Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ako’y modernong karpintero
Sa henerasyong baon sa utang,
Hindi pa man isilang,
Ang kamalaya’y limot at simot na.

Puros kalyo ang latay
Sa pares na kamay
Na ang sigaw ay pagbabago
Diktahan man kahit demokrasya pa,
Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.

May direksyon ang pagdisenyo
Pahalang sa kapwa-tao,
Samantalang ang kabila’y
Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa
Patungo sa ulap at bituin
Kung saan naroon raw ang Maykapal.

Narito ako sa kanilang tagpuan
Tatawid sa kalyeng hindi masilayan
Bingi sa sanlibutan
Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.

Narito ako,
Sa sentro’y may hanap-hanap
Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin.
Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan
Ramdam maging sa tadyang
Na akin daw ay pinagmulan.

Kung mararapatin lamang
Ng lupang minsa’y naging gintong bayan
Na pang-habambuhay siya’y lisanin
At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.

Walang karapatan ang takipsilim na uminda
Pagkat ang Haring Araw
Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal,
Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.

Niyapos ko ang buhok
At pinahid sa mansanas, sa mangga’t
Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.

Ako’y tumakas
Tangan ang sandata ng buhay;
Pakuwari ko’y walang himagsikan
Ang siyang muling sisiklab
Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.

Puting papel at plumang walang tinta
Ang iniwan sa akin ng Ama
Hindi ko mawari sa paanong paraan ba
Maililimbag ang isusulat nitong pluma.

Ngunit ang tukso
Na madungisan ang pahinang puti
Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari,
Alam ko, balang araw
Mapupunan ito, hindi ng salita
Bagkus ng larawang sa sansinukob
Ay hahagkan ang bawat nilalang
Itatas muli ang bandila -
Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.

(5/23/14 @xirlleelang)
110916

Yugyugan, walang hele
Galit at poot, walang tuldok.
Bayan, Bayani at Rebolusyon
Dugo, Latay at Krus.

Pintasan sa saradong Libingan ng mga Bayani
Pasismo'y binabali
Demokrasya'y katunggali.
Hampasan ng Hustisya,
Latay ng Pagtutuligsa.
Kalampag ng mesang panay barya
Sigaw ng paghain ng kamatayan.

Bukas ang Pintuang tila batong hinati
Uhaw, sawing-palad,
May luwad na dalamhati.
Di makilala, suyod nang kaladkaran,
Saboy ng pighati.
Walang bahid, walang bisa --
Hindi maramot ang May Grasya.

Negosyo sa pulitika
Kalakal ng mga salita.
Palimos nang makaraos
Lusong, tapon, salo at ahon --
Yan ang pagtatapos --
Isa, dalawa, tatlo
Tatlumpu't tatlong taon.

Inihanay ba Siya sa mga Bayani? Hindi.
Nalimot ba ang Kasaysayan?
Hindi.
Ang natatanging Kasaysayan,
Tanging Kristo ang tutuldok
Tanging Kristo ang saysay
Walang iba, tapos na.
Tumibok ang puso ko
Hindi dahil sa may hinihinga pa
Ngunit bunsod sa kaba.

Tumayo ako't humakbang
Narating ko ang entablado;
Hindi ko lubos maisip
Na ito na ang pangalawang beses
Na tutuntong ako't haharap sa madla.

Isang pribilehiyo
Salamat sa grasya ng Panginoon.

Panimula ko'y winaksi na sa isipan
Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya
Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.

Ang buhay ko'y minsang naging sakal
Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan
Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika
At tinawag na nasasakdal.

Isarado natin sa siyam na taon
Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman
Na tanging sariling latay ang nasasaksihan
Kilala ko Siya na may lalang sa akin
Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya:
Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya
Ngunit 'pag ayos ang lahat,
Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.

Sa siyam na taon
Ako'y binahiran ng itim na blusa
Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas;
Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao
At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.

Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama
At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon
Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan
At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y
Sunod lamang sa mas rurok
Ng saktong timpla ng pagmamahal.

Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita
Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel
At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.

Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya
Na kayang akayin ang buo kong pagkatao
At buburahin ang kamalian ng nakaraan
At maging ng ngayon at ng bukas.

Hindi ko alam kung saan paparoon
Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon
Ang puso'y mali rin ang naging direksyon
Maling galaw at mali ang naging layon.

Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona
Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga
Maraming organisasyon ang kinabilangan
Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas
At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.

Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao
At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma
Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas
Na ang minsang batong sinantabi't itinapon
Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.

Hindi pala ako magiging masaya
Kung ang sentro ko'y ang aking sarili
At nang ako'y palayain Niya,
Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao
Na nakilala ko ang sarili --
Kung sino ako't kung para kanino.

