Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
VJ BRIONES Aug 2018
Tula: Takbo


Gusto kong tumakbo
Ng malayo
Kahit saan
Kahit hindi ko alam ang lugar
Kahit walang kasiguraduhan
Kahit maligaw sa mga kantong nalampasan
Para lang matakasan ang lahat
O ang nakaraang gustong lipasan
Tatakbo ako ng malayo
Kahit sa kalsada ay mabangga, matumba pero sa huli ay tatayo pa din
Na may nakalagay na
bawal dumaan dito
Marami nang namatay dito
Hindi ako matatakot
Hindi ako hihinto
dahil Tatakbuhan ko ito



Gusto kong tumakbo
Ng malayo
Kahit saan
Para makadiskubre ng bagong daanan
Para may makitang mga bagong lugar na pwedeng nating puntahan
Kahit abutin pa ng magpakailanman
Abutin ng gabi
,madaling araw
,o kinabukasan pa yan
Tatakbo parin ako
Kahit Tulog na ang lahat
Nagpapahinga at nananaginip
Ng mga pekeng pantasya
at ako ay tumatakbo pa
Gising sa katotohanan at realidad
Hindi parin tumitigil
madadaanan ang mga nagtitinda
sa kalsada ng balot at iba pa
Dahil may gusto kong takasan
May gusto kong puntahan
Kaya ako tumatakbo


Gusto kong tumakbo
Ng malayo
Kahit saan
Kahit mauhaw pa at matuyuaan
ng lalamunan
Hahanap ako ng tubig
Para mabigyan ng bagong sigla
At manatiling malakas
sa takbo ng buhay
Hindi ko ipapakita
na ako ay pagod na
Hinihingal
Hinahabol ang hininga
Hindi na ako magpapahinga
Iinom lang ako
at ipagpapatuloy ko ang aking takbo
Kahit mapuno pa ng pawis ang aking likuran
Mabasa ang aking buong kasuotan
Dahil tatakbo ako
Hindi ako hihinto
Hindi ako mapapagod
Hindi ako magpapahinga
Gusto kong tumakbo
Gusto kong tumakbo
Gusto kong tumakbo


Ayoko nang tumakbo
Gusto ko nang magpahinga
Pagod na ako
Hihinto na ako
Dito lang nalang ako
At Haharapin
Hindi tatakasan
Hindi tatakbuhan
Dahil marami na akong nalampasan
na lugar
kalye,
Kanto,
Kalsada,
Nalampasang pagsubok,
problema,
Hamon,
Pagod,
Na aking hinarap sa aking pagtakbo
Hihinto
At
tatayo
at magiging handa
Para sa pagdating ng bagong simula
Handa na ako
Handa na ako
Hindi na ako tatakbo
kahel Feb 2020
sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya
hindi ko nakakalimutan sabihin ang mga linyang ‘to: “ikaw ang pahinga ko”

pahinga ko pagtapos ng mahabang araw makipagsapalaran sa buhay at para makahabol sa liga
pahinga ko habang naglalakbay mula timog hanggang hilaga
pahinga ko upang mapaalala na ang bawat pagkakataon na makasama siya ay mahalaga
pahinga ko dahil napapakalma niya puso’t isipan ko nang walang bahala

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
ako pala yung unang kakapusin ng hininga,
boses ko’y di na madinig sa sobrang hina,
mag-isa tuwing gabi at ang tanging katabi ay pangamba,
habang nakatitig sa sapot sa kisame na gawa ng gagamba


ngayon,
napagtanto ko na sa mga panahong kinailangan ko siya para maging kalakasan ko,
siya din pala ang magiging dahilan ng kahinaan ko

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
hindi ko namalayan na pa kunti-konti na akong hinihingal,
bumabagal,
na-uutal,
umaangal,
nawawalan ng tamang asal,
nakakalimutan ko na nga din ata mag-dasal.


nakakapagod din pala ‘no?
magpaalala palagi,
kahit na hindi ka maalala,
kaya pahinga muna ako,
kahit ngayon lang,
hihiga muna magpapahinga upang makahinga.
nakakapagod, mapagod.
051416

Nauuhaw ako
Bitak-bitak ang lalamunan
Sabay lunok, iba ang indak ng tag-init.

