Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Jun 2015
ang pangalan niya ay jesus.
oo, ang pangalan mismo ng kaibigan ko ay jesus.
seryoso ako.

si jesus
ay siyang dalaga,
morena, kulot ang buhok.
ang lalim ng mga dimples at
may mga pisngi na kay sarap kurotin.

parang musika ang himig ng kanyang tawa
at hindi kumpleto ang kanyang mga bati
kung walang kasamang yakap na kay higpit.
hindi ko gets kung bakit
hindi siya kumakain ng tinapay ng walang asukal.
at nakakatawa lang kung paano
lagi siyang may baon na sachet ng bear brand
na pinapapak niya kapag siya ay naiinip.

si jesus
ay isang iskolar,
magna *** laude standing,
bise presidente ng kanilang organisasyon.
balak mag law school pero may tumanggap na
nakumpanya sa kanya sa bgc.
meron din siyang mayamang boyfriend na
hinhatid siya pauwi sa taytay, rizal gabi-gabi.

huwebes ng nakaraang linggo,
bandang alas dyis:
si jesus
ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay
walang malay
nakahandusay sa kalye.
sinugod sa ospital para kalagayan ay masuri.
ano kaya ang nangyari kay kawawang jesus?
heat stroke, stress, fatigue, high blood, food poisoning?
kulang lang ba sa tulog o pagkain?
walang natagpuang hindi pangkaraniwan kay jesus.
normal lang daw ang kanyang kalagayan
maliban lang sa paghinga niya na
tila humihikbi pero walang luha.
ilang oras din ang nagdaan bago si jesus
ay tuluyang nagising.
ang sabi ng doktor tungkol sa kanya:
depresyon, malubhang pagkalungkot
ang tunay at nag-iisang sanhi.

dahil kay jesus,
napagtanto ko na
hindi porket nakangiti,
masaya.
hindi porket bakas ang ligaya sa kanyang labi,
wala nang lungkot at lumbay na namamayani sa kanyang mga mata.
hindi porket ang lakas humalakhak kapag nandyan ka,
hindi na siya humihikbi, humahagulgol kapag wala siyang kasama.
hindi porket parang musika ang kanyang tawa,
hindi na siya umiiiyak nang umiiyak nang paulit-ulit-ulit na parang sirang plaka.
kasi
hindi porket masigla,
hindi na napapagod.
hindi porket matapang at palaban,
hindi na nasasaktan.
hindi porket laging nagbibigay, nag-aalay,
wala nang mga sariling pangangailangan.
hindi porket matalino,
ay may alam.

dahil kay Jesus,
ako'y namulat
na ang dami palang mga walang hiyang tao sa paligid ko
na nagsusuot ng mga maskarang pantago
sa kanilang mga kahinaan, takot, at sakit.
sa kabila pala ng kanilang mga yaman, tagumpay, talino, at
kung ano-ano pa mang sukatan ng galing
kung saan kinukumpara natin ng ating sarili
may isa palang
nabubulok, naagnas
na kaluluwa.

dahil kay jesus,
ako'y nalulungkot.
mata ko ay naluluha,
puso ko ay kumikirot
na may mga tao palang katulad niyang
naglalakbay nang di alam kung saan pupunta.
nangangarap na huwag na lang magising sa umaga.
nakuntento na lang sa wala.

dahil kay jesus,
ako'y naiilang
na ang nagaganap sa aking harapan
sa loob ng paaralan, bahay, o opisina
ay hindi tama.
maling-mali na
ang mga tao sa aking paligid ay nakakulong
sa selda ng anino at lamig.
hindi ito ang kanilang nararapat na tadhana.
hindi ka ba naiinis?

dahil kay jesus,
may apoy na nagpapaalab sa aking galit
nagtutulak sa akin na tumakbo
hangga't hindi natatama ang mali.

at lahat 'yan ay
sapagkat alam ko sa aking isip at puso na
dahil kay Hesus
lahat ng kahinaan at takot ay hindi na kailangan ikubli.
ilalapag na lang sa harap Niya
ang anumang alinlangan o mabigat na karamdaman.
wala nang pagpapanggap.
buong tapang na ipagmamalaki na
ito ay ako.
kasi ano man ang mangyari at kung sino man ako maging
ang tunay na dilag, dangal, at tagumpay
ay tanging
sa Kanya nakasalalay.

dahil kay Hesus
may ligaya at kapayapaan na hindi kaya matalos ng isip.
banayad ang layag
anumang dumaan na bagyo.
matatag nakakatindig
kahit yumanig pa ang lupa at magunaw man ang buong mundo.
dito sa dagat na kay lawak at lalim
hindi lalangoy,
kundi maglalakad, tatakbo,
lilipad pa nga sa ibabaw ng mga alon.

