Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astrid Feb 2019
6th of december, 2018.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana.” Madalas kong naririnig ‘yan, palagay ko’y ikaw rin. Pero kung iisipin, napakarami nating mga taong natatagpuan na nakatakda ring umalis. Ang ilan ay babalik, ang ilan ay maglalaho na lang. Hindi ko alam kung saan ka riyan nabibilang. Walang pakiramdaman, walang pakialamanan, walang pakundangang naghahanap ng mga bagay para pilit kang makalimutan. Gigising ako nang nakangiti, masaya, at ang nasa isip ay
“kakalimutan na kita,” ngunit kahit kailan ay hindi ‘yan nagkatotoo. Ang pag-asang makaahon sa ‘yo ay palabo nang palabo. Sa bawat gabing nagdaan, napapatanong ako kung saan na naman ako nagkamali. Saan na naman ako nagkulang? Saan na naman ako kinapos? O baka naman sumobra? Paikot-ikot ang mga mata sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Saan mo ako iniwan? Pareho tayo ng pinupuntahan, pero hindi ko na alam kung paano pa babalik. Hindi kita mahagilap; ang tanging palatandaan ko para makabalik ay hindi ko na mahagilap. Dahil naglaho ka sa isang iglap. Hindi ko na alam kung paano pa babalik. Dahil hindi pa kita nakikita.

Ilang eskinita lang naman ang pagitan nating dalawa. Nariyan ang mga tricycle para mahatid akong muli sa bahay ko. Nariyan ang mga dyip na pupwede kong masakyan para lang mapalayo sa ‘yo. Tayo’y palaging nasa ilalim ng parehong langit, aalis at uuwi sa iisang lugar ngunit hindi man lang kita makamit. Pareho ng sinasakyan, pareho ng mga dinadaanan. Iisa lang naman ang mga pinupuntahan natin, ngunit ang araw-araw kong biyahe ay naging ikaw na ang destinasyon. Nagbabakasakali lang naman akong baka matupad mo ang aking imahinasyong hindi ko na batid pa ang limitasyon. Sa bawat pag-alis ko ay nananalanging magkita tayo sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ko pa rin alam kung paano babalik. Alam ko ang ruta, alam ko ang sasakyan. Ngunit ako mismo ang nagpupumigil. Dahil hindi mo ako tinutulak palayo. Hindi pa man tayo nagkikita, mas gugustuhin ko nang hilain mo ako paalis sa kung saan mo ako iniwan. O baka ang presensya mo lang ang hiling kong masilayan, para tuluyan na akong makalakad paalis sa piling mo. Hindi ko naman mapapantayan ang babaeng nagdala sa ‘yo sa tahanan mo— ni hindi ko nga alam kung paano umuwi sa dapat kong uwian. At sa bawat biyaheng sinusulong ko, hindi ko man lang naisip na baka mali ang daan na tinatahak ko. Iba pala ang langit na pinagmamasdan mo sa umaga, kahit ang mga bituing nais **** titigan sa gabi. Iba pala ang sinasakyan **** dyip sa bawat pag-uwi. Iba pala ang eskinitang napapadparan mo. Iba pala ang langit na sinisigawan mo ng pangalan niyang kaakibat na ng apilyedo mo. Iba pala ang inuuwian mo.

Pasensya na, tanga ang kasama mo. Mali, hindi mo pala ako “kasama” dahil kahit kailan ay hindi ka naman sumama. Hinayaan ko ang sariling maligaw sa mga mata mo. Hinayaan kong mawala ang isip sa mga salita **** nadadala ako sa ibang dimensyon ng mundo. Hinayaan kong magwala ang pusong binuhay mo— na bibitawan mo lang din pala, dahil masyado itong magulo. Ngayon lang ako nakalabas at hindi na muli pang magtatago, ngunit niligaw mo ako. Pasensya na, gagapangin ko pa ang sarili ko palayo sa ‘yo.

