Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Angela Mercado Apr 2017
Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
sa rimarim na ito sa’yo’y walang sasambot
siyam, sampu
pipindot na sila sa gatilyo

Naaalala ko pa noong matiwasay pa ang lahat
tahimik bukod sa sipol ng hangin na rinig na rinig
walang ingay sa paligid
puti ang sahig – linis hanggang gilid

Naalala ko pa noon,
walang pangambang tahi
sa bawat isa sa t’wing pumapatak ang gabi
Madilim ang lansangan,
ngunit may liwanag ang daan
Di mag-aalalang umuwi,
‘di magugulumihanan

Naaalala ko pa
nung una silang pumindot sa gatilyo
Nayanig ang paligid,
nagulo ang tahimik
Tintado na ang sahig na dating puti
ng dugo mula sa bago nilang kitil.

Naalala ko pa noong nagpasabog sila ng bomba
Nabingi ang lahat sa ingay na likha,
mga tarantang mukha,
mga takbong halos ikadapa
mga matang labong labo na
ng mga luha

Naalala ko pa noong kinuha nila si itay
lupa raw namin ay ayaw niyang ibigay
pinuno ng latay,
inuwing akay-akay -
muntik na siyang mamatay

- walang kamalay-malay
na kami’y unti-unting pinapatay

ni walang panahong
makinig saming salaysay

May dugo

ang bigas
na iginagatong ninyo

May bakas ng dahas
ang pagkaing hapag sa kainan ninyo

Mga sigaw
na busal ng kasadong gatilyo

May namamatay na dito
makinig naman kayo!

Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
pipindot na sila sa gatilyo
Siyam, sampu
Bryant Arinos Aug 2017
Sinaktan, pinuruhan, sinapak at sinikmuraan,
tinutukan ng baril, tinakot bago pinatakbo.
Sinigurado ang pag-asinta sabay kalabit sa gatilyo.

Pagkatapos ng gabing iyon, di lang isa ang namatay
isang pamilya ang ninakawan ng kaaway.
Anong motibo mo sa pagpatay?
Anong gusto mo bakit ka pumapatay?

Nasa posisyon ka pero bakit mali ang paggamit mo sa kapangyarihan mo?
Ikaw ang naaangat pero bakit ikaw pa tong namiminsala sa bansa mo?
Nasa mas mataas kang upuan at kalagayan pero bakit tingala ka pa rin ng tingala?
Halatadong di mo pinapansin, ay mali, halatadong wala kang pake sa mga taong nahihirapan sa baba.

Tapos ka na ba sa ginagawa mo?
Ilang pamilya na ba ang nabawasan mo ng bilang?
Ilang sanggol na ba ang hindi naisilang ng tama dahil sayo?
At ilang pangarap na ba nagnawala kasama ng nangangarap nito?

Kelan pa ba matatapos ang pwersahang pagkitil ng buhay sa bansa ng pilipinas?
Matagal na tayong nahihintay ng kapayapaan pero kasabay rin nito ang paghawak ng baril sa kanang kamay.
Pakiramdam ko ang kalayaang mamili ay nawala na sa kamay nating lahat
Dahil mismong kagustuhang mabuhay di natin makuha.

Wag nang hintayin na bumaliktad pa ang bandila ng Pilipinas

Bangon Kabataan
Gising Kababayan
itigil na ang patayan
****-usap subukan naman nating magmahalan.
Jose Remillan May 2016
44
Naihasik na ang luhang dugo
Sa tigang na lupa ng ating mga ninuno.
Mga alingawngaw na daing,
Mga daing ng gatilyo,

Sanlaksang katotohanan, kayo'y
Hindi mga bayani, bagkus mga
Biktima ng huling uwak ng
Takipsilim, unang kalapati ng

Bukangliwayway.

Sanlaksang katotohanan, kayo'y
Hindi mga bayani, bagkus mga
Moog sa pedestal ng idelohiya't
Pananampalataya ng digmaan.

Naihasik na ang luhang dugo
Sa tigang na lupa ng mga Pangako.
Bryant Arinos Aug 2017
"Napakaraming tao dito sa atin ngunit bakit tila walang natira"

dug dug dug

Bubuksan mo ba to o hindi?
Pag di mo to binuksan pwersahan kaming papasok!

Tatlong katok muli

Pagkatapos isang tadyak sa pinto ang gumising sibilyan na natutulog sa kama mag-isa.

Pagkapasok agad,
Sinaktan, pinuruhan, sinapak at sinikmuraan
Tinutukan ng baril, tinakot bago pakunwaring pinatakbo.
Sinigurado ang pag-asinta sabay kalabit ng gatilyo.

Patay ang hinihinalang druglord sa kanto.

