Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mister J Feb 2019
Gising na naman ng alas dos ng gabi
Hinihingal at pinagpapawisan ng sobra
Mula sa isang bangungot ako’y nagising
Nagising sa katotohanang parang bangungot din.
Hindi mapigilang bumuhos ang mga luha
Puno ng hinagpis mula sa kahapong mapait
Bawat hikbi at buntong-hininga pilit pinipigil
Habang nagkukumahog hanapin ang nawawala

Damdaming nagtitimpi ay biglang pumutok
Mga emosyong rumagasa ng walang habas
Mula sa nasirang prinsa ng aking puso
Umaagos papunta sa mga matang ayaw tumahan
Hinahanap-hanap pa rin ang ‘yong haplos
Pati mga halik na ibinuhos sa aking mga labi
Unti-unting nawawala ang wangis mo sa ating kama
Ang kamang nilisan mo nung ako’y iniwan mo

Gabi-gabing iniisip ang mga dahilan
Kung bakit dun pa sa ating kalungkutan
Bigla mo na lang akong isinantabi’t iniwan
Kahit pa nangako tayo ng walang hanggan
Hinahanap-hanap pa rin ang ‘yong anino
Mga bakas ng kahapong gustong balikan
Ngunit kahit kailanman at ano man ang gawin
Hinding-hindi ko na muling mararanasan

Sana’y naririnig ang mga sigaw ng puso
Na nagtitiis sa sakit habang nangungulila sa’yo
Sana’y marinig muli ang mga salitang
“Mahal kita” mula sa’yong mga labi
Kaya nandito pa rin ako sa ating dulo
Inaantay ang malabong pagbabalik mo
Kahit ang puso’y nawawalan na ng pag-asa
Pilit hinihiling ang katuparan ng mga “sana”

Pag-ibig ko’y iyo pa rin
Nag-aantay sa kamang unti-unting nilalamig
Ang mga bisig na ang tanging nais
Ang yakapin at hagkan kang muli
Piece written in Filipino.
Enjoy the read.
Will post a translated piece soon.


-J <3 RMIV
Reimers May 2024
Nakahiga, tulala na naman sa kisame
Tuloy ang daloy ng panahon
Ngunit ang mundo ko'y nakatigil
Kamay sa mukha, luha'y pinipigil

Inaalala ang mga sandaling puno ng kulay
Paligid ko'y umaapaw sa tawa't saya, dahil nariyan ka pa
Ngayo'y nagpaalam na tayo, ngunit puso ko'y nakakapit pa
Libutin man ang sansinukob, ikaw pa rin ang nais makita

Kahit anong pagsusumikap na limutin ka
Lalong lumalalim ang sugat sa bawat alaala
Sa bawat pintig ng puso, hapdi ang nararamdaman
Umaasang ang ating landas muli'y magtatagpo
It's rare for me to write in my own language. But this is the best way for me to freely express my raw emotions.
Pusang Tahimik Oct 2021
Ako'y tila papel na madaling tangayin
Dinadala sa kung saan ang ihip ng hangin
Ako'y tila pangarap na nais abutin
Sapagkat mula sa lupa ako'y titingalain

Ako'y nandidilim sa ibabaw ng lupa
At pinipigil ko ang pag patak ng aking luha
Ang aking ngitngit ay kulog na nakabibigla
At kidlat ang lumalabas sa tuwing magsasalita

Dumating ang panahong hindi ko na kaya
Ang bigat ng hirap ay sukdulan na
At ang aking luha ay pumapatak na
Ang lahat ay ibubuhos ko na!

Sa bigat ng paghihirap na pinapasan ko
Ay dilim na tila tinakluban ang pag-asa mo
At kapag naibuhos at umaliwalas na ako
Ang araw ay sisilip na tila pag-asa mo

Riyan sa malayo ako na lamang ay masdan
Sapagkat ako'y di mahahawakan kahit sa malapitan
Ngunit pumarito ka't ipararamdam ko ang kaginhawaan
Dito sa alapaap ng walang hanggang kalayaan

- JGA
kcons Jul 2020
Kung titingnan tayo sa malayo
ay tila dalawang estranghero.
Magkalapit na nakatayo,
ngunit kalooban ay magkalayo.

Sa bawat buntong hiningang pinapakawalan,
ay ang patagong pagpahid ng luhang pinipilit wag masdan.
Sa bawat patak ng ulan sa iyong mykha,
ay ilang beses kong pagpigil ng sariling luha.

Gustohin ko mang ikaw ay pigilan,
wala akong magagawa kundi ikaw ay pakawalan.
Kung kagustohan ko lang din naman ang masusunod,
Maari ba?

Maari  bang sabihin,
mga salitang pilit pinipigil bigkasin?
Maari bang kahit ngayon lang,
ay mawala saglit ang pagkailang?

Maari ba?
Kahit ngayon lang?
Kahit saglit lang?
Maari bang ikaw?

— The End —