Hindi ko maintindihan kung paanong ako’y napadpad sa ‘yo kung hindi ko pa nasisilayan ang mga mata **** mapanlinlang, na kung saan ay nagpahatak pa rin ako— delikado, at muntik pa akong mabaldado. Huwag na sanang pahintulutan ng mundo na pagtagpuin pa tayo, dahil kung sakali ay baka hindi na ako umalis. At baka samahan pa kita kahit saan ka man papunta, kahit sa piling niya pa. At lalong hindi tayo isang halimbawa ng “Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Inaantay ko pa lang ang matagpuan kita, upang makaalis na ako.
m.r.
cosmos Jan 2016
Natakot ako noong araw
Na nagising ako
At naramdaman ko ang kabog ng puso ko
Parang iba na ata
Ang sinasabi nito

Hulyo noong nangyari ito
Ngunit Oktubre na nang aminin sa sarili
Ang matagal nang ikinubling damdamin
Dahil nakakatakot

Nakakatakot ang mahulog
Para sa isang taong hindi naka-abang
Upang ika'y saluhin

Nakakatakot malunod
Sa lalim ng iyong mga mata
Na baka hindi na makabalik pa
At maiwang nag-iisa

Nakakatakot sabihin
Ang damdaming itinanggi
Dahil baka di pakinggan
At tuluyan nang iwasan

Natakot ako pero sumugal ako
‘Di na ata kakayanin pang itago ito

Ngunit matapos ang lahat
Tama nga ako

Tama nga ang paulit-ulit na sinabi sa sarili
Hindi na dapat
Bakit nahulog pa
Bakit nalunod pa
Bakit sinabi pa
Sana tinago ko nalang

Mas nakakatakot pala
Nang tuluyang mawala ka
Alam mo, ayoko na
Gusto ko nang huminto sa pagpapaka-tanga
Ayoko na matulala at sabay maiisip ka
Kasi alam ko na matagal bago ako muling makabalik sa aking diwa

Pwede ba manahimik ka?
Ang ingay mo lalo na kapag ako’y matutulog na
Bastos at biglaang papasok sa aking isipan
Na para bang isipan ko’y iyong kaharian

Hindi ka ba napapagod?
Sa kalalaro ng aking pusong lasug-lasog na sa iyong kapapaikot
Tuwang-tuwa ka pa at humahalaklak kapag ako’y iyong nabibiro
Pag sasabihin **** “last na”, pero sinungaling ka

Edi sa’yo na!
Sa’yo na ang kaligayahan at kalungkutan ko
Sa’yo na ang pangarap at kabiguan ko
Sa’yo na ang lahat ng ako, sa’yo na ang pusong laruan mo

O, ano? Ba’t tumigil ka?
Bakit ka biglaang lumayo kung kailan ibinigay ko na?
Akala ko ba sa akin ay nasisiyahan ka?
Akala ko ba sa akin masaya ka na?

Ah, ngayon gets ko na!
Gets ko na na mabilis ka pala magsawa
Pagkatapos ng isa, maghahanap ka ng iba
Pagkatapos **** manungkit, magtatapon rin pala

Ayan ka na naman at umaarangkada
Parang isang sports car na rumaratsada
Patungo sa mga babaeng iba’t iba ang klase
Iba’t iba ang ganda

Kaawa-awang kababaihan
Kasalanan ba nila na natipuhan mo sila
Bakit kung parusahan mo ng iyong matatamis na pekeng salita
Ay parang mga batang niloloko ng isang salamangkerong desperado kumita

Sana matauhan ka…
Minahal kitang tunay ngunit sayo’y lokohan lang pala
Sana sa paglipas ng panahon, makatagpo ka
Ng isang babaeng paluluhurin ka habang nagmamakaawang patawarin ka niya.
Ilang buwan na ang lumipas
Nang gisingin ako ng agos  ng tubig sa dalampasigan
Puti ang buhangin
At kumakapit sa kayumanggi kong mga balat
Ang halik ng Haring Araw.

Laking-gulat ng lahat nang anurin ako
Ng napakalakas na hangin patungo sa Isla
At doon bumungad sa akin ang Pitong Karagatang
Mitsa ng aking pagbangon sa kasalukuyan.