Humiling ako
Sa bulsang gula-gulanit
Sa retasong sando
Sabay hanap sa munting kaluping
Singit sa maingay na sapatos.
Siyang nakikipagtagisan ng laway
Sa putik na binubuhusan ng langit.

Muli, nauuhaw ako
Pero sana'y mapawi ito
Ng mahika't eksperimento
Ng itim na likidong kumukulo sa lamig.
Taglamig, taglamig na takipsilim;
Yakap ko ang kapoteng maitim ang tagiliran.

May karatula sa kanto,
Kaya't napasugod ako sa pagkasabik.
Tangan ko pagbalik ang litro.
Magaspang ang mga kamay
Kaya't makapit ang bote sa mga daliri.

May karatula sa ikalawang kanto,
Tatlong kulay, pero hindi matukoy
Gabi'y makasarili, walang nais na kahati.
Ulap ay hinawi, kabiyak ang buwan at bituin.

Isang bloke ng yelo,
Yelong pinira-piraso
Binasag sa sementong kwadrado
Pahaba't may mga bumbilyang mamatay din.
Isang ihip lang ng hangin, lagas ang liwanag.

Isang basong walang laman,
Walang bahid ng pagsabon
Buhat sa mga nakasalansang na pagkatao,
Iba't iba ang pwesto,
May kanya-kanyang tambayan.
Tuluyan silang naging tambay na lamang.

Nauuhaw ako pero hindi ito napawi,
Mga kalapating pumapagaspas sa himpapawid,
Senyas pala ng paglisan.
Musikang hele patungong langit,
Pagtulog ko'y pahimbing nang pahimbing.

Nauuhaw ako, nauuhaw na naman ako
Pero pauwi na ako sa Tahanan,
Doon na makaiinom, magpapahinga na ako.
Paalam.
(Madalas, pag gabi, naghahanap talaga ako ng Coke kasi iba pag gumuguhit sa lalamunan. Trial tong tula na to, dapat kasi about sa pagkauhaw lang sa coke but while writing this, I just saw a story of a beggar na gustong makatikim ng softdrinks. Yes, medyo tragic kasi he ended up dead but death was a new beginning for him. Also, I salute those people who tries their best to pursue in life, but let's all be reminded na minsan, we seek too much, Sometimes, we crave for something coz we wanna try it. Yung kaya nating ibigay ang lahat for that certain thing but at the end, we may found something else and sometimes, it's worse or worst. Be careful lang. Saka, sa mga katulad ko, hinay-hinay sa softdrinks, Wag na hintaying magka-UTI ka. God bless at alagaan ang sarili!)
cherry blossom Aug 2017
nakita mo ako noon na umiiyak
may nakawala na naman sa higpit ng aking paghawak
hinawakan mo ako noon sa balikat
nakita mo sa mga mata ko
wasak ang mundong kinatatayuan ko
ginawa **** dahilan ang pangyayaring 'yon
para bigyan ako ng pangalan sa buhay mo

Kinupkop mo ako.

pinasilong sa iyong payong
pinayungan mo ako nang akala **** naiiba ako
hinagkan mo ako
pinangalanang "tapat"
tinanggap ko ang alok **** payong
nananabik sa pagtanggap
pagtanggap
isang bagay na pinagkait ng mga kamay na nakawala

Nananabik ako.

kinilala mo ako
binasa na parang librong daladala mo araw araw
naging interesado sa kada buklat ng pahina

Naiintindihan mo na.

lubos ang saya nang makita kitang nagbabasa pa
nananabik akong matapos mo
kilalanin mo ako ng buo
itago sa kung saang lugar na wala nang makakaabot
bigyan mo ako ng rason.

ayan na, malapit ka na sa kabanata
kung saan bumitaw sila
tatlong pahina na, magtiyaga ka sana
dalawang pahina na lang, huminga ng malalim
isang pahina---

saglit, bakit hindi mo pa binubuklat sa huling pahina?

