Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Boom!  Pagsabog!
Na sa aking dibdib ay kumabog!
Ang isip at kaluluwa ko'y nabubulabog!
Ito nga ba'y himig ng kapayapaan o himig ng digmaan?

Isa akong musmos na batang---- naninirahan sa isang bayan,
Dito ako lumaki at nagkaroon ng pangalan,
Bayang Marawi ang lupang aking sinilangan,
Isang bayang tanyag sa kaunlaran,
Ngunit ngayo'y nagiging usap-usapan sa t.v, radyo at maging sa pahayagan.

Hindi ko malilimutan ang gabing nagdaan,
Gabi!--- ng ika-23 ng Mayo ang nagpinta sa aking pusong sugatan,
Isa ako sa mga nawalan ng magulang,
at saksi sa karahasan na walang katapusan,
Hudyat ng pagguho ng pag-asang aking pinanghahawakan.

at habang aking pinagmamasdan,
Isa-isang nabubulagta at dugu-an,
Ang aking mga kamag-anak at kaibigan,
at sila'y.....wala na----- wala ng malay at nakahandusay.

Wala akong magawa kundi ang tumakbo ng tumakbo,
kumarepas ako ng takbo.....ng isang napakabilis na takbo.... nanginginig sa takot...pagod na pagod...  humihingal....
Iyak ng iyak at nagsusumamo
at habang ako'y papalayo ng papalayo--------
Naisip ko:
      "Saan ako patutungo?"
       "Sa mga pangyayaring ito sino          
         ang namumuno?"
         Sila ba'y mga Muslim o
         Kristiyano?"
        Ngunit maging sino man sila----
        Sila'y hindi santo na may pusong
        bato,
        Dahil sila'y pumapatay ng kahit
        na sino,
        at ito'y hindi makatarungan at
        makatao.

       Ang sakit....Oo ang saklap...ang
       bayan na naghahatid ng
       kaunlaran,
       Ngayon ay nabubura at nag-iiwan
       ng isang malagim na ala-ala,
      Nagsisilbing aral sa tuwina at          
      nagpa-paalala,
      Na kinakailangan ng isang may      
      malinis na adhikain at tapat sa
       tungkulin ang namamahala.

    Ano nga ba ang hatid ng kaguluhang ito?
Kaginhawaan o Kahirapan?
Kabuhayan o Kamatayan?

Ang katotohanang ito'y--------
Isang malagim na karimlan!
Pagluha para sa aming mga kabataan,
Crestine Cuerpo
at pagmamaka-awa para sa darating naming kinabukasan,

Oo.....masakit ang mawalan,
Ngunit kailangan kong maging matapang,
Dahil ako'y isang Pilipinong handang lumaban,
Kaya't sigaw ko Pagbabago! Katarungan!

Sa mga kinauukulan:
   Nasaan? Nasaan? ang inyong pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan?
Kung sa isip at puso niyo'y  para lamang sa pera at kapangyarihan?


Kapatid... Kapuso.... Kabarkada....  at Kapamilya.......
Gumising ka ang lahat ay may-----hangganan.
Bryant Arinos Aug 2017
Sinaktan, pinuruhan, sinapak at sinikmuraan,
tinutukan ng baril, tinakot bago pinatakbo.
Sinigurado ang pag-asinta sabay kalabit sa gatilyo.

Pagkatapos ng gabing iyon, di lang isa ang namatay
isang pamilya ang ninakawan ng kaaway.
Anong motibo mo sa pagpatay?
Anong gusto mo bakit ka pumapatay?

Nasa posisyon ka pero bakit mali ang paggamit mo sa kapangyarihan mo?
Ikaw ang naaangat pero bakit ikaw pa tong namiminsala sa bansa mo?
Nasa mas mataas kang upuan at kalagayan pero bakit tingala ka pa rin ng tingala?
Halatadong di mo pinapansin, ay mali, halatadong wala kang pake sa mga taong nahihirapan sa baba.

Tapos ka na ba sa ginagawa mo?
Ilang pamilya na ba ang nabawasan mo ng bilang?
Ilang sanggol na ba ang hindi naisilang ng tama dahil sayo?
At ilang pangarap na ba nagnawala kasama ng nangangarap nito?

Kelan pa ba matatapos ang pwersahang pagkitil ng buhay sa bansa ng pilipinas?
Matagal na tayong nahihintay ng kapayapaan pero kasabay rin nito ang paghawak ng baril sa kanang kamay.
Pakiramdam ko ang kalayaang mamili ay nawala na sa kamay nating lahat
Dahil mismong kagustuhang mabuhay di natin makuha.

