Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Rhon Epino Apr 2018
Pag ibig
Kanya-kanyang depinisyon
Kanya-kanyang eksplinasyon
Isang uri ng salamangka
Na makakapagpapabago ng lahat
Makapagbibigay ng dapat at sapat
Pero hindi lahat ng dapat ay kailangang maging sapat
Dahil kailanman ay hindi naging sapat ang lahat
Maghahangad ng iba
Maghahanap ng ibang kasama
Pero gayunpaman ay wag kalilimutan
Na ang pag ibig ay pag ibig parin
Kahit ito pa ay paiba-ibahin
O kaya nama’y balibaliktarin
Bawasan mo man o buuin
Pag ibig parin

Pag ibig
Ito ang tuwa sa isang libo **** luha
Isang porsyento sa ilang daang libo
Ito ang kahulugan sa bawat salita ng diksyonaryo
Ito ang nagbibigay pag-asa sa bawat gising mo
Ito ang magtuturo sayo
Na ang sakit at pait ay hindi bagay na dapat **** katakutan
Hindi bagay na dapat **** sukuan
O kaya nama’y dapat **** kalimutan
Dahil ang pag ibig ay ang lakas sa bawat paghina
Ang kagustuhang tumayo sa bawat pagsuko
Ang pagsulong sa bawat pag urong
Ang simula sa bawat katapusan
At ang katapusan sa bawat simula
Dahil ang katapusan ay hindi masama
Ito ang simbolo ng tagumpay
Ang simula ng simula

Pag ibig
Ang magbibigay ng sagot sa bawat tanong
Sa ano, bakit at paano
Ang pupuno sa bawat kakulangan mo
Pupunan ang pangangailangan mo
Ito ang tulay sa bawat pagitan
Malakas, matibay, mapagkakatiwalaan
Sapagkat ang pusong puno ng pag ibig
Ay malakas, matibay at mapagkakatiwalaan
Ito ang magkumukunikta sa dalawang magkaibang mundo
Kahit na sino at kahit na ano
Kahit na ano pa ang kasarian mo
O kahit na ano pang kinabibilangan mo
Sasagipin ka nito sa pagkalunod
Sa pag iisa
Sa mga panahong akala mo’y wala ka nang kasama
O kaya nama’y kinalimutan ka na
Yayakapin ka
At nang hindi manlamig at mamanhid ang iyong kaluluwa

Pag ibig
Di ka nito huhusgahan
Tatanggapin ka kahit ano ka man
Dahil kailanman ay wala itong batayan
Kahit ano pa man ang iyong pinaniniwalaan
Dahil pag ibig lang ang may konsepto ng pagtanggap
Pag unawa at walang halong pagpapanggap
Ito ay puro at dalisay
Hindi pinapahina ng panahon
At sa halip ay lalo pang pinapatibay
Ito ay mas malakas pa sa bawat pagsubok
Mas mataas pa sa pinakamatarik na bundok

Pag ibig
Ito ang produkto ng konseptong positibo
ng pluma at panulat
Ng tuno at liriko
Ng imahinasyon
Ng respeto at pagpapahalaga
Umibig at ibigin
Sabihin kung ano ang laman ng damdamin

Sayo, ano ang pag ibig?
cherry blossom Nov 2018
Bakit balewala na sa akin ang pagkalunod?
Bakit sa tuwing nahihila pababa ng angkla'y nagpipigil na lang ng hininga?
Bakit tuwing nahuhulog ay hindi na sumusubok lumaban
At sa tuwing may kamay na kukuha pabalik ay pilit iniiwasan


Isang araw ay nagising
Nang 'di namamalayan ang mga luhang umaagos sa mga mata
Ganito pala sumagot ang sariling katawan
Na paulit ulit nagsasabing hindi na sapat ang paglimot
At di na rin sapat ang pagsisinungaling at pagpapaniwala sa sarili
Na ayos ka na
Dahil hindi pa naman talaga
At akala mo lang noon na handa ka nang bumagon ulit at magsimula

Kaya bumalik na sa himbing ng pagtulog hanggang sa makalimot muli
11/3/18
Ang tunog ng katahimikan ay malalim
Sabay ng kumpas ng malamig na hangin
Kasama ka, tayo'y nakahiga sa buhangin
At nakatitig lamang sa mga tala sa dilim

Di ko napansin, ang aking damdamin
Parang tala na nahulog mula sa langit
Ako'y nalunod, sa agos ng iyong tingin
Sa lalim ng iyong kalikasang marikit

Nilamon ako ng mga bituin at langit
Katulad ng pagkalunod ko sa iyo
Di makahinga, pilit kumakapit
Ang nahihirapan kong puso

