Walang eksaktong kahulugan ang buhay, ang buhay ay buhay ganun lang kasimple yun, walang itong drama at lalong hindi kumplikado. Masdan ang galaw ng kalikasan. Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog ito pag hapon na. Ang buwan ganun din sumisinag ito sa pagsapit ng gabi at nagkukubli pagdating ng bukang-liwayway. Ganito rin ang mga bituin, lahat sila kumikilos nang ayon sa kanilang galaw at katalagahan. Kumbaga sa musika rock sila pero simple lang. Kalmante lang ang dagat pero minsan maligalig din s’ya kung kinakailangan. At ang hangin walang humpay sa kanyang pag-ihip.
Walang kahulugan ang buhay sapagkat tayo ang gumagawa ng kahulugan ng sarili nating buhay; tayo ang lumilikha ng sarili nating kasaysayan. Tayo ang pumipili ng sarili nating kahulugan. Doktor ka ba? Manggamot ka nang buong husay, sagipin mo ang maraming buhay. Sundalo ka ba? Makipaglaban ka nang buong giting, ialay mo ang buhay mo para sa bayan. Nagsusulat ka ba? Magsulat ka nang buong puso nang magliwanag ang isipan na malabo. Kung ano man ang napili mo’ng gawin, gawin mo ito nang buong galing. Kung umiibig ka naman, umibig ka nang buong tapat at iaalay mo sa iyong sinta ang lahat. Maging mabuti ka sa kanya, mahalin mo s’ya nang higit sa lahat.
Walang kahulugan ang buhay, ‘wag mo itong hanapin sa relihiyon dahil wala ito roon. Panay kaulolan lang ang matutuhan mo sa mga nagbabanal-banalan at nag-aaring ganap, na kung umasta at magsalita akala mo ay kahuntahan nila ang Diyos. Wala rin ito sa pamahalaan at mga lingkod bayan kuno, lalong wala ito sa dami ng yaman.
Walang kahulugan ang buhay tulad sa isang tapayan na walang laman kailangan mo itong sidlan. Hindi bukas kundi ngayon ang panahon ng pagsalok ng kaalaman at karanasan kaya ‘wag mo itong sayangin. Walang kahulugan ang buhay ‘pagkat ang buhay ay isang kawalan na kailangan mo’ng punuan. Tulad ito sa blankong papel na kailangan mo’ng sulatan. Isang hiwaga na kailangan ikaw ang tumuklas. Walang kahulugan ang buhay basahin mo man ang lahat ng aklat at kahit pakinggan mo pa ang lahat ng talumpati sa mundo hindi mo ito makikita.
Walang kahulugan ang buhay ‘wag **** pagurin ang sarili mo sa paghahanap nito. Ang kahulugan ng buhay ay nand’yan sa loob ng puso mo. Kung saan ka maligaya naroon din ito. Aanhin mo ang maraming diploma at pagkilala kung hindi ka naman masaya? Ano’ng saysay ng mga palakpak kung huhupa rin pala ang mga ito? Hindi mo makikita ang kahulugan ng buhay sapagkat kailangan na ikaw mismo ang gumawa nito.