Wag nang hintayin na bumaliktad pa ang bandila ng Pilipinas

Bangon Kabataan
Gising Kababayan
itigil na ang patayan
****-usap subukan naman nating magmahalan.
Bianca Tanig Nov 2016
"hindi pa pala ako handa"

yan, yan ang mga katagang binitawan mo sakin 'nung gabing ika'y nagpasya
nung gabing ika'y nagpasyang manatili na lamang tayo sa pagitan ng magkaibigan at hindi magka-sinta

parang isang hampas ng alon na lumunod sa'kin mula sa dalampasigan na tila nagpahinto sa aking paghinga,
tulad ng ihip ng hangin na pumapatay sa apoy ng kandila,
ang siyang pagbitaw mo sa mga salitang
"nasanay na ata akong mag-isa"

parang isang eksena sa isang pelikula na tila gusto **** palitan ng mga bagong linya,
na para bagang nais **** gawan ng panibagong wakas,
ang siyang pagsambit mo sa ilusyong hindi kapa ata handang may makasama

oo, ilusyon
ilusyon kong maituturing ang hindi mo na paniniwala sa minsang inakala nating walang hanggan
sa minsang inakala kong hindi mo bibitawan
at susukuan,
tulad ng  noo'y pagkapit mo sa mga palad ko sabay sabi ng "walang iwanan"

naalala tuloy nung minsang sinabi mo
na darating ang mga oras na magiging mahina ka
na baka maguluhan ka,
o matakot ka,

at sa mga pagkakataong 'yon,
ang sabi mo sa'kin,
sana 'wag kitang bibitawan
sana 'wag kitang  susukuan

sinubukan ko,
sinubukan ko naman
sinubukan kong ilaban
sinubukan kong ipaalala ulit sa'yo lahat ng mayroon tayo,
kung gaano katotoo bawat sandali at minuto sa piling mo

ngunit siguro nga'y tama ka sa minsang sinabi mo na lahat ng bagay ay walang kasiguraduhan

na kahit gaano pa katibay ang pag-ibig na nasimulan at nabuo,
hindi ito magiging sapat para ilaban ang isang bagay na ikaw mismo ay bihag;

bihag sa isang rehas na kumupkop sa puso **** tila nasanay ng mag-isa

manhid na sa kahit anong pakiramdam at tila may mga nawawalang piraso

hindi alam kung saan naiwan o saan hahanapin,
hindi mawari kung gusto nalang hayaan o gusto pa bang buuin,
tanging tiyak na lamang sa ideyang hindi pa handang manindigan sa isang pag-ibig na minsang ginusto mo ring ilaban

hanggang dito na lang nga siguro tayo,

'hanggang dito nalang tayo",
tulad ng kantang likha niyo na hindi ko inakalang ako ang magiging bida dito

na para bagang isang bangungot na tila nagkatotoo ang "bigla" **** pagpili na manatili na lamang "sa pagitan" ng ikaw at ako at lisanin ang pagiging tayo

salamat,
salamat sa maiksing panahon ng pagpaparamdam mo sa akin ng walang hanggan

at sa pinaka-huling pagkakataon,
hayaan mo sana akong sambitin ang mga salitang to
hayaan **** ipabatid ko sa'yo ang nag-iisang bagay na gugustuhin kong mangyari sakali mang pagtagpuin ulit tayo sa panibagong yugto

na kung sakali mang sa  panahong 'yon ika'y handa na,
handa nang magmahal muli ng buo at walang takot,

pakiusap,
yakapin mo ang pagkakataong 'yon para subukang muli ang pag-ibig na minsang naging atin

kung sa panahong 'yon ay may natitira pa
akong puwang dyan sa puso mo,

pakiusap, sa panahong 'yon ay ilaban mo na ako tulad ng minsang paglaban ko sa pag-ibig ko para sa'yo



"hanggang dito nalang tayo"
hanggang sa muli,
rebelde ka at ako ang iyong sundalo.
Monique Pereda Aug 2022
Kahoy na inaanay
Barko na butas
Lumulubog ng marahan
Kinakain ng dagat

Sugat na nagnanaknak
Balat na inaagnas
Nauubos na dugo
Sinisipsip ng linta

Prutas na nabubulok
Nabubulok ang lamang loob
Malansang amoy na umaalingasaw
Uod na lumalamon sa laman
Tahimik na pumapatay
Ngumunguya ng palihim
Sinisira ang malusog na anyo
Ang anyo ng huwad na katotohanan

Nakasusuklam, nakasusuya
Nakasusuka, mapait na lasa sa labi
Ngunit walang luhang itatangis
Hindi maghihinagpis
Hahayaang mabulok
Hahayaang mamatay
katrina paula May 2015
Sabi ko nga ba isa kang trahedya
dinadala mo ako sa masayang papalungkot na alaala
Na unti-unting pumapatay saking pagkatao
Hindi isang tula, kundi isang buntunghininga
AnxiousOcean Jun 2019
Sa isang patak,
Ito ay bubuhay;
Sa isang dagat,
Ito'y pumapatay.

Mamutawi man ang takot
Sa bawat pag-agos,
Mamumutawi naman ang saya
Sa bawat pagbuhos.

O kay gandang pagmasdan
Mula sa pampang.
Ngunit sa taglay nitong lalim,
Mananatiling mangmang.

Sa bawat pagbuhos ng ulan,
Sa pagbukas ng gripo,
Magbuhat man ng sakit o sustansya,
Mananatiling tubig ito.
****: Ikumpara ang iyong sarili sa isang bagay at gawin itong isang tula.
Kate Burton Jan 2017
so what should i do
when the person who's slowly killing me
is the one who's also keeping me alive

*anong gagawin ko
kung ang unti-unting pumapatay sa'kin
ay siya ring nag papanatili saking buhay

— The End —