Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Gerald Saul Aug 2011
Magrasang damit ng batang madungis
tyang gutom at katawa'y malangis
palaboy-laboy sa eskinita
pagala-gala sa kalsada
uupo sa sulok may katabing lata
limos na inaabot ang lata
sa mga tao nagmamakaawa
para makakuha kahit kaka-unting barya

Paglipas ng hapon at pagsapit ng gabi
walang paligo at katawa'y makati
ang naipon nyang pera
kulang kulang sampu ang halaga
di na matiis ang gutom nagkalkal ng basura
sa tagal walang makita
nainip,
nakatulog,
nahiga,
ang naipong barya
idadagdag nalang bukas sa lata
110916

Yugyugan, walang hele
Galit at poot, walang tuldok.
Bayan, Bayani at Rebolusyon
Dugo, Latay at Krus.

Pintasan sa saradong Libingan ng mga Bayani
Pasismo'y binabali
Demokrasya'y katunggali.
Hampasan ng Hustisya,
Latay ng Pagtutuligsa.
Kalampag ng mesang panay barya
Sigaw ng paghain ng kamatayan.

Bukas ang Pintuang tila batong hinati
Uhaw, sawing-palad,
May luwad na dalamhati.
Di makilala, suyod nang kaladkaran,
Saboy ng pighati.
Walang bahid, walang bisa --
Hindi maramot ang May Grasya.

Negosyo sa pulitika
Kalakal ng mga salita.
Palimos nang makaraos
Lusong, tapon, salo at ahon --
Yan ang pagtatapos --
Isa, dalawa, tatlo
Tatlumpu't tatlong taon.

Inihanay ba Siya sa mga Bayani? Hindi.
Nalimot ba ang Kasaysayan?
Hindi.
Ang natatanging Kasaysayan,
Tanging Kristo ang tutuldok
Tanging Kristo ang saysay
Walang iba, tapos na.
Sinasalipadpad* ang mga *kalat sa pulitika
Umaalingasaw ang baho ng iilang kandidato
Sa modernong botohan
Tila may iilang selyo,
May mga balotang sanay
Sa may agnas na kandado.

Binaha ang pila ng nanghihingi ng boto
Istratehiya ng isa'y musika sa mga bingi
At may mga bulag na nabibili ang dangal
Iisa lang sana ang daan
Pero may nagwawagayway ng limang daan.

Sa Pula at sa Dilaw
Andaming banderitas.

Alam nyo, kapwa ko
Magising tayo
Mamulat na tayo
Tama na ang bawian-buhay.

Itong Hari ng mga Pula
May tandem na Itim
Dugo't budhi ma'y kayrumi
Hindi kasi pinapansin
Ang Itim ang Hari ng Droga
Panay ang kalat sa Puerto Princesa
Ang Pula ang taga-walis
Tila anghel sa bawat sigaw ng masa
Naglipana kasi ang salapi
Mula sa bulsa niyang binulsa lang din
Nagkabaun-baon sa utang
Itong siyudad na wala noong bahid.

Binayaran pati ang dangal
Hindi lamang ng mga naturingang mangmang
Eh kasi pati yung may rango
Nagpatiwakal na rin
Nanlimos ng barya ng bayan.

Buhay mga kinitil
Kung ang salita ay bibitiwan,
Barilin nyo kami nang talikuran
Habang may hinagpis
Kaming Inang Bayan.

Magwagi ka man Pula
Hindi papayag ang Hari ng Sanlibutan
Patas siyang lalaban sa Bayan
Pagkat siyudad niya ito,
Kaya nga "City of the Living God."

Marami mang pakulo ang partidong Pula
Sana'y Ama, dinggin mo ang mga Anak
Kami'y maralita
Palimos ng pag-asa
Lalaban para sa hustisya.

Mga kamay Mo ang yumapos sa bayan
At basbas Mo'y sa Dilaw
Pagkat ang puso ang Iyong tinitingnan
Hindi ang pagkilos nang walang pagtingala Sayo.

Ikaw ang Maghari Ama
Bryant Arinos Aug 2018
Ako si Juan

Para kanino ba ang pangalang yan?
Para sa taong may pinag-aralan?
Para sa taong may pinaghirapan?
O para rin sa mga taong nahihirapan?

Mga tanong yan na umiikot sa mundong kinabibilangan ko.
Hindi ko piniling maging ganito pero ito na ata ang isinulat sa tadhana ko.
Ang maging di kanais-kais sa paningin
At mas lalong di maging kapansin-pansin.