Sa mapait na katotohanang
Hindi ka magiging akin
Dahil ikaw ay isang bituin
At ako ay hamak na tao lamang
Isang tao na hanggang tingin lang
cherry blossom Feb 2018
ano ang pinakamaling ipilit sa kalawakan?
ang naisin ang paglaho
ang pagkasabik sa destinasyon
ang madaling paglisan
mga maling kamay na kanlungan
ilang beses na tayo nagbabakasakali
sa 'di mabilang na pagpapasubali
sa mga bahay na akala natin ay tahanan
sa mga taong ilang beses napaghandaan
sa mga baka sakaling hindi tayo iiwan
o ang tiwalang hindi tayo lilisan
mga ilang beses pa dapat umulit ang palabas?

may magbibigay ba ng kasiguraduhan?

dahil isa lang ang sigurado ngayon
ang walang pag-aalinglangang pagod
ang pagsuko
ang sunod-sunod na pagkalunod
ang ilang beses na pag-iyak sa walang katuturan
mga walang katuturan, dapat

pinilit nating manatili
bigyang sagot ang mga tanong sa nasirang haligi
tignan mo ang mga bituin
isa tayo sa kanila
o ang mga bulalakaw,
mga bato na pinagliyab ng damdamin
tignan natin ang ganda
mamaya na natin alamin ang kasinungalingan nila
mamaya na natin pag-isipan
na ang mga liwanag na ito'y nakaraan na
pagmasdan natin ang ganda
mamaya na natin pag-usapan
ang pagkawala matapos ang pagbagsak
'wag na nating itatak
sa mga munting isipan
ang nagbabadyang katapusan
dahil alam na natin ang kahihinatnan
sa maling paglusob sa gyera ng kalawakan
at ang pagsalungat sa mga propesiya na minarkahan

hintayin na lang natin ang katapusan.
ibato na lang natin sa kalawakan ang hinaing sa mundo
02/20/18
cherry blossom Jan 2018
Ang kailangan ko lang naman ay malaman na hindi ako nag iisa
Na sa layo ng paglalakad ay nandiyan ka pa
Sapat na sa akin ang maging mahalaga
Alam kong ilang beses mo nang nabanggit sa ‘kin ‘to
Pero nasaan ka na ngayon?
Alam kong madalas **** sambitin na nandiyan ka lang
Na hinahanap mo rin ako paminsan minsan
At akala ko kuntento na ako
Hinahagilap ko ang titig mo
Natatakot ako
Na hindi mo mapansin ang pagkawala ko

Ilang beses na rin ako nagpaagos sa alon
Ng walang nakapansin ng pagtangay sa ‘kin
Sagipin mo ako sa nagbabadyang pagkalunod
Hindi na ako magkukunwaring maalam lumangoy
Sagipin mo naman ako

Naiintindihan ko na hindi lang ako ang iniisip mo
Pero sana alam mo na ikaw lang ang kinakapitan ko
01/17/18h
Hanggang dito na lang ako
Kung tatawid pa'y malulunod ng todo
Sa pagkalunod, di makakaahon panigurado
Batid namang iba gusto

Hanggang tingin na lamang sa malayo
Kung lalapit pa'y, tiyak di makukuntento
Magiging makasarili hanggang dulo
Ipilit at masasaktan ng husto
Kent Delos Reyes Nov 2020
Ngayong lumipas na ang temang nakasanayan
Silip banayad sa kahapong dagliang dumaan
Pikit man ang mata, alaala naman ay pabulong
Hikahos sa hanging hindi naman tunay na yumao

Niyaring tinapos ang kasalukuyan sa halina't
Imahe ng kapayapaan sa kabilang daungan
Lingid sa ibabaw ng katinuan na ang bangka
Lumutang man ay di masasakyang tuluyan

Bigkas ay mga hikbi sa bawat pagsulong
Hanggat ang biyak ay hindi tuluyang magtagpo
Sa harap ng dahas at galit ng ilog sa pagitan
Paglubog ng liwanag ay syang di maiiwasan

Niyaring tinapos ang kasalukuyan sa halina,
Silip banayad sa kahapong dagliang dumaan
Sa harap ng dahas at galit ng ilog sa pagitan
Pagkalunod sa sariling luha'y syang di iiwasan
57 Unti-unting si Agus ng tubig lamunin
Dahan-dahang lumayo bangka ng mga salarin

58 Ang prinsipe’y gupung-gupo
Wala nang pag-asa sa saklolo

59 Pilit mang kumawala sa pagkabuhol
Hindi makapalag sa himulmol

60 Anong klaseng hilahil?
Pagkalunod hindi pigil!

61 Subalit bago pa man malagutan ng hininga
May umagap na isang himala

62 Sa prinsipeng nalulunod, may nilalang na yumapos
Kaagad siyang pinaalpas sa pagkakagapos

63 Binuhayan mga luoy na bisig
Nitong bayaning Diwata ng Tubig.

-06/26/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 150

— The End —