Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sutla ang iyong kutis,
Ilang inches na heels
iPad ang hawak
Ayan pa’t naka-Rayban
Kahit taglamig –
Ganyan dito sa abroad
Pasyal dito
pasyal doon
Higit sa lahat
Hindi barya ang sahod.

Padala sa Pinas,
Lahat ay winaldas
Dami pang pasakalye
Datong din pala
Palaman ng inyong mensahe.

Aba’t bida pala si bunso
Sa tropa’t sa eskwela
Hindi ba’t astig?
Pang-party nila’y
Siya ang laging taya!

Ang binata ko’y
Malaki na talaga
Kapapanganak lang daw
Ng bespren nya
Anak, tanong lang
ba’t sa handa nila’y
Ikaw ang itinoka?

Ang ilaw ng tahanan
Na siyang aking iniirog
Sabay sa uso
Nakasisilaw ang alahas
Inubos ata ang bawat perlas
Buti’t nakaahon pa’t
Ayan, kay kumpare pa
Siya’y nakakapit!
At ang nararapat
Na panglamang-tiyan
Kulang pa pala
Kanyang sinapupunan
May bagong buhay
Mahal, saan siya nanggaling?

Puso ko’y nalurak
Ako’y inahas na
Pinagsamantalahan pa
Akala nila’y ok lang
Akala ko’y may babalikan pa
Yung totoo,
Lata’y hiyang-hiya na
Humihikbi ito
Makatikim lamang ng barya
Wala na ang sahod,
Awitin ko’y “Palimos.”

(12/2/13 @xirlleelang)
tian Apr 2015
Sa maraming taon na ating pagsasama
Maghihiwalay para sa panibagong gera
Bawat istorya tumatak sa utak nitong makata
Wag kayong iiyak, tayo'y muling magkikita.

*Ang pakikipagsapalaran sa susunod na kabanata
A special 4 bars set up for my batch mates in Highschool. It's also a Filipino poem written in our own language, tagalog.
Donward Bughaw Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
kingjay Dec 2018
Kunin ang litrato sa sulok na nag-iisa
Pakinggan ang himutok
sa kwadradong kahoy nakapatong
ng bangkay na  nangangapa pa

Buuin ang palaisipan
Kung may itsura ay hugutin
ang kasagutan sa bugtong
Tulungan mabatid ito, iwasan ang pagkalito
Nababalisa ang gabi at di makatulog

Munting daliri ay igalaw
Ngunit nanatiling tamad ang mga braso
Sa pagkabog ng dibdib
Ang halinghing ay maririnig
Sa kalaunan ay parang di na humihinga

Kinakalawang sa silid
Nakahandusay sa silyang rektanggulo
Tiisin ang katahimikan
Magdurusa sa kaawa-awang mga oras na di pa umaga
Malayo ang araw at mga bituin ay pinagkait pa

Tagpi-tagping tela ang lulan ay hinala
Magbuntong-hininga ito makipag-usap
Isinalaysay ang pagdaralita
Nakatikom ang bibig
Maghihilom din bagkus di makatawa

Magmumukmok sa loob
ang walang saysay na uwak
Idagit ang kabuluhan
Ang pakikipagsapalaran ay sakuna
06022021

Hayaan **** ilahad ng mga pahina ang misteryo ng nakalipas,
Ang mahikang bumabalot sa guhit ng mga palad
Na hinulma sa salamin ng liwanag,
Ang dugo ng kasaysayang naging pantatak ng kahapon, bukas at ngayon.

Ang pagsirit ng kandila sa lumalalim na gabi
Ay gaya ng pakikipagbuno ng kalangitan sa lumalagablab na araw.
Hindi man lamang napagod ang lumikha ng bahaghari,
Pagkat buhat sa simula hanggang dulo'y kaya nya itong pagmasdan --
Kaya nya itong sabayan hanggang sa pagtiklop ng mga ulap.

At gaya ng mga ibong malaya na walang humpay ang pagkampay patungo sa lilim,
Ay gayundin ang mga imahe ng putik na ginawaran ng damdamin.
Ang kanilang pakikipagsapalaran sa modernong makinarya ng paglusong at pag-ahon,
Na may dalisay na pagdinig sa lilim ng kapatawaran at kaligtasan.