Ako Si Juan

Pilipino rin ako pero bakit tingin niyo sa akin walang kwentang tao?
Pilipino rin ako at hindi ko ninais na maging ganito ang buhay ko.
Oo pilipino rin ako pero bakit parang ayaw niyo akong tanggapin bilang tao sa lipunang ito?

Dahil ba marumi ang damit ko?
Dahil ba nangangamoy araw ako?
Dahil ba wala akong napagaralan?
O dahil di na ako katangap-tangap?

Ako si Juan

Pakiusap wag niyo akong husgahan dahil sa ako'y mahirap
Di ko pinili ang takbo ng buhay na mayroon ako.
Di ko piniling maging pulubing palaboy-laboy
At higit sa lahat

Di ko piniling mawala ang lahat.

Ang pera, ang pagkain, ang tirahan, ang pamilya, ang inumin ang kaibigan.

At hindi ko pinili ang maging mahiral.

Pasensya ate, kuya, kung lagi ko kayong kinukulit para sa kaunting pansin.
Pasensya na ate at kuya kung kinakalabit ko ang mga damit ninyong mamahalin.
Pasensya na ate at kuya kung sa bawat pagdaan ninyo'y nababahuan kayo sa akin.

Pero maliban sa pera, palimos naman po ng panalangin.

Panalangin na sana'y hindi ako sumuko sa ibinigay saking pagsubok
Panalangin laban sa lahat ng bagay na nagdala sakin sa pagkalugmok
Panalangin na hindi ako paano sa daan kapag ako ay natutulog
At panalangin na sa paggising ko'y may lakas pa rin akong bumangon.

Pasensya kung gagamitin ko pa ang pangalang Juan na simbolo ng pagiging likas na Pilipinong may pinagaralan

Pero sana maisip niyo na di ko kailangan ng mga bagay na sa aki'y magpapayaman

Ang kailangan ko ay ang intindihin niyo ang aking kalagayan

Kung makikita niyo man akong naglalakad o nakaupo sa lansangan

Maaari bang sumigaw kayo o tawagin niyo ako sa pangalang Juan?

Dahil minsan rin sa buhay ko ay katulad niyo rin ako

Napaglaruan lang ng tadhana at nawala lahat ng meron ako.

Pulubi ako, mabaho, konti ang nalalaman, walang panligo, pangkain, perang pambili ng gamot pangotra sa sakit na dala ng paligid.

Pero ito ang tandaan ninyo,

Huling mensahe ni lumang Juan para sa mga makabagong Juan

Ako si Juan

Pagnakita ninyo ako wag niyo akong pandirian
Subukan niyong kilalanin ako maliban sa aking pangalan

Wag niyo akong husgahan na ipambibili ng droga ang naipon kong barya

Wag niyo akong husgahan na nagtatrabaho ako sa isang sindikatong galawan.

At sana'y ako'y inyong alalahanin at wag niyo sana akong kalimutan

Na minsan sa buhay ko na nakapagpakilala ako na "Ako Si Juan ang dating Pilipino na ngayo'y tinatakwil na ng lipunan."
Madelle Calayag Jan 2020
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
Sutla ang iyong kutis,
Ilang inches na heels
iPad ang hawak
Ayan pa’t naka-Rayban
Kahit taglamig –
Ganyan dito sa abroad
Pasyal dito
pasyal doon
Higit sa lahat
Hindi barya ang sahod.

Padala sa Pinas,
Lahat ay winaldas
Dami pang pasakalye
Datong din pala
Palaman ng inyong mensahe.

Aba’t bida pala si bunso
Sa tropa’t sa eskwela
Hindi ba’t astig?
Pang-party nila’y
Siya ang laging taya!

Ang binata ko’y
Malaki na talaga
Kapapanganak lang daw
Ng bespren nya
Anak, tanong lang
ba’t sa handa nila’y
Ikaw ang itinoka?

Ang ilaw ng tahanan
Na siyang aking iniirog
Sabay sa uso
Nakasisilaw ang alahas
Inubos ata ang bawat perlas
Buti’t nakaahon pa’t
Ayan, kay kumpare pa
Siya’y nakakapit!
At ang nararapat
Na panglamang-tiyan
Kulang pa pala
Kanyang sinapupunan
May bagong buhay
Mahal, saan siya nanggaling?

