Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
GABRIELLE Feb 2017
Kasabay ng aking paggawa ng tula
ay ang pagbitaw sa pangako mo na
"akin kang babalikan"
Kasabay ng pagiba ng ihip ng hangin
ay ang pagtangay sa puso kong dati'y walang ibang isinisigaw kundi ang iyong pangalan

Isa kang salamangkero
Pinaniwala mo ako sa mahikang kailanma'y 'di totoo
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pag-ibig na nagpalapit sa atin
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig

Pero teka
Pag-ibig nga ba iyon
o isa lang iyon sa mga pelikulang iyong nilikha?
Na sa umpisa palang ay nakalagay na ang mga katagang
"Babala: ang sususnod na programa ay walang halong katotohanan
Huwag seseryosohin"

Una palang kitang nakita,
nakuha mo na agad ang aking atensyon
Katulad ng isang kwintas
Una mo palang makita,
hindi mo mapipigilan
na mapalapit agad iyon sa puso mo

Naaalala mo pa ba ang regalo mo sa akin?
Kwintas na may hugis pusong disenyo
Sabi mo, iyon ang sumisimbolo
na nasa akin na ang iyong puso
Ngayon, alam ko na kung bakit
Dahil tulad ng metal na kwintas na iyon,
Ganon din katigas ang nilalaman ng iyong dibdib
Mahilig akong manood ng pelikula
Sisiyasatin ko ang bawat balangkas
Panonoorin mula sa simula
Papunta sa kasukdulan ng kwento
Hanggang sa katapusan ng kwento

Isa sa paborito kong kategorya nito
Ay ang pag-ibig

Napakasayang manood ng pelikulang pag-iibigan ang tema
Dahil kahit minsan ay katulad din ito ng nararanasan natin

Magsisimula sa pagpapakilala
Sa “ako nga pala si..”
“At ako naman si..”
Sabay ngiti na tila titigil ang mundo
Bibilis ang pintig ng puso
At mapupuno ang tiyan
na tila nakalunok ng sangkatutak paruparo
At nanirahan sa ilalim ng mga kalamnan mo

Napakatamis ng mga simula
Ang mga panahong ang mga mata
Ang nagsisilbing daluyan
Ng enerhiya na nagpapasabay ng tibok
ng puso niyong dalawa
Ang mga panahong ang mga kamay
Ang nagsisilbing hawakan sa pinakamalayong paglalakbay

Kikiligin ka sa simula

Magpapatuloy sa kasukdulan
Magpapatuloy
Sa “Bakit hindi mo agad sinabi?”
Sa “Bakit ka nagsinungaling saakin?”
Sa “Ano bang nagawa ko sa’yo”
Sa “Saan ba ako nagkamali?”

Matututunan mo na ang pag-ibig pala ay nagbabago
Ang dating matamis ay naging mapait
At tila isang kape na dating kumukulo sa init
Ay nanlamig bigla
Sa di inaasahang panahon

At sa katapusan ay makikita mo ang dulo
Ang pagpapaalam
Ang mga salitang “Hanggang dito na lamang tayo”
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan
Ay naabot niyo pa rin ang dulo

At kahit na masakit ay tatanggapin mo
Dahil ang katotohanan ay
Ang pag-ibig ay nagwawakas

Mahilig ako sa mga kwento
Dahil dito umiikot ang mga pelikulang sinusubaybayan ko
Ang simula, kasukdulan at pagtatapos

Ang paborito kong istorya
Ay ang pag-ibig

Pag-ibig
Na nagsimula sa pagpapakilala
Sa pagtanggap ng katotohanan
na hindi ko kakayanin mag-isa
Sa pagsambit na ikaw lamang
ang kayang magligtas
sa kaluluwa kong ligaw

Hindi man puno ng tamis
Pero puno nmn ng tunay na pagsinta
Ng totoong nagmamahal

Ang mga mata niyang magbabantay saakin
Sa tuwing ako’y nag-iisa’t nasa panganib
Mga labi, na hindi mo man nakikita ang ngiti
pero ramdam ang pagmamahal sa tamis ng salitang sinasambit
Mga kamay, na hindi nagsisilbing hawakan, pero gabay
At sa tuwing naliligaw na ako’y andyan ka pra itama ang aking landas

