Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.

Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."

Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.

Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.

Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.

Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.

Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.

Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.

Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.

Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.

Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
Sa tuwing naaalala ka,
Lungkot at pagsisisi lang ang palaging nadarama.

Hindi naman na dapat iniisip pa,
Ang mga nakaraan na lumipas na.

Bakit ba hindi ka makalimutan?,
Kailangan paba magharapan tayong muli upang tuluyan nang makawala sa nakaraan?.

Parehas naman nating hindi ginusto to,
Na humantong tayo sa ganito.

Masaya naman tayo noon, noong tayong dalawa ay nagmamahalan pa,
Nagkamali lang talaga tayo nang hindi natin sinasadya.

Pero parehas lang tayong nagkamali,
Kaya ito tayo ngayon nagsisisi sa huli.

Pinaghiwalay tayo ng tadhana,
Siguro dahil hindi talaga tayo ang para sa isa't isa.

Hindi ko na rin kasi gusto ang trato mo sakin dati,
Kaya't ako na rin ang bumitaw sa huli.

Hindi ngalang pormal ang paghihiwalay nating dalawa,
Kaya't siguro nahihirapan parin akong huwag kang maalala.

Pero gumawa ako ng paraan para bawiin ka ulit kasi nagsisisi ako na iniwan kita,
Pero nalaman ko na may iba kana.

Lumipas ang mga araw, buwan, taon,
Nakalimutan ko nandin ang taong minahal ko noon.

Pero bakit hanggang ngayon kahit saang anggulo man tingnan,
Hindi ko parin mabura ang mga memorya ng nakaraan.

Ayoko na sanang maalala ang lahat noon,
Pero bakit gumagawa parin ng paraan ang utak ko para maalala lahat ang mga pagkakamali nating dalawa na nilipas na ng panahon?.

Gusto ko nang kalimutan ang kahit anong tungkol sayo,
Pero hindi ko alam kung saang paraan at paano.

Ni wala na akong nararamdaman sayo matagal na,
Pero bakit hanggang ngayon nahihirapan parin ang utak ko na kalimutan ka.

Sana dumating ang umaga na sa paggising ko kumpleto na ako,
Wala nang gumagambala sa utak at katauhan ko.

Na hindi na kita maiisip kahit kailan,
Na natutunan nadin kitang kalimutan.

Pero hanggang saan paba ang itatagal ng panahon?,
Hanggang kailan paba maaalala ang kahapon?.

Palipasin na ang nakaraan,
Dahil para sa akin wala na iyong kahulugan.
This is based on what I've been thinking and based in my story. I hope you like it. Lovelots readers!
kingjay Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy

— The End —