Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Apr 2019
isinulat ni: Stephanie Dela Cruz

\

isang daang tula.
sabi ko noon ay bibigyan kita ng isang daang tula
mga tulang magiging gabay mo kung sakaling mawala ka man sa akin, o kung ilayo ka man ng ating mga tadhana, o kung paalisin mo na ko sayong tabi,
ngunit pangako, hinding hindi magiging dahilan ang kusa kong pag alis, pangako yan.
itong mga tulang ito ang magiging gabay mo kung sakaling maisip **** ako ang kailangan mo at ako ang gusto **** makasama hanggang dulo
itong mga tulang ito ang magiging resibo mo, magiging ebidensya ito ng kung paano kita minahal ng pagmamahal na hindi mo kailanman naibigay sa akin

isang daang tula.
alam mo bang tula ang una kong minahal kaysa sa iyo
ibinuhos ko lahat ng mga inspirasyon, pag-ibig, luha at pati tulog ko'y isinantabi ko na para sa kanila
dahil ako rin ang mga tulang ito,
alam mo namang isa kong babasaging salamin na paulit ulit na binabasag ng mga taong gustong maglabas ng sama ng loob, ng matinding emosyon, isang salaming kakamustahin kapag gusto nilang ipaalala sa sarili nila na maganda sila at mahalaga at kamahal-mahal at importante...
ako nga ang mga tulang ito, at paulit ulit kong pinaghirapang buuin muli ang aking sarili, ang bawat dinurog na piraso ko'y sinusubukang buuin muli gamit ang hinabing mga tula
itinago ko sa bawat maririkit na salita ang mga lamat na hindi na maaalis pero pipilitin ko...
at sa huli naisip kong hindi ko lang pala gustong sumulat at bumigkas ng tula..
gusto ko rin maging tula ng iba, na mamahalin ako katulad ng pagmamahal na ibinuhos ko sa mga ito

at ayun nga... dumating ka.

ngunit tanong ko pa rin sa aking sarili itong palaisipan...  "naging tula mo ba ko talaga?"


hindi.

dahil hindi ka naman talaga interesado sa mga tula.


alam ko naman kung anong nais mo talaga..

ang gusto mo'y musika.


maganda, masarap sa pandinig, masasabayan mo sa pagsayaw... maipagmamalaki.


hindi naman ako musika... isa lamang akong tula.



isang daang tula.
alam mo bang kung nakakapagsalita lamang ang aking mga sinulat ay sigurado akong magtatampo sila
dahil naisulat na ang tulang bukod tangi sa lahat, tulang pinaka mamahal ko higit sa lahat
ito ay ang bawat tulang isinulat ko para sa iyo..
isa... dalawa... tatlo.. hindi ko na mabilang kung gaano karaming tula na ba ang naisulat ko para sayo
ngunit mas marami ata yung mga tulang isinulat ko nang dahil sayo
at wag kang mabibigla kung sasabihin kong hindi lahat ng iyon ay puro kilig, puro saya, puro tamis ng sandaling kasama kita
dahil sa bawat pagkakataong hindi mo namamalayang sinasaktan mo ako ay sumusulat ako ng tula
may mga pagkakataong ikaw ang dahilan ng mga luhang siyang naging tinta nitong aking pluma na pinangsulat ko ng tula

wag kang mag-aalala, hindi nasasapawan ng kahit anong sakit at pait ang pagmamahal ko sa iyo. :)


isang daang tula.
teka, kailan ba tayo nagsimula?
napakabilis ng panahon, lumilipas na kasing bilis ng pagningning ng mga bituin sa gabi
hindi pa tayo tapos mangarap ngunit tumitigil na... natapos na ang pagkinang.
inaawat na tayo ng kalawakan... o teka... mali pala... dahil ikaw ang umawat sa kalawakan
pinatay mo ang sindi ng pinakamakinang na bituing pinangakuan ko ng wagas na pagmamahal sa'yo habambuhay
wala nang natira.. pati ang mga bulalakaw na nagdadala ng milyong paghiling kong makasama ka hanggang dulo ay wala na, lumisan na
at hindi ko naman inasahan na sasama ka sa kanila
hinihintay kong hawakan **** muli ang aking kamay nang mas mahigpit sa paghawak ko ng kamay mo katulad ng una't pangalawang beses nating pagkikita pero
binitawan mo ako mahal



isang daang tula...