Pag-ibig
Na ang kasukdulan ay
Naganap sa krus
Kung saan ipinakita ang tunay na kilos ng pagmamahal;
Sakripisyo
Kahit na hindi ako nararapat sa pag-ibig mo’y
Ibinigay mo ang lahat
Para lamang maibalik ang ako, na minsan nang naglibot papalayo
Sa kasabikan na mahanap ang dulo
Kasama ang mundo
pero nagkamali ako

Ang mundo ay iiwan kang lagalak
Sa kalsada
Humahanap ng titirhan
Humihingi ng makakain
At nanlilimos ng ng salapi

Pero ikaw ang pumulot saakin
Sa pagkaalipin ko sa mapanlinlang mundo
Iniangat mo ako sa kahirapan ko
Kahit na tila kapeng nanlamig ako
Ay hindi mo isinantabi
Pinaranas mo ang tunay na pag-ibig
Na hindi kayang ibigay ng kahit sino

At tulad ng mga pelkulang paborito ko
Hilig kong sinusubaybayan ang kwento
Ang paborito kong kwento ay ang pag-iibigan nating dalawa, Panginoon.

At magtatapos ito sa…
Mali.
Hindi pa rito nagtatapos ang kwento
JOJO C PINCA Nov 2017
“I am not a teacher, but an awakener.”
― Robert Frost

May mga walang alam na nagpapanggap na may alam. Mga nagmamarunong na akala mo ay mga pantas pero ang totoo ay masahol pa sa tunay na mga mangmang. May mga nagsusulat pero hindi marunong magmulat, kahit bulatlatin mo ang kanilang mga aklat na hindi magluluwat wala kang mapupulot, wala itong alamat kundi puro lamat. Ganito sila ‘pag iyong sinalat walang k’wentang bumanat.

Ang mga panaginip ng isang paslit ay laging naghahanap ng katuparan tulad ito sa isang malawak na paliparan na ang mga tapakan ay tila walang hangganan. Ang banggaan ng mga saranggola guryon man o boka-boka ay sumasagisag sa sigla ng kamusmusan. Walang bobo, walang tanga at walang mahina ang totoo para-paraan lang para matuto ‘yan ang hindi alam ng mga ungas na nagtuturo.

Natatandaan ko madalas na pinapatayo ako sa harap ng pisara kasi maingay daw ako at malikot. Madalas din akong mapalo kasi mahina ang ulo ko pagdating sa Matematika. Bakit ano’ng kadakilaan ba ang meron sa pananahimik at kelan pa naging pang-aliw sa puso at kaluluwa ang mga numero? Walang lumiligaya sa pagmememorya at hindi nakaka-ulol ang pagiging malikot at maligaya.

**** ka ba talaga? Parang hindi naman, mas mukha kang tinderang tuliro na abala lagi sa pagbebenta ng yema, kendi at kung ano-anong sitsiriya. **** pangalawang magulang? Kaya pala mas mabagsik kapa sa tatay kong maton at mas masungit kapa sa nanay ko. Nagtuturo ka ba’ng talaga? Hindi naman, mas mahaba pa nga ang oras mo sa pakikipaghuntahan.

Ang **** ay hindi lamang dapat na nagtuturo s’ya ay tagapagmulat din. Isang John Keating (teacher sa pelikulang Dead Poet Society) ang kailangan ng mga bata sa mundo. Nagmumulat hindi nagmamalupit, hindi kailangan na manghagupit at walang dapat na ipilit. Ang eskwelahan ay hindi pugad ng mga pipit. Matalino, magaling at matalas mag-isip ayos lang yan. Subalit punong-puno na ang mundo ng mga matatalinong walang pakinabang.

