Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Jose Remillan Jun 2016
Inagaw ka na nga ng himpapawid.
Ngunit bago pinatid ng hangin
Ang paningin habang ikaw ay
Lumulutang-lutang sa panganorin,

Tatlong ulit akong nangako sa'yo:
Ililikha kita ng alapaap. Sasariwain ko
Ang iyong paglingap. Hindi ko

Hahayaang manatiling pangarap ang
Pangarap. Kahit na hindi man lang kita

Nayakap, bago ka inangkin ng mga ulap.
(Para sa lobong hugis puso na nakita ni  Allan Popa.)
dalampasigan08 Jun 2015
Minsan isang araw tayo’y magkikita

Mga ngiti’y mamamalas - sa pananabik ay lunas

Mga mata’y mangungusap na tila ba nangangarap

Tangan ang isang hiling - Pag-ibig yaring hanap.



Minsan isang araw tayo’y mag-uusap

Ihahayag ng puso - natatanging pagsuyo

Ibubulong sa hangin - aanurin sa baybayin

Paglingap at hangarin walang sawang sasambitin.



Minsan isang araw ika’y mayayakap

Ikukulong sa ‘king bisig, tila kalong ng ulap

Nanamnamin ang sandaling walang kasing sarap

Aangkinin ang ligayang wri’y abot alapaap.



Minsan isang araw ika’y mahahagkan

Kasabay ang damdaming pagsinta kailan pa man

Mga labi’y magniniig habang dinig yaring himig

Walang humpay itong minsan ‘pagka’t ika’y iniibig.
solEmn oaSis Dec 2015
sa panimula
tila isang bula
hindi dahil sa lumutang at nag-laho
mangyari'y kulumpon na bahagi'y hinango

mula sa batya ng hula
samu't sari nakadaupang-palad
hiraya manawari maikubli ang luha
bunga ng mga pangakong di natupad

sampung letra pababa
sa puntong ito naitalaga
mga bakas ng nakalipas
nakatakdang ipamalas

upang ang ngayon maging ang hinaharap
yayakapin ng bukas nang may paglingap
ano man ang mangyari sa agenda
kompromiso ang tanging propaganda



[3 of 12 marked voices of a dozen clusters of letters]
© copyright 2015 - All Rights Reserved
#TEN DAYS before Christmas
compromise ~~~ kompormiso
" ten letter-word "
JOJO C PINCA Nov 2017
“Seize the moment.”
― Erma Bombeck

Nagtatampo ang araw kaya hindi ito sumisikat,
Hinahayaan n’yang kumapal ang ulap. Hay naku
Tiyak na iiyak ang langit, babaha ang luha na
Hahalik sa lupa.

Nagsusungit ang buwan tila walang paglingap
Sa dilim ng hating-gabi; pati ang mga bituin
Walang pagtangi sa magdamag na lumilipas.

Ganito ang nararamdaman ng puso ko,
Nalulumbay na tulad sa araw at buwan.
Gising ang diwa subalit pagod ang panulat,
Gustong mag-ulat pero hindi makasulat.

Naiinggit ako sa mga makatang hindi kinakapos,
Hindi natutuyuan ang kanilang panulat na laging
Nagmumulat. Hindi ako nagtataka kung bakit sila naging alamat.

Subalit hindi ako padadaig sa lumbay,
Lalabanan ko ang katamaran. Magpapatuloy ako
Sa paglikha ng mga tula. Hindi ko sasayangin
Ang oras na natitira sa akin.
Ronna M Tacud May 2022
Ngiti mo ay kay akit-akit,
Mga mata mo'y puno nang pighati.

Tila ito'y hibik ngunit walang kalatis.
Kaibigan, mayroon bang bumabagabag sa iyong paglingap?

Ipamarali mo at nang ika'y aking kalingain.
Datapwa't ako'y walang sinuman gayunman  ako'y may kahabagan.

Kahit pilit **** inaakupado ang kanyang pag-iisip subalit pakatandaan na ang puso'y di marunong lumimot sa nakaraan.

Ano ba ang dapat **** gawin upang ika'y mapansin? Hanggang kailan matatapos ang iyong kalumbayan? Hanggang kailan mo siya alpasan? Mauuwi na naman ba sa  balitaktakan?
Virgel T Zantua Aug 2020
Sa unti-unting paglaho ng pangarap… Kasabay ang pagguho ng pagsisikap… At sa bawat paghusga na tinatanggap… Ang hapdi ng katotohanan ay ganap.

Ang ngiti at kasiyahang nagpapanggap… Katulad ng pag-asa sa hinaharap… Ang sagot ay patuloy na hinahanap… Sa nawawalang pag-ibig at paglingap.

Ano ang kabuluhan ng paghihirap… Kung wala ang bituin na kumikislap… At kahit anong gawin na pakiusap… Sa pagmamahal ay lamig ang kayakap.

— The End —