"magpapahinga muna", yan ang sinabi mo
ayos, para may lakas ka para harapin ang kabanata ko

Maghihintay ako
at naghihintay pa rin ako
nakatunganga ako sa labas ng kawalan
hinihintay ang pagbabalik mo
ilang beses ka nang nagpalakad lakad sa harap ko
hindi mo ba ako nakikita?
hindi ka na bumalik
hindi mo na sinubukang bumalik

wala ka pa nga sa kadiliman ko
hindi mo na kinaya ang kwento ko
at muli kitang nasilayan, tumingin nang walang pagsisisi
08/10/17
Para kay
Pusang Tahimik Mar 2019
Sa huling sandali na nag-aagaw hininga
Ang kaibigan kong hirap sa paghinga
Pilit na nagsalita sa aking tainga
"Paalam kaibigan ako na'y magpapahinga"

Butas ay pilit kong tinatakpan
Ngunit malubha ang kanyang tagiliran
At sa bawat sandaling hindi mapigilan
Kaibigan ko'y unti-unting binabawian

Nagpalinga-linga walang mahingian
Sigaw ay tulong pakiusap ko naman!
Nagbadyang tumayo ngunit kanyang pinigilan
Ako'y hihingi ng tulong. "Sandali, manatili ka na lang"

Pag dilat ng mata ay aking nasaksihan
Kaibigan ko'y nakahimlay na duguan
Lalaki'y kumaripas sa kawalan
At kami'y naiwan sa gitna ng daan

Sa kanto kami ay napadaan
Siyay bahagyang nasa aking unahan
Isang lalaking tumatakbo mula sa likuran
Sa isang iglap nalaho ang aking kamalayan
By: JGA
(Tip: Read from bottom to top)
Gusto kong hawakan ang mga kamay mo sa mga oras na natatakot ka sa ideyang baka mapagod ako sa'yo, gusto kong hawakan ang mga ito upang iparamdam sa'yo na mapagod man ako, mahal, magpapahinga lang ako pero babalik at babalik ako sa'yo.

Hahalikan kita sa mga oras na nalulungkot ka pagkaraan ay ngingitian kita upang masiguro ko na magiging ayos lang ang lahat dahil hindi ka nag-iisa. Kasama mo ako sa bawat saya, sa bawat lungkot, sa bawat hinagpis, sa bawat araw, sa bawat oras, mahal, tutulungan kita sa bawat problemang maaari **** pagdaanan.

Hayaan **** yakapin kita sa mga oras na para bang hindi mo na kayang hawakan sa mga palad mo ang mga problemang dinadala mo. Hayaan **** yakapin kita, gusto kong nasa mga bisig kita habang tinutulungan kitang dalhin sila. Mahal, lagi **** isaisip na hindi ako bibitaw gaano man kabigat ang mga dalahin na maaari **** ibigay sa akin.

Hahaplusin ko ang mukha mo at sasabihin sa'yo kung gaano ka kaimportante sa buhay ko. Problema lang sila, magkapareha tayo na nangakong kahit na anong unos, kalamidad, delubyo ang magdaan, hindi tayo susuko. Mahal ko, kayang-kaya nating pagdaanan ang lahat ng ito.
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.

Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?

Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?
Mae Feb 2019
lumulubog , lumilitaw.
ang mga nararamdaman.
di maipaliwanag,
tila'y unti-unti nang nawawala.

sisikat ang araw.
aasahang babalik balang araw.
lulubog na ito,
at mag papahinga na ako.

pasyensya ngunit hindi na kaya,
ang mundo'y hindi na na awa.
ako'y mag papaalam na.
at ako'y magiging malaya na.
a tagalog poetry.
Andito na naman ako sa pagitan
Sa pagitan ng ating pinagsamahan
Ayoko na ba? O itutuloy ko pa?
Susuko na ba? O magpapahinga?

Hindi ko alam ang nararapat
Pero alam ko ako'y tapat
Sa pag ibig na sayo ilalapat
At ako'y magiging tapat

Mahirap pigilan
Pero sinusubukan ko naman
Dahil walang patutunguhan
Hindi pang sawalang hanggan

Pero alam mo nakakapanghinayang
Yung samahan natin baka masayang
Yung samahan na pagkakaibigan
Na hindi magiging pang kaibigan

Andito naman ako sa pagitan
Ang isip ko ay nagpapalitan
Puro salitang nagtatalastasan
Mamahalin pa o bibitawan?
O, pluma kong kay rikit
siyang saksi sa'king hirap at sakit
siyang sumpungan sa paghihinagpis
kaibigang kung dumamay ay walang mintis

Sayo'ng piling akong aluin
sama ng loob ko'y hilumin
mga duda't alilangan ko'y pawiin
pag-iimbot ko'y tulungang palipasin

O, plumang mapagtiis
patawad sa aking pag-alis
Mga mata'y kailangan imulat
Isipan ko'y magpapahinga muna sa lahat

