Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AUGUST Oct 2018
Ang paligsahan ay nagumpisang magbukas
Ng mga piling kalahok kung sino ang pinakamalakas
Pinagtipon tipon sa labanang may mataas na antas
Ang gantimpala sa mananalo ay ang kapalaran ng bukas

Wari bang hamon ng buhay na tayong lahat ay kalahok
Sa paligsahang paunahang makarating sa tuktok
Kung sino ba ang makakalagpas sa mga pagsubok
At kung sino ba ang matatag at tunay na di marupok

Kaya wag hayaang tumiklop ang tuhod
Kahit sa panghihina ay dahandahang mapaluhod
Dapat kalimutan ang nararamdamang pagod
Dahil ang laban ay dumarating nang sunod sunod

Ibigay ang lahat ng makakaya
Magtiwala sa sarili, may magagawa pa
Wag mawawalan ng pagasa
Manatiling nakamulat ang mga mata

Sabay ibukas ang munting palad
Ano mang oras darating ang hinahangad
Tulad ng manlalarong naghihintay ng pasa
Nakasalalay ang puntos, kapag nahawakan ang bola

Ganun kahalaga ang bawat panahon
Di dapat pinalalagpas ang bawat pagkakataon
Yan ang aral na ipinapaalala nitong kompetisyon
At ang disiplinang nakapaloob sa isang kampeon

Sumigaw kahit gaano kaliit ang tinig
Di maglalaon ay tuluyan ka nilang maririnig
Habang ang tao’y may taglay na pagibig
May lakas na di padadaig kahit pang buong daigdig

Bumangon ilang beses man madapa….

Walang tagumpay sa pagsuko
Kaya laban lang ng buong puso
Ipakita **** ikaw ang nararapat
Sino man ang makatapat, bumalakid man ang lahat

Ang mundo ay isang parang laro
May panalo at may pagkabigo
Ngunit may karamay na kupunang sumasaiyo
Na magsasabing “Magkasama tayo, sila ikaw at ako”
By August E. Estrellado
Team 4 “Rendu”
kingjay Dec 2018
Yakapin ang suliranin ng muling pakikibaka
Bigat at layog ng bundok ay tiisin
Sa tuktok ay maghiyaw nang pagka-alwan
Sagot sa problema ay ang pangingibabaw sa bawat kapansanan

Buhawing humihigop ng munsing na pananalig
Madalian na hinihingi ang kapasiyahan
Sa pinto ng paglalayag
Isang pagsubok ang malakas na sigwa

Sa paglisan ng araw sa kalangitan
Sakripisyong di-maihahalintulad
Saksi ang mga bakaw
Tila pag-aasawa na nasa linya

Ang pagsasarili nito noong lumayo sa tahanan
Isinuko ang lahat nang bumukod
Sa pinangakuang liyag nakagapos
Bumago ang ihip ng Amihang hinahapo

Meron kasal-kasalan
Gantimpala ba ang matatanggap?
Nauuri sa hunghang na ehemplo
Sakim sa bagay na kinakaaliwan?
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Nyl Oct 2017
Tulala sapagkat walang ginagawa,
sa maghapong oras ay nagdaraan
Tulala sapagkat napapagal,
buong araw sa trabaho ay inilalaan
Tulala sapagkat sawi,
puso ay humahangos at puno ng pighati
Tulala sapagkat nabigla,
may gantimpala, sa mukha nakapinta ang ngiti

Ito nalang marahil ang tanging pahinga ng isip,
panahon na walang alintana
Masasabi mo nalang ang “bahala na” na nagmula pala sa pariralang “Kay Bathala na”
Ang pagtingin sa kawalan ay para ring
mahimbing na tulog sa gabi-
Gabing mga suliranin na ninanais mo nalang kitilin
at itago ang labi
At kahalintulad din nito ang bagong umaga na ang hudyat ay ang sikat ng araw-
Araw **** pagpapaalala sa iyong sarili na matapos ang unos, bahaghari ay lilitaw

Libu-libong berso at pangungusap na ang nagawa
para gunitain ang pag-ibig
Ngunit bakit bihira ang para sa isip na hindi ito naiisip,
isip na puno ng ibang ligalig
Ang literatura ba sa kanila ay sadyang mailap? Hindi inilaan sa kundiman
Kung hindi man, ay para saan?