Ngunit pagkatapos, walang patunay na nahanap.
Isang maling pagpatay nanaman ang naganap.

Pagkatapos ng gabing iyon, di lang isa ang namatay.
Isang pamilya ang kinunan ng walang kamalay-malay.


Kung sino pa ang nasa posisyon iyon pa ang mga kaaway ngayon.
Kung sino pa ang nakakangat, siya pa tong namiminsala ngayon.
Nasa mataas nang upuan pero hangad pa rin ay pag-angat.
Halatadong di napapansin, ay hindi! Halatadong walang pake sa mga taong nasa baba.

Pinagmukhang sirko ang mundo, pinapasunod ang bawat tao na parang aso.
Inanyaya pa ang lahat ng madla ng parang ganito.

"Mga bata, matatanda! Halina kayo panoorin ninyo ang palabas naming inihanda at ipakikilala ko sa inyo ang mga kapwa ko sirkero. Na namamahala sa sirkuhang ito."

Palakpak
Palakpak, yan ang nais ng sirkero diba pagkatapos ng palabas?
Pero lahat ng mga tinuring ninyong hayop ay nakawawa at mistulang mamatay na. Ay hindi patay na, yung iba nama'y ginawa ninyong bulag na tagasunod.
At pag wala nang kwenta iiwanan sa daan para damputin ng iilan at buburahin ang mga bakas na naiwan.

Mga kamay nakagapos

Walang takas

Walang lakas

Pagkahimlay

Walang naiwang bakas.

Ang galing maglinis ng krimen, mismong nangakong maglalaan ng pagmamahal ay ang mismo ring sa bansa sumasakal.

Oo, sawa na ako sa tunog ng kampana sa tuwing magmimisa dahil may isa nanamang nawala.
Rindi ang tenga ko sa paulit-ulit na hiyaw, sa paulit- na hiyaw at sa paulit-ulit na hiyaw ng inang umiiyak sa libing ng nagiisang anak.

Kelan pa ba matatapos ang pwersahang pagkitil ng buhay sa pilipinas?
Matagal nang nangangakong magbibigay sila ng kapayapaan pero kasabay nito ang paghawak ng baril sa kanilang kanang kamay.

Mga kamay nakagapos

Walang takas

Walang lakas

Pagkahimlay

Walang naiwang bakas

Makabagong istilo ng pagpatay sa Pinas
Magpapanggap na tagapagligtas, pagkatalikod mo'y

Paalam Pilipinas ang huli **** mabibigkas.

"Napakaraming tao dito sa amin ngunit bakit tila walang natira?"

Pinapatay sila....
#StopExtraJudicialKilling
para sa Kidapawan*

Diktador ang makinarya.
Maringal ang langit. Walang ulan para
sa pasasalamat. Ang ating tanging pagkakakilanlan
ay pumapaimbulog sa bawat sugat na nagsara.
Muli nila itong bubulatlatin.
Hindi paham ang gatilyo.

Mabilis na matutuyo ang pangako
kung pawawalan ito sa katanghaliang tapat.
Tanaw ng nakabiting ulo ng araw
ang lahat ng nangamatay. Kasabay ng hangin
ang pagpapaluka. Hudyat ng ulan galing
sa ibaba – gigibain ang makapal na barikada
  ng katawan atsaka muling uuwi sa asawa’t anak
na may bahid ng pula ang kamay. Dulo ng kuko’y
kapiraso ng mundo. Itim. Hugis buwan. Ang pagputok
    ay isang rekoridang laging gumagapang patungo sa tugatog
     ng isang alala.

Dadalhin nila sa bingit ng pagpaparam
ang babasaging boses – ang mga bubog ay
isasaboy na lamang sa lansangan.
Lumalaon ay dumidiin ang bulahaw. Inutil
lamang ang pagtatalik ng kamay at bakal.
   Umusal na lamang ng dasal sa likod
ng kakahuyan at baka dinggin ng bathala
ang panayam. Walang iisang dilang tumatabas
  sa dahas.

kung saan sisimulang hanapin
ng mga mata ang isang lugar kung saan ang lahat
ay iwinawasto ng nakaraan ay lingid
lamang sa kaalaman.

bago mangapal ang dilim ay nilusong ng mga kalalakihan
ang nalalapit na katedral. Naghahabol ang papauwing liwanag
na masaksihan ang kabalintunaan.

wala silang nakita,
katawan lamang sa lansangan,
tinutubos ng kasaysayan.
Brent Dec 2016
Hindi ko na alam
kung saan ako mas magiging payapa
kung sa kalabit mo sa aking balikat
na malapit nang sumuko
o
kung sa kalabit mo sa gatilyo
na nakatutok sa aking ulo
hindi ko na alam

— The End —