Walang sinuman ang kayang kumitil sa mga paupos na kandila --
Silang ang pagluhod ay simbolo ng kalakasan at pagtitiwala.
Silang may dunong at sa bukal ng buhay ay may hiram na sandali.
Maliban na lang kung sya'y magpaubaya para lumisan nang walang paalam.
Ngunit kumatok man sila,
Ang huling habilin at pagsilip sa bintana sa hapag
Ay walang katiyakan pawang sa oras at magiging tahanan.

Di hamak na may kaalaman ang sining na paghinga ang naging buhay,
Kaysa sa mga yumuyukod na mga punong
Mayroong nalalagasan na mga pakpak sa bawat dapithapon.
Di gaya ng dagat na lumulunod sa sarili
Na hayag sa kalangitan ang pagkunot at paghinahon.

Ang pawis sa mga pisngi'y gaya ng mga butil ng perlas
Na higit pa sa mga ginto't dyamanteng ibinigkis para ikalakal.
Walang humpay ang pagkapa madatnan lamang ang liwanag
Sa iskinatang walang inihain kundi pait at karamdaman.

At katulad ng pagpapagal nito sa apoy upang mailimbag ang sarili'y
Kusang babalik ang mga ito sa hiningan ng sandali.
Kung saan wala nang ni isang mananatiling "misteryo,"
Kung saan lahad at hubad na ang lahat ng pagpapanggap.

At kung saan ang huling pahina ay pupunitin,
Ang himagsikan ay makikitil hindi nang panandalian lamang.
Magiging malaya ang pagpapaubaya ng mga kamay sa hangin,
Malaya ang mga pusong walang ibang nais kundi magpuri.
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
Roninia Guardian Aug 2020
Limang taon ng nakakalipas Simula nang ika'y aking makita
Bakas parin sa aking labi ang saya ng unang beses kitang makasama
Na tila ba'y ako na ang pinakamasayang dilag sa mundong ibabaw
At ang aking kasiyaha'y talaga namang nag-uumapaw

Nagtapos akong Ikaw ang aking gusto
Nagpatuloy sa pakikipagsapalaran ng Ikaw ang gusto
Saksi pati ang mga kaibigan ko
Pagkat ikaw lang ang tinitibok ng aking puso

Sa paglipas ng panahon patuloy kong pinanghawakan
Pangako sa sariling ikaw lamang ang aking aabangan
Pagkat ako'y sobrang naniwala sa salitang "ITINAKDA"
Dahil iyon ang aking hiniling sa Poong Lumikha

Puso ko'y isinara para magmahal ng iba
Pagkat ikaw lang talaga ang sa puso ko'y nagpapasaya
At kahit sa larawan lang kita nakikita
Aba'y 'di ko alam kung bakit ang puso ko'y tila nababalot ng mahika.

Ngunit isang araw nagbago ang lahat
Nang may isang balitang sa puso ko'y nagbigay sugat
Ang kaligayaha'y napalitan ng kalungkutan
Ngayo'y 'di ko na alam kung paano ko pa panghahawakan

Panghahawakan pa ang aking pangako
Na ikaw lang ang hihintayin ko
Pagkat ikaw lang ang kaligayahan ko
Dahil ikaw ang "Leleng Ko"

Ngunit paano pa aasa
Kung sa Simula naman pala'y wala ng PAG-ASA
At ang puso ko'y akin lamang sinisira
Pagkat ang aking minamahal ay may ibang sinisinta.

Alam kong hindi lang ikaw ang lalaki
Ngunit puso ko'y ikaw ang pinili
Kaya kahit kapalit nito'y pighati
Patuloy parin kitang mamahalin

Sabihin man ng ibang ako'y tanga
Pasensiya na ngunit wala akong magagawa
Pagkat ako'y tao lamang
At 'di napipigilang magmahal.

Kaya hanggang sa huli, ako'y may isang hiling
Pagkat alam kong ang tamang panaho'y darating
Na tayong dalawa'y pagtatagpuin
"Sana sa pagkakataong iyon, sayo'y wala ng pagtingin , pagkat 'di ko kayang madurog aking puso
Habang ika'y masaya sa taong iyong gusto."

— The End —