Iwaglit na ang mga sapantaha,
sapagkat ang tulang ito ay nagawa na
Tula para sa mga tulala, tula para sa akin, sa iyo, at sa kanila
At hayaan **** ang isip ng isang tulala ay maglayag
Bagamat tahimik, tiyak na marami itong ipahahayag
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Live as if you were to die tomorrow. Learn as if you were to live forever.”
― Mahatma Gandhi


Malaking bahay, maraming pera at katakot-takot na mamahaling mga bagay-bagay. Ito ang pangarap ng marami at pinagsusumikapan ng halos lahat ng taong nabubuhay. Kunsabagay walang masama sa mga ito, ika nga libre lang ang mangarap. Pero hindi lahat ay pinagpala, hindi lahat nagkakamit ng pangakong gantimpala. Kaya nga may mahirap at mayaman. Habang may mga nagpapala sa initan ng kalsada may mga naka-de-kwatro na salaula at mga mapang-upasala sa loob ng aircondition na ‘kwarto.

Masarap maging mayaman, yun bang masagana at hindi kinukulang. Yung kahit anong oras ay ‘pwede kang mag-abroad, o di kaya naman ay kumain sa mga mamahaling restaurants kahit anong oras mo mapag-tripan. Tapos pag summer time na syempre maliligo naman dun sa Boracay. Foam Party sa gabi at katakot’takot na sosyalan sa buong magdamag. Sarap talaga ng buhay ng isang mayaman. Pero anong halaga ng lahat ng mga ito? Madadala mo ba ang laksa-laksang karangyaan na tinipon mo? Diba hindi naman?  

Karunungan, ito ang higit na mahalaga – higit pa sa kayamanan. Hindi katalinuhan na nakukuha sa mga aklat at natutunan sa mga mamahaling unibersidad. Ang maunawaan ang katuturan ng buhay mo yan ang importante sa lahat. Ang lubos na maunawaan ang mga hiwaga na nasa pagitan ng pagsilang at ng kamatayan ito ang tunay na kayamanan. Ang umibig at yakapin ang minamahal na parang hindi mo na makikita ang bukas. Katulad ito sa sanlibong sinag ng araw sa iyong puso. Ang makita ang paglaki ng iyong mga anak at makasama sila sa hapag tuwing oras na ng kainan. Ito ang mga tunay na yaman na walang katapat na halaga. Ito ang mga bagay na dapat nating pagsumikapan na makamtan.
solEmn oaSis Nov 2015
may saboy ang liyab kapag naidadarang,,
sa simoy at alimuom na di pahaharang,,
anumang sisidlan,,tining ay iindayog kapag umaapaw.
gaano man kalalim hukay,,pagtapak sa lapag mababaw.

""basura man nga sa paningin
meron din namang saloobin
bakit di kaya minsan ay buklatin
marahang hagurin bago simsimin .....""

yaong dapat ay apat,sa unang saknong nakasiwalat
tila bugtong-dugtong,pawang sa sahig ay nag-kalat
wag mabahala sa bawat isang paglamukos na tapon
may gantimpala sa bawat nakakuyumos na hamon !

huling bilang panlima,,,,,  lambing ang hiling  kaya 'wag iiling!
sa bawat nilalaman ng kuyumpit na papel minsan ay itinuring.
sa aking pagbabalik,ako'y nasasabik at di na nga nagpatumpik-tumpik
siphayo,simbuyo at silakbo!Ang mga ito'y bunga ng higit pa sa isang halik
Inspired by the poem --Give Me Love ni IGMS  its gonna make sense
Elizabeth Apr 2016
Sabi nila ngayon ay buwan ng mga makata, mga matatalinhagang salita, mga boses na nilikha
Ako ay umaasang batiin mo, sapagkat ang aking mga tula ay bakas ng iyong paglaho

Wakas.

Maraming sulat na pinadala, sa mga taong hindi kilala, nagbabakasakali lamang ako, na magkamaling sulatan ka
1700

Alala ko pa ang mga araw, na ikay pinagmamasdan, sapagkat ika'y isang gantimpala na hindi ko makakamtan

Marahil ako lamang ang naniwala, marahil ako lamang ang saksi, marahil nga'y binuo ka lamang sa aking guni guni

Sabi na nga ba!
Ako ay kulang, tila rosas na binili lamang sa daan, mula sa batang walang mapagbigyan, ako'y napagdiskitahan

lilipas ang araw
matutulog ang gabi


Dahan dahan akong inikot, binuhol nang binuhol, magaantay na lamang sa aking pagsibol
bukas, makalawa
*Ako ngayo'y rosas na sa iba
This poem was inspired by the dried up roses I have in my room. I was amazed on how beautiful and alive they still seem.
solEmn oaSis Dec 2015
sa
pagta-
tapos
ng aking
panimula,,,
hinde ko talaga
alam kung
kayo'y magtitiwala,,,
dahil hinde pa
ito ang wakas
ng unang YUGTO.**
Sa panahong,,,,minsan
kailangan nating MAGKALAYO
mga puso't isipan ay
pilit-muling IPAGTATAGPO
kung saan at kailan,,,,
siya nawa,,,,TADHANA ANG BAHALA!!!
" Ikaw Sila Tayo Ang Mga Bantayog Ayaw Yumabang "
mga pagkataong may pusong busilak
nagbibigay sa kapwa ng may galak
BATID NI BATHALA
regalo ang gantimpala



friends......less than
5 DAYS b-4 X'mas
supil ~~~ twirl
five-letter word
© copyright 2015 - All Rights Reserved
[8 of 12 marked voices of a dozen clusters of letters]
the real spirit of Christmas
is not all about those gifts
underneath that fine trees!
We must open our hearts
more than opening those presents!
Taltoy Apr 2017
Pagkakamali, pagkakasala,
Ano ba ang gantimpala,
Ito ba ay nararapat?
Ito ba ay sapat?