Naghilamos ako sa maalat na tubig
At doo’y naging kakulay ko ang kanilang lahi
At inangkin nila ako
Gaya ng isang parte ng isang pamilya.

Bumukod ako sa pag-aakalang iba ako at iba sila
Hanggang sa ang ako ay para sa kanila pala
Nagbunga ang pagbuhos ng Langit ng kanyang kasiguraduhan
At doon ako'y hindi na isang dayuhan
At alipin ninuman.

Kinuha ko ang kurtina sa aking bintana
At tinapon ko sa aking likuran
Kasabay ng paniniwala kong babalik ang Araw
At ako'y muling aagusin ng napakalakas na alon kagaya noon
At sana --
Sana nga makabalik na ako
Sa aming tahana'y
Babalik na ako.
G A Lopez May 2020
Ilang Huwebes at Linggo na ba ang nagdaan?
Ang aking mga bestida na nakalagay sa aparador ay laging pinagmamasdan.
Sa oras ng alas singko'y tumutunog na ang aking selpon
Magiinat at babangon.

Sinisikap kong laging makapunta sa kapilya
Doon sa tahanan Mo'y laging nadarama
Ang pag-ibig mo at pagyakap sa akin sa tuwina
Doon sa tahanan Mo'y naidudulog lahat ng aking nadaramang sakit at problema

Hindi na po kami makapaghintay Ama
Nais na po naming makabalik sa mahal **** Iglesia
Kung saan itinuturo sa amin ang iyong totoo at mahahalagang aral at salita
Ngunit alam kong darating ang araw, kami'y muling magsasama samang sa Iyo'y sasamba.

Nagkaroon man ng isang pandemya
Ngunit hindi nito napigil ang aking pananampalataya
Narito pa rin at masigla
Tunay na maawain at magpamahal Ka.

Kahit sa aming sambahayan ay iginagawad pa rin ang pagsamba
Sapagkat hangad naming Ika'y bigyan ng papuri at awitan ng kanta.
Ang laging panalangin ay 'wag sana kaming kalilimutan, o Mahal kong Ama
Kaming Iyong hinirang na sa Iyo'y lubos na nagtitiwala.

Nasasabik na ang puso't kaluluwa ko
Ang magpunta sa tahanan Mo
Sa madaling araw na pagsamba
Bumabangon ng maaga at mapapasabing,
"Oras na upang maghanda, hinihintay na ako ng Ama."
unnamed May 2017
Ito na nga ba ang huli
Mapuputol na ba ang tali
na naguugnay sating mali
Pwede bang maulit pang muli?

Ang hirap matanggap
Mas lalong mahirap magpanggap
Kahit anong takip halata pading hirap
Ang mga sakit di ko na kaya pang humarap

Humarap sa laro ng panahon at tadhana
Nagtulong pa silang dalawa para sakin ipadama
Ang sakit na tuwing ako ay madarapa
Sugat mula tuhod tagos hanggang kaluluwa

Malalim pa sa malalim ang iiwanan mo sakin
Durog pa sa durog ang puso ko’y nag mistulang buhangin
Di mo na gugustuhin pang kilalanin
Sapagkat kailanmay di mo ako kayang piliin

Noong ika'y nilalamig, ako ang iyong nagsilbing init
Kapag takot ka sa bukas, ako sayo ang unang sisilip
Ginawa ko naman ang lahat
Pero bakit di pa din sapat ....

kasi ika'y mawawala na
Nawalan na ng gana ang tadhana
Matapos nya akong bigyan ng pag asa
Bigla bigla ka ring mawawala na

Sana makabalik pa ako sa punto
na hindi ko sinubukang matuto
Mag-isip at gumawa ng tula para sayo
Dahil wala namang magiging tayo

Wala na bang bisa aking mga dalangin
Tinatangay lang ba lahat ng hangin
Ngayon mawawala na sakin
Ang kailanma’y di naging akin.
Para sa mga umibig na mayroon ding iniibig.

— The End —