napapalapit
Mga puso'y umaawit
Sa lenggwahe ng pag-ibig!

© LMLB
03.30.18
It'smeAlona May 2018
Mahal, miss na kita
Marinig ko lamang ang iyong tinig
Kaba sa aking dibdib ay di maalis
Ngunit sa madalas nating mag-kausap
Kaba'y napalitan ng saya at kilig

Hindi alintana ang takbo ng oras
Basta't masaya tayong nag-uusap
Malamyos **** mga tinig
Na tila nakakapang-akit sa pandinig

Ang mga tawa **** nakakahawa
At ngiti sa iyong mga labi, na kay sarap hagkan
Sa bawat salitang iyong binibitawan
Na parang kay sarap pakinggan
Animo isang ibong umaawit sa kakahuyan

Madalas na pambubully ang iyong nakatutuwaan
Ngunit ako na ma'y nasisiyahan
Kapag ikaw nama'y ginantihan
Madalas ika'y napipikon
Kaya't ninanais pang ika'y asarin
Hanggang sa tuluyan ka nang magtampo

Kaya ika'y aking susuyuin upang ang tampo'y
maalis at tayo'y muling magbabati
Na animo mga batang paslit
Ngayon ika'y tila nagbago na
Buhat nang ika'y saktan nya

Mga ngiti at tawa mo'y unti-unting nawawala
Bagkus napalitan ito ng lungkot at sakit na dulot niya
Mahal, hayaan **** ika'y aking aliwin
Upang ang kalungkutan mo'y mawaglit

Mga ngiti sa iyong labi ay muling bumalik
At mga tawa **** nakaka-miss
Mahal, kung sana'y ako na lang at 'di siya
Hindi ka kailan ma'y luluha
Ako na lang sana at hindi siya.
billie Apr 2020
wag hayaang pumikit ang mga matang umaawit,
sa kalayaang dapat nating matamo,
matakaw ang kalamnan para sa katotohanang dapat naaasam,
nawa'y magising ang iyong kaluluwa at bumalik ang dating boses na matagal nawala,
para sabay-sabay isigaw
ang kalayaang naligaw
wag kang ,abulag-bulagan sa mga bagay na sa tingin **** tama
ika'y bumoto nang tama
#OUSTDUTERTE

— The End —