Ang kasalanan ay kasalanan,
Di na kayang baguhin ninuman,
Bagay na may kapalit,
Di kayang takasan kahit anong pilit.

Sapagkat ito ang mundo,
Batas ng supremo,
Nararapat para sa karapatdapat,
Hatol na kay tapat.

Huwag itanong ba't nagdurusa,
Ganyan talaga yan,
Dahil ang kasalanan,
Meron at merong kabayaran.
Kung kaya lang nating saluhin ang bawat hinagpis,
Ang bawat sentimong
Tinutunaw ng humahagulgol na kalangitan.
At kung kaya lang natin syang sabayan
Sa mga gabing tinutukso na sya ng antok,
Tinutuklaw papalayo sa nais nyang direksyon.

Ngunit hindi sya magpapaubaya’t
Mananatili syang gising
Na parang naghihintay ng panibagong panimula —
Ng bagong punlang ihahasik at ihahabilin sa kanya
Ng tinuturing nyang “mahiwaga.”

At balang araw ay darating ang kanyang gantimpala,
Pagkat walang ibang naging saksi
Sa bawat butil na isinisilang
Na sya mismo ang nakikiramay.

At sa bawat burol
Ay nauubusan na rin sya ng dahilan
Sa kanyang pagtatago at pakikipaghabulan.
Pagkat sya na rin mismo ang nagiging libingan
Ngunit sya’y tatahan at maghahanap ng tahanan.

Patuloy ang kanyang panlilimos,
Patuloy ang kanyang pagkauhaw,
Ngunit patuloy din syang umaahon —
Yayakapin ang sarili’t tatahan.
121622

Mga pangarap ay nasa alapaap pa,
Susungkitin gamit ang pagsisikap
Pag-asa at pananampalataya.

Minsan, hinahanap ko pa rin ang sarili —
Habang sa mga mata ng iba'y
Doon pa rin pala ako nananalamin.
At baka sa paligid ay naroon ang ligaya
Kahit alam ko namang
Isa lamang itong patibong.

May mga katauhang nagpapaalala saking
Gusto ko ring marating kung nasaan man sila.
O makihati man lang sa mga bituing
Nasa kamay na nila ngayon
Habang ako’y naghihintay pa rin
Sa sarili kong panahon.

Binabalot ng dilim ang aking puso
Bagamat ako’y lumalantad sa liwanag.
Naghihikahos at nangugusap
Ang damdaming namahay na sa parang.

Nakakapagod palang mangarap
Na tila ba ako’y pinaglipasan na ng panahon.
Tila ba wala nang tala para sa’kin.
Akala mo ‘yun na,
Kaya ibibigay mo ang lahat
Ngunit uuwi ka pa ring luhaan
Pagkat paulit-ulit ka na ring nasaktan.

Saan na nga ba ibabaling ang tingin?
Kung ang lahat ng pinto ay kusang sumasara…
Kung ang lahat ng balik ay pait at hagupit…
Kanino na nga ba magtitiwala pa?
Sa sarili ba o sa kanila?

Sa kabila ng bigat ng aking mundo'y
Nariyan pa rin ang Liwanag
Ni hindi Sya natitinag
Kahit ako mismo ang mang-iwan…

At kung ang Liwanay ay walang kapaguran,
Ay baka 'yun na rin ang dahilan
Kung bakit mas nararapat ko pa ring piliin
Ang pag-usad kahit pa nasasaktan.

At baka sa dulo ng Liwanag,
Ay naroon ang gantimpala
Na kahit ang mundong ito'y
Hindi makapagbibigay.
aL Mar 2019
Sa mabuting pakikipagbaka
Hindi makararanas ng sagana
Sa maayos na pakikipaguri sa kapwa
Hindi magbibgay sa iyo ng saya

Ang mabuting pagkatao ay hindi naghihintay ng gantimpala
Kaloob ng maykapal ang paggawa at pag isip ng tama

Kayrami ang mapalad sa mundong ibabaw;
Iba'y sagana sa yaman at salapi
Iba'y namamahal ng marami

— The End —