kay Hesus
may liwanag na pinapanatiling dilat
ang aking mga mata.
ano mang karumaldumal na karahasan ang masilayan,
hindi ako napapagod o nawawalan ng pag-asa.
hindi makukuntento at matatahimik.
hindi tatablan ng antok.
araw-gabi,
ako ay gising.

dalangin ko na sana puso mo rin ay hindi magmamanhid
na kailanman hindi mo masisikmura at matatanggap
ang kanilang sakit.
tulad ng dalagang si jesus
gusto nila ng pampahid para maibsan ang hapdi.
pero ang mayroon tayo
ay ang lunas, ang gamot,
ang sagot mismo.
tagos sa balat, sa puso diretso.
ang gamot ay ang dugo
na dumaloy sa mga palad Niya.
ang pangalan Niya ay Hesus.
*Hesu Kristo.
a spoken word.
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
JOJO C PINCA Nov 2017
"A spectre is haunting Europe"
- Communist Manifesto

Ang multong gumagala noon sa Europa ay hindi parin natatahimik. Hanggang ngayon ay patuloy itong gumagala at nanggagambala. Hindi n’ya pinatatahimik ang mga burgis at elitista. Kaya’t patuloy na nagsasabwatan ang ibat-ibang kapangyarihan sa lipunan upang labanan ang multong ito at hadlangan ang kanyang paggala. Ang mga lider ng relihiyon, ang mga kapitalista, ang mga namumuno sa gobyerno na panay oportunista, ang pasistang militar, ang pulisya pati na ang midya lahat sila ay nagsasamasama upang kalabanin ang multong gumagala.

Nasaan na ang tunay na partido ng mga manggagawa na kinakatawan ng multong gumagala? Nasaan na ang mga rebolusyunaryo at mga aktibista na kakalaban sa bulok na Sistema? Bakit hanggang ngayon ay namamayani parin ang naghaharing mapagsamantalang uri? Kinain na ba kayo ng maling sistema at ngayo’y naaagnas na rin?

Nang bumagsak ang Rusya at lumihis ang Tsina ay nagdiwang ang mga imperyalista. Akala nila ito na ang wakas nang paggala ng multo, subalit nabigo sila at nagmukhang mga asong hangal na kumakahol sa sariling suka. Pagkat nagpatuloy ang multo sa kanyang paggala at ibayong lagim ang kanyang dala-dala. Subalit bakit tanong nila?

Simple lang ang dahilan:

Hanggat laganap ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay hindi sila patatahimikin ng multong gumagala. Patuloy nitong uusigin ang budhi ng mga ganid at sakim sa kayamanan.

Hanggat ang biyaya ng lupa ay hindi nakakamtan ng lahat ng tao ay patuloy itong magmumulto.

Hanggat ang mga manggagawa ay hindi gumiginhawa hindi mananawa ang multo na magpaalala sa kanila na patuloy nilang igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan na s’yang nararapat.

Patuloy na gumagala ang multo ng Komunismo na nagmula pa sa Europa kailanman hindi nito patatahimikin ang mga sakim sa yaman at sukaban sa kapangyarihan.
Xeril Zapanta Sep 2019
Isang madilim na kalungkutan
bumabalot sa aking isipan na para bang may
Nagpapahiwatig na mawawala na ako sa mundong ito

Sa huling gabing sandali na aking nararamdaman
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika’y ang namamayani

Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang patungo sa kamatayan
At nakatingin sa kalangitan

Sumilip ang pulang buwan sa kalangitan
Na hudyat ng kamatayan
At tuluyang bumukas na ang pintuan
Herena Rosas Aug 2021
Tuwing dapit hapon nagsisimulang umalingawngaw ang mga tinig.

Mga alitaptap ay nangingimasok sa mga bukas na sugat.

Maaligasgas na mga tunog ay maririnig sa duguang trumpeta.

Hindi mawari ang pagsilay ng buwan sa mga matang nakapikit ngunit nakatingin.

Pagiyak ng punong kahoy sa pagkabali sa bagyo ng mga pasanin ay siyang namamayani sa gitna ng gabi.

Ang bawat pagpunit ay kasabay ng pagikli ng mga pahina.

Kumpas ng orasan sa takipsilim naghahayag ng taglagas nang kaunting saya sa isang linggong kalumbayan.

Papatayin ng unti unti at iiwang sugatan ng mga pangungusap na hindi maawat.

Mapagkunwaring uwak na suwail sa hangin ay hindi na makalilipad.

Ang pagwawagi ay bihira lamang.
Laban lang!

— The End —