teka muna mahal, hindi ko pa naisusulat ang pang isang daan
bakit ka'y bilis mo namang umalis... hindi mo man lang hinintay na matapos ko ang mga tulang ito na nagpapatunay na minsan may tayo


pero pangako...


tatapusin ko itong isang daang tula at hindi ito magtatapos sa pang isang daan dahil susulat pa ko ng mas marami, susulat ako nang mas marami pa hanggang sa hindi na ikaw ang tinutukoy ng mga salita sa aking tula, hanggang sa hindi na ikaw ang buhay nitong aking pagtula...
ipapaalala ko sa aking sarili na ako ang mga tulang ito at hindi ako magtatapos sa panahong pinili **** umalis kesa basahin ako, pinili **** iwanan ang tunay na nagmamahal sayo, sabi mo iingatan mo ang puso ko ngunit hindi mo ba alam? ikaw ang muling sumira nito kaya't heto... may dahilan nanaman para sumulat ako ng tulang magbubuo ng mga piraso ng aking sarili na dinurog mo... pinili **** saktan ako, pinili **** lumayo para sa sarili mo, pinili **** maghanap ng mas maganda at mas higit sa akin, ang dami dami **** pinili mahal ngunit bakit hindi ako ang isa sa mga pinili mo? ah. alam ko na. dahil nga pala may mas higit pa sa pagpipilian kaya bakit nga ba ako ang pipiliin mo diba?


pero pinapangako ko... isa lamang akong tulang hindi mo pinag-aksayahan ng oras para basahin ngunit balang araw ay magkakaroon din ako ng sukat at tugma, ang mga salita sa aking malayang pagsulat ay tatawaging liriko at kapag ganap na akong maging musika... pangako.... huling pangako ko na ito para sayo kaya't makinig kang mabuti...




mapasabay ka man sa  saliw ng aking musika, kailanma'y hindi na ko ang kanta, liriko, musika, at tulang isinulat para sa iyo.
I miss you so bad but not enough to want you back.
Tenth Jul 2019
Paalam sa munting kinang sa kanto ng iyong mga mata. Sa unang alab ng huling araw magpapaalam ang bihag ng tanikala. Walang humpay ang daluyong ng mga ala-ala.

Salamat sa unang halik at iyong natatanging labi. Mula sa una at sa huli. Ito na ang huling paalam. Papadayon din ang araw, bukas o sa makalawa, o hindi kahit kailan.

Walang luha o sugat na lalatay sa iyong balat. Hindi kailangang manatili sa ala-ala nating dalawa. Mula dito at sa mga susunod na araw, buwan, at taon.

Para sa ating dalawa ang paalam na ito. Hindi na kailangan magkubli sa anino ng masaya at masalimuot na nakaraan. Ito ang ating hudyat, ang ating kidlat mula kay bathala.

Para sa muling pagkinang ng iyong mga mata. Sa ala-ala ng buwan at ng mga bituin. Sia lahat ng bagay na nagpangiti sa iyong puso at labi. Paalam aking dagat, aking asul na langit.

Minamahal kita.
Pumikit
Lasapin ang bawat saglit na lumalangitngit ang pawis sa inyong balat na magkadikit.
Huwag niyong ipagkait sa apat na sulok ng silid ang kanilang karapatan masilayan ang inyong pagmamahalang saglit

Igapang mo ang iyong mga nananabik na daliri sa pambalot ng kanyang laman,
Sa bawat segundong inuudyok at kinikililiti ang iyong kasiping
isiping siya ay isang anghel na ipinadala ng diyos ng dilim ng silid

Manampalataya
Manalangin na ang sandaling maglapat ang iyong labi sa kanyang katawan ay pang-matagalan
Na ang pagsamba mo sa kanyang katawan ay magiging makatarungan

Iyong lubusin ang pag-halo ng laway at pawis
Tumingin sa pagkinang ng namumuong asing itinuturing **** bituin
dahil sa bawat paglamas ng inyong dila sa isa't-isa, dahil sa pagdurugo ng labi, dahil sa panggigil at kagutuman at libog ng katawan at isipan
Hangga't siya'y nagugutom at uhaw sa maling pagmamahalan–

Kumapit
Hayaan ang sarili maipit sa kanyang bisig sa tuwing pipilipitin niya ang iyong isip
gamit-gamit ang kanyang mga matang nanlilisik sa pagnanasa at tamis na kay pait