Ang umibig at maging tunay na kapakipakinabang sa mundo at sa kapwa tao, ito ang dakilang aral na dapat na ipangaral. Walang silbi ang mga pagpapagal sa loob ng paaralan kung ang natutuhan mo lang ay kung paano kumita ng limpak-limpak na salapi. Kung ang alam mo lang sabihin ay Yes Sir at Yes Ma’am walang silbi ang iyong pinag-aralan. Nakakalat na sa lupa ang mga pipi na hindi marunong magsalita at magpahayag nang kanilang tunay na saloobin. **** na nagtuturo maliban sa hintuturo at nguso sana gamitin mo rin ang iyong puso.
Marcilyne Mar 2016
May gusto akong isulat
isang kwentong hindi klaro
yung tipong pagbuklat mo ng libro
nakaguhit na sa mga letra ang gusto ko sayo

May gusto akong isulat
isang kantang wala  sa tiyempo
yung tipong pag-play sa radyo
siguradong makukuha ko ang atensyon mo

May gusto akong isulat
isang pelikulang walang pondo
yung tipong pag napanuod mo
matatawa ka na lang sa mga cheesy lines ko

May gusto akong isulat
isang tulang walang tugma at liriko
yung tipong pagbasa mo ng school paper niyo
nakalantad na ang damdamin ko

May gusto akong isulat
isang liham na maglalaman ng puso ko
yung tipong pagtanggap mo
maririnig mo na agad ang pagtibok nito.

<3
JK Cabresos Sep 2016
Milyun-milyong mga blankong mukha,
pipintahan,  
papahiran ng pintora
ang iba’t ibang kastilyo ng pangarap.

Subalit sa paglipas ng panahon
ang mga kastilyong ito’y rurupok,
at sa isang ihip ng hangin  
ay pwede ‘tong gibain.  

Masasanay kang matalo,
para sa atin ‘tong mundo.
Para sa atin,
hindi para sa kanila,
kailanman hindi ‘to masasakop
ng mga mapapait na luha.  

Nasanay ka na sa panonood
ng mga teleserye o pelikulang
kung ano ang theme song
ay ‘yon din ang pamagat.  

Nasanay ka nang mag-abang
sa paiba-ibang kulay na buhok
ni Vice Ganda, o ni Yeng Constantino,
ang umasa rin sa paiba-ibang desisyon
ng mga tao sa paligid mo.

Nasanay ka nang magmahal ang gasolina,
at iba pang mga bilihin  
ngunit hindi ang magmahal ng totoo,  
dahil takot kang masaktan ulit,
ang iwanan, o umasa ulit,
sa isang relasyong pang-post lang
sa FB, IG o Twitter,
‘yong pang-“#relationshipgoals” lang,
nasanay ka na pero takot ka pa rin.  

Nasanay ka na sa mga surprise quiz.
Sa exams. Sa reporting. Sa thesis.
Sa Singko, INC, Withdraw o Drop.
Sa pag-jaywalking,
dahil late na naman sa 7:30 AM class.  
Sa paulit-ulit na sorry.  
Sa paulit-ulit ding pagpapatawad.
Sa paghahanap ng ka-red string.
Sa paghahanap ng ka-forever.
Sa mabagal na internet.
Sa job interview. Sa gobyerno.    

Masasanay ka ring matalo
dahil ganito ang konsepto ng mundo.
Patitikman ka muna ng pagkabigo,
bago ka ulit maging buo.      

Baka rin bukas-makalawa
maiisipan mo nang mag-aral ng mabuti  
at iwasang ang usapang mabote,
ang bumangon ng maaga
at hindi papatayin ang naka-set na alarm,
ang maging totoo
sa taong nagmamahal sa ‘yo,
o kaya subukang ipa-Photoshop
ang 2x2 picture mo sa resume
para sa paparating na job interview.  

Masasanay ka ring matalo,
masasanay ka rin sa mga peklat mo sa puso.
Dahil hindi ito matatapalan
ng pulga-pulgadang concealer ng Maybelline,
o kahit ubusin mo pa
ang stock sa AVON, sa Watson, sa HBC, o sa Lazada.  