Puso ko’y nalurak
Ako’y inahas na
Pinagsamantalahan pa
Akala nila’y ok lang
Akala ko’y may babalikan pa
Yung totoo,
Lata’y hiyang-hiya na
Humihikbi ito
Makatikim lamang ng barya
Wala na ang sahod,
Awitin ko’y “Palimos.”

(12/2/13 @xirlleelang)
Hindi mo ba alam na ako'y nasasaktan,

Sapagkat hindi ko makalimutan ang mga pinagdaanan,

Palimos naman ng pagtingin mo,

Bigyan mo ako kahit na kapiraso.

Ni minsa'y hindi mo tinanong kung ano ang lagay ko,
Pagkaing mga niluto mo ay hindi mo hinahain sa harap ko,

Lumaki akong may hinanakit sa buong mundo,

Kung tutuusin, itong lahat ay kasalanan mo.

Kung minahal mo lang sana ako at tinanggap,

Hindi ka na sana nahihirapang magpanggap,

Sa ibang tao kapag ika'y nakaharap,

Walang bakas ng kahit na anong pangyayaring masaklap.

Ang tanong ko palagi'y bakit binuhay mo pa ako?
Gayong palagi mo namang ipinadarama na hindi mo ako ginusto,

Kahit anong galing, kahit na anong pagbida ang gawin,

Pipikit ka upang hindi mo ako mapansin.

Hindi mauubos ang aking mga bakit,

Dahil sa kabila ng lahat ay mahal kita kahit na anong sakit,

Sa aki'y ipukol mo ang lahat ng iyong galit,

Sasaluhin ko ang hinaing sa mundo **** mapait.
110221

Bakit nga ba pilit nating sinusugatan ang ating mga kamay?
At hinahayaan nating ang ating dugo'y masayang
Sa pagluha nito, hanggang sa maubusan na rin tayo ng hininga.

Ikinukubli pa rin nating ang ating mga sarili
Sa garapon ng ating pagkataong
Kailanma'y walang ibang magbubukas ng sagradong pintuan
Kundi tayo't tayo pa rin naman.

At paulit-ulit tayong humihinga sa ilalim ng makakapal na ulap
At sabay na lalanghap ng umuusok na pangambang
Ibinalot sa apoy na lagim ang tanging ipinupunla
Sa ating mga pusong wala pa noong kamalay-malay.

Tinutukso tayo ng mga sitwasyon upang tayo'y magpaubaya
At magpa-anod na lamang sa mga kumunoy na hihila sa atin pababa.
Ang ating mga halakhakan noong kabataan
Ay mga pangarap na sabay na iginuhit sa buhanginan
Ay tuluyan nang binura ng dagat na tila walang pakiramdam.

Gustuhin man nating umahon nang sabay
Ay kailangan may isa sa ating unang bumitaw at unang umahon.
Hindi na nga natin kayang sumabay sa isa't isa
Ngunit sana'y ang nasa unahan,
Siya rin ang unang mag-abot ng kanyang kamay
Para sa isang nalulunod pa.

Napapagod ako ngunit matapang kong hinaharap
Ang mga pagkakataon bagamat wala akong kasiguraduhan.
At sana sa panahong panatag na ang mga pusong
Naligaw sa sariling mga pasya't pangarap
Ay masilayan nating muli ang pagtahan ng mga matang
Buong buhay na lumuluha't nanlilimos ng pagpapatawad.
071424

Kung ang bawat palakpak at panalo ko sa mundo’y
Siya namang mitsa ng paglayo ko Sa’yo —
Huwag na lang siguro; hihinto na ako.

Kalimutan na lang natin ang entabladong ito
At ikahon ang mga bituin sa’king mga mata.
Mga damdaming minsa’y napapariwara,
Ngayo’y kusang inaanod sa hiwaga ng Pagsinta.

Kakatok tangan ang pahiram na hininga…
Palimos ng kahit isang patak ng dugo **** dumanak.
Pagkat kaligtasan ang aking hanap,
Sa isang iglap ako’y magbabalik sa simula —
Sa simulang nalimot at nilumot ng kasalanan.

Ako’y magbabalik Sa’yo, bunga ng yaman ng Pag-ibig Mo.
Sa silid na ang tanging Hari ay Ikaw
At ang Ngalan Mo ang nananatiling may kabuluhan.

Sa’yo ang unang yapak
Habang ako’y nakaakbay Sa’yong Kalakasan
At Ikaw lamang ang aking palatandaan
Na ang pintua’y bukas na
At handa na upang maging isang Pahingahan.

— The End —