Ang kanyang mga mata na nagpapakita ng kaluluwa na umiiyak dahil hindi kayo para sa isa't-isa
Iyong nahihinuha na pareho lang kayong dalawa, parehong kumakapit sa ideya na ang pakikipagkantutan ay paraan para mahanap ang pag-ibig na bumabalot sa mundo't umaakap

Umakap
Panghawakan ang alapaap at huwag kang kukurap para masilayaan ang pamumuo ng mga ulap sa kanyang mga mata,
Ang pagbaha ng inyong mga kalooban dahil sa pagragasa ng inyong kahayukan

Ngunit wag kang magpahinga.
Hayaan mo siya ang mauna sa pagpapahinga,
Ito ay senyalis ng pagkapagod at pagsuko sa kasiyahan na inyong tinatamasa
Masasabi **** masalimuot ang karanasan na ito kahit nilubos mo ang pagkakataon na kayo ay nag-indakan sa bawat sulok ng silid na madilim
na sa pagtapos wala na kayong ibang magawa kung hindi–

Huminga
Huminga ng malalalim bago umalpas ang inyong kamunduang pangsandalian
At sa pagwaglit ng iyong hanging ibinuga, tanggapin sa sarili na libog lang ang inyong nadama
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
kingjay Dec 2018
Magtahi ng mga titik mula sa alibata
Ibalanse ang kataga
Ipakita ang sanhi
Sa hinaharap sana'y alinsunod
sa kagustuhang resulta
Sapat ang pagkinang ng bunga

Pinapagaan ng pakikidalamhati
ang tinamong latay
Hiram na hininga
Sa pag-usad ng rebolusyon ay na-iiwan dahil sa grabidad

Binansagan santwaryo ang periheo
nasa puntong humihiwalay ang umaapoy sa nagyeyelo
Taguan ng mga sugatan
pati na ang nagniningas na kalooban

Ang dangal ay naiga
Gustuhin man magbunyi
Hinihila pababa, parang natutunaw na sera
Nilalamon ng kadiliman ang siga

Matutunan din sumipol sa masalimuot na tinatahak
Matwa sa bawat liwaliw
kahit man ay undas
Patuloy ang pamumunga sa ginintuang oras
Kurtlopez Sep 2021
Maganda ka, walang pinipiling oras, araw at panahon. Kariktan mo'y patuloy sa pagkinang sa gitna ng kanilang mga alinlangan, matalim na mga tingin bitbit ang panghuhusgang natatakpan ng pagkabulag sa tunay na kahulugan ng kagandahan.

Mga katagang nararapat sa iyo, maganda ka! walang naman, minsan at dahilan. Tuwirang pagsambit ng maganda ka at walang pagdadalawang-isip, sa kabila ng iyong kulay, hugis, taas, tuwid, kinis at iba pang basehan ng gandang naglipana, na inaakalang tunay na depinisyon ng ganda.

Maganda ka, higit pa sa mga araw na pakiramdam mo ay may mali sa iyo at kulang ka.

Mas pinaganda ka ng iyong mga kakulangan, mas binigyan ng kulay at nadepina ang tunay na kahulugan ng ganda sa iyong mga mata, sa tuwing pinapaulanan ka ng kanilang mga salita'y hindi ka nagpatinag.

Maganda ka, dahil ikaw ay ikaw. Hindi sukatan ang paningin at bibig ng kung sino man.
zee Jun 2020
ang mga paa'y dinala ako sa tapat ng aking bintana
doon nasulyapan ang kabilugan ng buwan at pagkinang ng mga tala
ngunit ang isipa'y nananatiling balisa; tila naghahanap ng himala
'di malaman-laman kung saan at papaano mag simula

aking hiniling sa nag-iisang bituing nagniningning
na sana'y dinggin ang aking panalangin
nawa'y pakinggan ng uniberso at tuparin ang aking mga plano
ituro lang tamang landas kung saan ako tutungo

ngunit balewala lahat ng hinaing kung mananaig ang daing
'wag pilitin ang sarili; hintaying sumiklab ang apoy na nanalaytay sa'yong puso't damdamin
'wag ikumpara sa iba ang sarili 'pagkat ikaw ay may sariling istorya rin

madilim man ang landas ang iyong tatahakin; kumpiyansa sa sarili'y matatangay pati na ng hangin
ang mga buwan at ang mga tala'y makikidalamhati sa'yong pighati
ngunit ang kanilang pagningning sa kabila ng bumabalot na dilim ang magsisilbing ilaw—
liwanag at daan na magsisilbing palatandaan na darating din ang iyong araw

— The End —