Hating-gabi na mahal, ikaw ay nasaan?
Naghihintay ako sa ating tarangkahan.
Taimtim na nanalangin sa iyong kaligtasan,
Gustong kitang masilayan kahit kabilugan ng buwan.
Madaling araw na mahal, wala ka pa rin.
Rinig na rinig ko na ang ungol sa labasan.
Nagbabakasakaling aking masaksihan,
Ang iyong pagdating mula sa gitna ng kagubatan.
Hating-gabi na mahal, ako'y takot na takot na.
Mababangis na hayop ay nagsimula ng naglipana.
Ang ingay ng uwak ay kaliwa't kanang namumutiktik,
Dinaig pa ang ingay sa piging ng isang bayan.
Hating-gabi na mahal, nagmamakaawa akong umuwi ka na.
Ako'y nag-iisa, walang kasama, at takot na takot pa.
Nararamdaman kong may mga matang nakatingin, uhaw na uhaw sila.
Sa bawat paghinga ko'y alam kong buhay ko ang kukunin nila.
Hating-gabi na mahal, nabuwal na ang pintuan.
Isang nilalang na may mahahabang kuko't matutulis na ngipin,
Ang nakapasok na't naglalaway, gusto na akong lapain,
Ngunit ako'y naging tulisan at hinarap ang kalaban.
Hating-gabi na mahal, tulungan mo akong puksain.
Ang halimaw sa bahay na handa akong patayin.
Naging matapang ako kahit walang alam sa pakikipaglaban.
Nakipagbuno, nakipagtagisan, at nakipagsaksakan.
Hating-gabi na mahal, ako'y kanyang nahuli.
Kinagat sa braso at kinalmot sa mukha ng walang pasabi.
Sa malalaking kuko niya'y lakas ko'y napawi.
Tumilamsik ang dugo, katawa'y nanghina, at ako'y nagapi.
Hating-gabi na mahal, ako'y parang kinakatay na.
Sa matutulis niyang ngipin, katawan ko'y pira-piraso na.
Hanggang sa tumitibok kong puso'y binunot niya,
At tuluyan na akong napapikit at nawalan ng hininga.
Hating-gabi na mahal, nakauwi ka na ba?