Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagsimula
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagkakakila
Sa una’y wala tayong pakialam sa isa’t-isa
Pero dumating din tayo sa puntong magkausap sa telepono mula gabi hanggang umaga
Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pinakilig ng iyong mga salita
Kung paano mo ako pinakilig sa bawat tingin mo sa aking mga mata
Akala ko sa libro at pelikula lang nangyayari ang ganoong mga eksena
Ngunit mali pala, pati sa totoong buhay nadadama pala
Tanda mo pa ba kung paano natin gamitin ang oras
Ang oras na tila limitado ay kailan man ‘di natin hindi inabuso
Kahit pa may pagsusulit sa klase kinabukasan
Pinipili natin na magusap at maglakad hanggang tayo ay pagsabihan
Tanda mo pa ba kung paano mo ako niyakap habang ako’y humahalaklak
Kung paano mo rin ako niyakap noong ako naman ay umiiyak
Tanda mo pa ba kung paano mo sabihin na mahal mo ako
‘Di pa ‘ko naniwala dahil aminado ka na ikaw ay sadyang mapagbiro
Tanda mo pa ba kung paano natin iniwan muna saglit ang barkada
Para lang sabay tayong bumili ng fishball o monay doon sa may kanto ng kalsada
Kay tagal nating naglalakad para lang dayain at mapahaba ang oras ng pagsasama
Pagbalik nama’y iilang piraso lamang ng fishball at monay ang dala
Tanda mo pa ba noong tayo’y magkasama sa gabi at naglalakad
Kamay mo ay nakakapit sa aking baywang sa pag-aalalang baka ako’y mawala
Kahit pa maglakad sa umaga, kamay mo ay nasa aking likod
Kahit saan mo man ilagay, tila lagi **** sinasabi ay “Lakad ka lang, andito ako.”
Tanda mo pa ba noon kapag may miting ng sabado sa eskuwela
Lagi tayong pumapasok ng mas maaga, isang oras bago ang natatakda
Ngunit hindi sa eskuwela ang ***** kundi sa parke nang makapaglaro saglit
Tapos pagbalik sa eskuwela ay tayo na lang pala ang wala sa silid, dahil nahuli pa rin.
Tanda mo pa ba noong tayong dalawa ang nag-representa
Tayong dal’wa ang lumahok para sa titulo at karangalan ng eskwela
At nang manalo’y lahat nagalak at sinabi na
Tayo muli ang lalalok para sa susunod na laban sa makalawa
Nakilala tayo sa ating galing, pati na rin sa kilig na ating inihatid.
Kaya naman pag sa kompetisyon, tayo ay naghigpit.
Ang dating magkasama sa lahat at magkakampi,
Ngayo’y biglang naging magkatunggali.
Tayo ngayon ay kinumpara sa ibang magkasintahan
Bakit raw sila pagdating sa grado sa eskwela ay okey naman?
Bakit raw sila ay parang walang pakialam sa kung anong kalalabasan
Ngunit tayo ay tila naguunahan
Kanya-kanyang labanan, kanya-kanyang istratehiya
Kanya-kanyang napalanuhan, kanya-kanyang talunan
Nagsarili at ‘di na namansin pa
Para bagang dalawang taong ‘di magkakilala
Nabalot ng yabang ang ating mga isip
Ngunit ang puso nati’y nanatiling tahimik
Hindi umimik kahit isang saglit
Kaya naman isip lang ang namalagi’t naghari
Tanda mo pa ba kung paano tayo noon?
Tanda mo pa ba kung ano ang meron?
O nakalimutan mo na kung ano ang mga sinabi mo sa akin noong okey pa?
Dahil ‘di ka sumagot noong sinabi kong, “patawad” at inamin ko ring mahal kita.
Unang beses kong sinabi sa iyo ang mga salitang iyon.
Unang beses sa buong pagsasama natin ng isang taon.
Ngunit nang binanggit ko hindi ka man lang tumungo
Kundi pinabayaan **** katahimikan ang mag-ingay para sa’yo.
Natatandaan mo na ba pagkatapos ang lahat ng aking pagpapa-alala?
Natatandaan mo na ba kung paano sumibol at nawala
Ang pagsasamang puno ng pangako at pag-asa
Natatandaan mo na ba?
Kung sakali man na talagang nalimutan mo na,
Pasensya sa ingay kong ito kasi ako hindi pa.
Hindi ko malimutan sapagkat sariwa pa.
Sariwa pa lahat ang pangyayari kahapon na dahilan kung ba’t may luha ngayon sa’king mata
Kung talagang nalimutan mo na,
Lahat ng ginawa natin, malungkot man o masaya,
Utang na loob, pwede ba ako’y turuan mo sana
Kung paano limutin ang lahat ng alaala.
Kahit na hindi na matago ang sugat na nameklat na,
Peklat na kahit Sebo de Macho ay hindi kaya,
Basta mabura lang alaalang nagdulot ng sugat na peklat na
Okey na sa akin iyon, okey na.
Okey na, oo. Kasi ‘di naman talaga peklat ang dahilan
Ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ako ay lumuluha
Eh ano naman kung may peklat ako di ba?
Wala pa rin naman kasing papantay sa sakit na nadarama
Sakit na muntik na akong malagutan ng hininga
‘Di ako nagbibiro sapagkat sa bawat pag-iyak at pag-singhot ko
Naninikip ang aking dibdib, nagdidilim ang aking paningin
Hindi ako makahinga
Tanda mo pa ba, noong tayo’y muling nag-usap
Tila ba gusto ko muling magpakilala
Akala ko kasi isang pag-uusap para muling makapagsimula
Yun pala, usapang pangwakas na.
At doon na huminto lahat ng masasakit na mga alaala.
Ngunit hindi huminto ang paghihinagpis ko bawa’t gabi, kada umaga.
Kaya naman hinihingi ko ang tulong mo kung ‘di mo na naaalala
Dahil kailangan kong malimutan ang lahat ng tanda ko pa.