Wala na akong mahihiling pa
Mahirap man sa sansinukob na ito'y
Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ko kinalilimutan ang mundo
Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin
Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli
At hindi sapat na sumuko lamang
Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.

Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat
May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising
Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman
Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.

Muli, hindi ko kayang mag-isa --
Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay
Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa
Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon;
Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama
At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y
Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.

(6/28/14 @xirlleelang)
Angela Mercado Apr 2017
Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
sa rimarim na ito sa’yo’y walang sasambot
siyam, sampu
pipindot na sila sa gatilyo

Naaalala ko pa noong matiwasay pa ang lahat
tahimik bukod sa sipol ng hangin na rinig na rinig
walang ingay sa paligid
puti ang sahig – linis hanggang gilid

Naalala ko pa noon,
walang pangambang tahi
sa bawat isa sa t’wing pumapatak ang gabi
Madilim ang lansangan,
ngunit may liwanag ang daan
Di mag-aalalang umuwi,
‘di magugulumihanan

Naaalala ko pa
nung una silang pumindot sa gatilyo
Nayanig ang paligid,
nagulo ang tahimik
Tintado na ang sahig na dating puti
ng dugo mula sa bago nilang kitil.

Naalala ko pa noong nagpasabog sila ng bomba
Nabingi ang lahat sa ingay na likha,
mga tarantang mukha,
mga takbong halos ikadapa
mga matang labong labo na
ng mga luha

Naalala ko pa noong kinuha nila si itay
lupa raw namin ay ayaw niyang ibigay
pinuno ng latay,
inuwing akay-akay -
muntik na siyang mamatay

- walang kamalay-malay
na kami’y unti-unting pinapatay

ni walang panahong
makinig saming salaysay

May dugo

ang bigas
na iginagatong ninyo

May bakas ng dahas
ang pagkaing hapag sa kainan ninyo

Mga sigaw
na busal ng kasadong gatilyo

May namamatay na dito
makinig naman kayo!

Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
pipindot na sila sa gatilyo
Siyam, sampu
Anong silbi ng luha?
Kung papatak lang ito gaya ng ulan,
At gaya ng baha'y pagtatampisawan.

May iilang paslit sa Kalye ni Juan,
Nagbabangka-bangkaan
Paglaki nila'y dal'wa ang sinasagwanan.

Doon sa iskinitang panay basura ang laman,
Bisita nila'y araw-araw na kagutuman.
Iwinawagayway ang sarili,
Bentahan pala'y kanilang pagkakakilanlan.

Minsa'y nasaglit ako sa tindahan
Nang may matiyagang nakipag-usigan
Banta niya'y bubuwagin ang buhay
Ang latay ng bukas ay aangkinin nang ngayon
Titila rin daw ang buhos ng ulan,
Pang-lamang tiyan lang daw,
Bagkus dahas ang kikitil sa kasaganaan.

Ganoon na nga,
May mga nauudlot na kinabukasan
Pati istoryang panay nagtititigan.

Ngayon kasi'y
Pakalat-kalat na lang,
Iba na pati takbo ng isip,
Nakikilimos na lang
Baka may singkong duling man lang.
kingjay Dec 2018
Magtahi ng mga titik mula sa alibata
Ibalanse ang kataga
Ipakita ang sanhi
Sa hinaharap sana'y alinsunod
sa kagustuhang resulta
Sapat ang pagkinang ng bunga

Pinapagaan ng pakikidalamhati
ang tinamong latay
Hiram na hininga
Sa pag-usad ng rebolusyon ay na-iiwan dahil sa grabidad

Binansagan santwaryo ang periheo
nasa puntong humihiwalay ang umaapoy sa nagyeyelo
Taguan ng mga sugatan
pati na ang nagniningas na kalooban

Ang dangal ay naiga
Gustuhin man magbunyi
Hinihila pababa, parang natutunaw na sera
Nilalamon ng kadiliman ang siga

Matutunan din sumipol sa masalimuot na tinatahak
Matwa sa bawat liwaliw
kahit man ay undas
Patuloy ang pamumunga sa ginintuang oras
Pipin Nov 2017
Kay liwanag na mga tala
Sa gabing walang pag-asa
Nakahundasay na mga latay
Sa lupa ko'y inialay

Dagundong ng mga bala
Patalim na pang-harana
Ang aming pamaskong handa
Para sa bagong noché buena

Alikabok na lumiliyab
Mga puwing na sumisiklab
Buhangin sa ilalim ng dagat
Sa balat ko'y namulat

Umagang kailan kaya mararanasan
Kung may bukas pang masisilayan
Ng aming pusong binubo
At winasak ng luha ng dugo...

— The End —