Kaya tanggapin mo na lang  
na ang buhay ay puno ng pagkatalo,
dahil sa huli para sa atin din naman ang mundo,
kaya wala kang dahilan para sumuko,
dahil ang sumusuko lang ang natatalo,
at ang hindi takot sumubok ulit
ang tunay na panalo.
Itinatangi Mo ako't
Hindi kayang pakawalan,
Dadalhin pa sang lupalop
Ng bawat malaparaiso **** pangarap.

Sambit nga nila'y
Kung nasaan ka'y ako'y paroroon;
Kahit na ni minsa'y hindi ko nagawang harapin ka
Paumanhin, Irog
Pagkat damdami'y wari bang ginigisa.

O kaytagal **** inilihim ang pag-irog
Nais kong ipagsigawan ito
Pero pipi pala ang pusong totoo.
Tila nakakahon, pero may kalayaan
Tila makasarili, pero may ipinaglalaban
At naisin ma'y hindi kita maiwa't iwan.

Batid ko'y lahat pala'y yamang kasinungalingan
Heto ka't kakatok sa ibang pintuan,
Ba't pag nagkakulanga'y ako'y kayang bitawan/bitiwan?
Oo, hantungan nati'y mala-pelikulang hiwalayan.

Ni minsa'y hindi ako naging singkong duling
Na dadaplis si Kupido sa moog **** damdamin
Ni minsa'y hindi ako nagpaubaya sa palad ng iba,
O bakit nga ba? Para saan pa't umibig?
Luha'y higit pa kaysa para sa demokrasya.

Bago Mo iwa'y tayo'y magmata-mata,
Pagkat Ikaw ang minsang kumumpleto
Ng kulang-kulang na katauhan
Ng tunog-latang pag-aalimpuyo
Ng mapanghimagsik na damdamin.

Ako'y magbabalik, pangako ko, Sinta
Tingnan mo ang palad Mo,
Oo, babalik nang higit pa
Marahil doon Mo lang mapagtatantong
Hindi mabibilang aking halaga.
Angel Tomas Sep 2015
Naaalala ko pa ang araw na una kong masilayan ang ngiti sa iyong mukha.
Para bang biglang nagliwanag lahat ng tala sa langit.
Para bang isang eksena sa isang pelikulang patok sa takilya.
Para bang kaya ko atang sumulat ng ilang pahina ng paglalarawan at paghahalintulad nito sa mga bagay na aking hinahangaan.
Para bang bumilis ang pintig ng puso kong matagal nang nakaupo’t nananahimik.
Para bang maraming sumasabog na magagarang kulay sa paligid, sa aking katawan.
Para bang kilala ko ata ‘yung ganitong tagpong naglalaro sa aking isipan.
Para bang alam ko rin ata ang kahihinatnan ng lahat.
Para bang hindi ata sa akin ang matamis na pag kurba ng iyong labi.
Para bang lahat ng ito ay isang pagnanais sa isang pangarap na lipas na.
“Para saan?” Tanong ko. Hindi mawala-wala ang ngiti sa iyong labi.
Para bang nakita kong sinindihan ang aking mundo at panuorin ‘tong gumuho sa harapan ko.

“Para sakanya.” Hindi sa’yo, sa kanya.
Para sa'yo.
HAN Jan 2021
;;

ikaw ang paburitong kanta na inaabangan ko palaging tumugtog sa radyo.
ikaw ang larong pipiliin kong maging taya ulit.
ikaw ang pelikulang uumpisahan kong muli,
kahit na lumuha pa.
ikaw pait na nais kong malasan pa rin.
ikaw ang sakit na hahayaan kong madama ulit,
at ikaw rin ang pag-ibig na patuloy sa akin na ipinagkakait.
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Random Guy Nov 2019
raw
naaamaze pa rin ako sa mga bagay na minsang naging raw

kanta
pelikula
tayong dalawa

mga bagay na walang edit
walang polish
walang kahit ano
purong sining at emosyon

kanta sa gitna ng kalsada
pelikulang may natural na ambiance

walang kahit ano
purong sining at emosyon

— The End —