Aking kaibigan
aking natuklasan
bawat tinta'ng iyong iniluluha
tila ay isa ring pika

Mga salitang aking isinusulat
ay tila pika na nahambuhay na nakamarka
sa isang pirasong papel
ginugunita, inaalala bawat kasawian

bawat hinagpis at pagpupuyos ng kalooban
mgapikang nagpapaalala, muli't muling sumusugat
sa puso't isipang gustong makalimot
kaya't ika'y kailangang iwanan, aking kaibigan

masakit man sa kalooban
ngunit, marami akong gustong kalimutan
sa'king patuloy na pagsulat
sa muli't muling pagbuklat ng mga aklat

ako'y tila muling buamabalik
sa mga panahong puno ng hinagpis at pasakit
kaya ika'y iiwan
pagkakaibiga'y kalilimutan

paalam aking munting pluma
salamat sa pagdamay at sa magagandang gunita
kay bigat ng aking damdamin
sa paglipas ng panahon ako sana'y iyong magawang patawarin
Gamaliel Jan 2021
///
Paano ko pa sasabihin kung kailangan ko ng limutin? Pati panahon na aking inaasahan, aking kalaban. Malayo ka. Malaya ka.

Bakit hindi na lang ako? Siya ba ang itinadhana sa iyo? Masaya ako para sa iyo. Dalangin ko ang kaligayahan mo. Pero bakit hindi na lang ako? Mapait ang panlasa ko. Nasasaktan ang puso ko. Kalungkutan ang baon nito. Itatago at iingatan na lang mga ngiti mo. Hindi ko na alam kung saan ako patungo.

Alam ko, mag-aalala ka para sakin. Alam ko, malulungkot ka para sa atin. Huwag na. Ako na lang para sa ating dalawa kaya awat na. Huwag mo sanang isipin na isang kasalanan. Hindi ko rin naman malaman. Basta na lang naramdaman. Gusto ko namang iwasan. Gusto ko namang pigilan. Ano bang dahilan? Mayroon ka bang kasagutan? Paano, mauuna na ako sa katapusan.

Tiyak ko, lubos ka niyang pahahalagahan. Nakikita ko naman ang inyong pagmamahalan. Mas madalas man na ako ang lisan at ang pag-ibig ko ay di suklian, marami na rin ang aking iniwan at tinalikuran. Nawa'y ang lahat ng ito ay di mo na maranasan. Kung maipapangako niya lang sana na di ka sasaktan at pababayaan. Oo, kusang-loob na bibitaw, kahit pa pumanaw.

Alam ko, isa lang naman akong kaibigan. Hinahanap ko lang rin naman ang mga kasagutan. Parehas natin gustong maintidihan. Alam ko, ako'y iyong papakinggan. Tulad ko sayo, ikaw, ay aking kaibigan. Wag mo muna akong talikuran. Maari kayang dahan-dahan? Ngiti ka muna at ako'y pagbigyan.

Hindi ka mawawala sa aking hiraya kahit papunta ka at mananatili sa piling niya. Kung bakit ba naman sa pagkakalayo nating dalawa kita unang minahal at ninais na makasama. Kung bakit ba naman sa iyong pananahimik natuto ang puso ko na umibig nang may pananabik.

Ikaw naman ang mauna sa ating dalawa. Dito na lang muna ako, tatahan at magpapahinga. Maghihintay pa rin sayo at hindi susuko. Kapag dumating ang panahon na mangulila ang iyong puso, bumalik ka sakin na tumatakbo at nagmamadali. Sabay na tayong magsisimulang muli at iiwan itong ating dulo.
Simula sa Dulo
AKO
Nakakapagod din pala maging ako.
Nakakapagod din pala maging ok araw-araw kahit minsan ang bigat-bigat na.

Nakakapagod din palang ipakitang kaya mo kahit ang totoo nanghihina ka na.

Nakakapagod din palang ikaw lagi ang nagbibigay kahit walang wala kana.

Nakakapagod din pala salohin lahat kahit alam **** pag ikaw ang bumagsak walang kusang sasalo sayo.

Nakakapagod din pala iparamdam yung pagmamahal  kahit alam **** d ito nasusuklian ng sapat.

At higit sa lahat Nakakapagod din pala ang mapagod na hindi mo alam kung san o kanino ka magpapahinga!

— The End —