Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kael Carlos Jun 2018
Simulan natin sa katapusan nang taon,
Naging dahilan nang araw-araw kong pagbangon,
Naalintana ang palagiang paglamon,
At uminit ang Pasko nang kahapon.

“Napakaganda nang buhok mo”, aking bati,
Para sa minimithi kong binibini,
Pagmamahal mo’y sa akin’y biglaang sumapi,
Noon ko ipinagdarasal na makita kita’ng parati.

Humingi nang payo kung kani-kanino,
Upang manatiling aktibo’t ‘di mablangko,
Bagama’t ang kinauukalan mo’y malayo,
‘Di nagtagal, nagkaroon na din nang “tayo”

Araw-araw magkausap simula noong ikalabing-walo nang Enero,
Nagpatuloy hanggang Pebrero pati Marso,
Kadalasang naiisip kapag nag-iisa sa kwarto,
Hanggang sa eskwela, daanan, lansangan, lungsod, barangay’t baryo.

Naputol man ang ating koneksyon,
Hinding-hindi ka mawawala sa ‘king imahinasyon,
Ipinagbawal man upang turuan nang leksyon,
Sa araw-araw ang pag-ibig mo’y aking binabaon.

Pinaghigpitan man’y iginagalang ko
Ang desisyon at pagmamahal nang mga magulang mo,
Sa ika-dieciocho ka pa daw pwedeng magka-novio,
Nag-atubili, sumagot ako nang “opo”.

Lahat daw nang inaantay at pinaghihirapan,
Ay mayroong napakalaking kahalagahan,
Kahit alinma’y sakit ay aking ginampanan,
Upang sumunod lamang sa natatanging kasunduan.

Kaya nandito ako ngayon,
Na may pagmamahal at may mga pagtitiis na naipon,
Nanabik sa pangako nang kahapon,
Sa pangakong uuwi ka sa iyong selebrasyon,

Ngayong ika-siyam nang Pebrero,
Nais kong malaman mo na pag-ibig ko sayo’y ‘di magbabago,
Nag-intay, nagtiis, nahirapan, ngunit ‘di napagod,
Dahil umaapaw ang pagmamahal mula labas hanggang ubod.
Ika-labingwalo
winnerrdrop Jun 2015
Naisip ko na parang buhay pasada ang ating istorya.

Ikaw ang pasahero, ako ang tsuper.

Ganito ang senaryo; nakita kita sa kalsada di alam san pupunta.

Ako naman si tanga hinintuan ka kahit dika naman pumara.


Sumakay ka; gaya ng iba.nasa mukha mo yung salitang "Bahala na".

Diretso lang ako sa pag maneho. di mo parin sinabi kung san ka pupunta.

Kita naman sa karatula kung san ang aking ruta, inisip ko baka alam mo na.

Sa gitna ng byahe, mukhang nalibang ka na, kaya pasikat ako sa arangkada.


Halatang bago lang sayo yung dinadaanan, may tingin at may pangangapa.

Ayos lang yan sabi ko. Kabisado ko to. ako'ng bahala.

May mga sandaling napapakwento ka, Siguro dahil na rin sa palagay ka na.

Mukhang nakalimutan ko na yung ibang pasahero. Pakiramdam ko tayo lang dalawa.


Sa wakas, naitanong ko kung san ka ba talaga pupunta?

Kasi, 'haba na ng byahe mahirap na baka maiuwi kita.

Biglang Nawala yung ngiti mo sa mata. Para kang may naalala.

Dimo ako sinagot. Bigla kang pumara.


Di ko alam kung natakot ka ba? o ang pamasahe mo e kulang pa?

Ayos lang naman akong ilibre ka. Basta maihatid kita.

Aaminin ko, nung tinanong ko kung san ka pupunta,

Napadasal ako ng konti na sana sabihin mo, "Ikaw, saan ka ba?"


Naiwan ako nakahinto sa kalsada. kasi nagulat ako nung tumakbo ka,

Tinawag kita pero lumiko ka na sa madilim na eskinita.

Napakamot ako sa ulo at napailing. Ako ba ang may problema?

Di ko tuloy alam kung babalik ka. kasi kaya kong mag intay pa.


Pinaandar ko ulit yung jeep. nagmaneho, nag maniobra.

umikot, luminga linga. wala ka na.

Hahanapin kita. madilim na.. bukas baka bukas.

Kung san kita nakita nung una, baka doon ka pumara.
Written in Filipino
Michael Joseph Nov 2018
Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinadamdam mo ang lamig ng kahapon, ang paglisan
minamasdan ko sa layo ng araw ang iyong halina

Mahirap mag-intay sa ilap ng mga sulyap,
tanglaw sa tuwing naghahanap-kayakap
sa mapangakit na halina ng mga ngiti sa labing
malabong magdikit kahit sa pangarap

Sana’y sapat na ang mga awit
ng mga tulang binigkas sa hangin,
nagbabakasakaling maipadama ang lalim
at tugma ng pag-ibig na nilihim

Sa gabi, mag-isa na naman at dama ang lamig
yakap ang unan, hawak ang kumot
nag-iilusyong kasama ka

Sana’y maulit muli ang sumpa
sana’y walang takot sa halina
‘pagkat sanay na tayo sa lamig ng gabi
alam na natin ang ingay o init
at takot na tayong mabighani

Sa umaga, mag-isa na naman at dama ang init
masaya na sa halik ng kape sa labi
nag-iilusyong kasama ka.

Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinamdam mo ang lamig ng kahapong kaysakit
ninamnam ko ang tamis ng kalayaan sa pasakit

sana’y tanghali nalang tayo nagkapiling
sana’y di pa sanay o manhid sa pag-ibig.

Tadhana
Michael Joseph Aguilar Tapit
6/19/2016

— The End —