Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
112915 #12:28PM

Naglisawan ang mga katauhang nakaputi
At siya’y mistulang diwata
Sa kanyang putong at pamato.

“May kuwit ang Langit *
Siyang puspos sa pangako –
Pangakong may habilin
Sa naudlot na pagtatapat.
At sa pagniningas ng simboryo’y
Ako ang ‘yong katipang sabik,
At may bantayog na pagsinta.”

Paimpit ang tibok ng puso
Habang sayad ang telang puti sa lupa,
Mistulang palamuti ang mga rosas
Sa pulang salawal ng papag.

“Naging maselan ang puso
Sa tagal ng paghihintay.
Bagkus ito’y maiksing ihip ng hangin,
Tanging hiram sa Tagapagbigay ng Buhay.
Hindi mahinuha
Ang bigkas ng bawat pintig,
Ako’y Kanya bagamat inilaan sayo.”

“Paumanhin, pagkat minsa’y naging duwag,
Duwag akong sa bangin ng pagsuyo
Pagkat baka ang huli’y maging pauna.
At hindi sapat ang pagsinta
Kung wala ang basbas ng Ama.”

“O tamang panahon, salamat sa Kanya!
Ito’y ipinagtirapa nang ilang ulit.
Kung ang pagtugon ay plantsado,
Ilang butil ang buhos ng Langit,
Sagot sa nakaluhod na pagnilay.
Siyang Barandila sa pusong tigang –
Sumuyo sa’ki’t bulong iyong ngalan.”

“Anumang dagok sa nakaraan,
Ang ngayo’y walang katumbas.
Minsan hinayaang magpatibuwal
Ang pangakong laan sayo.
Pagkat pag-ibig Sinta’y
Hindi pa hitik sa bunga.
Kaya kahit anong pagpalahaw ng damdamin,
Tinakpan ito’t di nais na magkayabag.”

“Dalpak man ang mga paa,
Damdamin ko nama’y tiyak.
Kanyang isinulat ang pag-iibigan natin,
Siyang patotoo sa tunay na nakapaghihintay.”*

Yayariin ang detalye’t estilo
Ang dunggot ng tuldok,
Doon lamang sa ikalawang pagbabalik.
Mula sa Langit na Siyang Tagapagkatha.
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
JOJO C PINCA Dec 2017
Walang araw at gabi na hindi ko naiisip ang iyong kalagayan.
May mga pagmulat sa umaga na tila nananaginip ako,
Iniisip ko na nagbago na ang lahat, na sa wakas ay nalampasan
Mo na ang ang iyong hirap na pinagdadaanan.
Mga pagkabigla ng isipan na para bang naalimpungatan lang.
Subalit laging bumabalik sa mga katotohanan na kailangan harapin.
Mga lungkot at kurot sa pusong tanawin, mga sana at mga
Panghihinayang. Puno ng mga pagbabakasakali at pag-asa,
Hinahanap-hanap ang kasagutan sa mailap na katanungan.
Bakit ikaw? Bakit sa’yo pa nangyari? Bakit nagkaganyan ka?
Wala ako’ng ibang hiling kundi ang maging maayos ka,
Na maging malusog at kaaya-aya ka.
Hindi ko hinangad ang yaman ng mundo,
ikaw lang at ang kapatid mo ay daig na ang lahat ng yaman sa daigdig.
Pero ‘hwag kang mag-ala-ala anak ko hindi kita iiwan,
Kailanman hindi kita pababayaan ako’y laging nandito sa tabi mo.
Haharapin natin nang magkasabay ang buhay.
Naalala mo ba ang naghahabulan na mga alon sa dalampasigan?
Masayang masaya ka habang ito’y humahampas sa iyong katawan,
Ganito ang buhay punong-puno ng mga alon.
Kailangan na ito’y harapin, wala ka’ng ibang gagawin.
Ngitian mo ang hampas ng buhay maliit man o malaki ang dala nitong mga alon.
Habang ako’y nabubuhay sasamahan kita sa pagharap mo sa mga alon,
Hindi ka namin iiwan ng ate at mama mo.
Lalabanan natin ang dagok ng mga daluyong,
Sabay tayong tatawid na karagatan ng buhay,
Umulan man at umaraw lagi kitang yayakapin.
Ganyan kita kamahal aking bunso.
Eon Yol Sep 2017
Ikaw.
Ikaw.
Ikaw ang naging inspirasyon ko para magpatuloy.

Binigyan mo ako ng lakas para muling humakbang, maglakad.. umakyat.. tumakbo..

Sa mga araw na sunod sunod ang dagok ng panahon na tumulak sa akin padapa..
Sa mga oras na panay ang udyok ng mundo na tumigil ako sa pag galaw..
Sa mga sandali na nasimulan ang pagdududa sa aking sarili na baka nga hanggang doon nalang ako.. Na tila may gumagapos sa aking mga paa at humihila sa akin pailalim..

Dumating ka.

Iniabot mo ang iyong kamay.. at isinama mo ako.
Isinabay mo ako sa paglakad mo.. kumapit ako sayo at
Ipinakita mo na marami pa palang daan.. Na kaya ko pang bumangon at maglakbay kaya't isinama mo ako.

Kahit na may ilang beses na matarik ang daan at hindi ako makasabay, nagsilbi kang gabay sa aking unahan at hindi mo hinayaang maiwanan ako sa paglalakad pasulong.

Binigyan mo ako ng pagkakataong sumunod sayo.. at humabol.. Kahit kapalit nito ay ang pagbagal ng lakad mo.. kahit na para bang naaabala na kita..

Ipinaalala mo na normal lang ang mga bato at putik sa ating nilalakaran.. Normal lang na ika’y pawisan.. Magalusan.. Magkamali at maligaw ng daan.. at minsan pa'y sasabayan ito ng ulan kaya't may mga panahon na hindi mo makikita kung saan ka na ba patungo.

Madudulas ka.. Matitisod.. Madadapa.. Ngunit hindi dapat dito magtapos ang paglalakbay dahil ang hirap at pagod ay may kasunod na dalisay na ginhawa.. Doon sa tuktok.. kasama ng mga ulap at ng hangin..

At kahit na ika’y hingalin ay mapapawi ito ng ligaya na iyong madarama sa oras na tumapak ka na sa pinaka itaas.. Sa wakas.. Nakita mo na kaya mo palang lagpasan ang mga hirap at pagod na ngayo’y iniwan mo na sa ibaba.. Sa lupa.. Kasama ng kay gandang mga balangkas ng tanawin na hinubog ng mundo upang ipakita sa iyo sa mismong pagkakataong ito.. Sa entablado ng daigdig kung saan abot kamay mo ang himpapawid.

Ipinaalam mo sa akin na ito ang kapalit ng mga pagsubok na araw araw nating hinaharap.
Ito ang sandali na ipadarama ng kalawakan na katulad ng oras.. Ay lumilipas din ang lungkot.. At ang kailangan ko lang ay kumapit pa ng mahigpit.. Manalig.. At maghintay at di maglalaon ay darating ang pagkakataong ito.

Kung saan magkasingkahulugan ang sandali at kailanman..

Dito sa tuktok.. Kasama ng mga ulap at ng hangin..

Sinabi mo na hindi ako nagiisa.. Dahil kasama natin ang langit.
Euphrosyne Feb 2020
Ikaw.
Ikaw.
Ikaw ang naging inspirasyon ko para magpatuloy.

Binigyan mo ako ng lakas para muling humakbang, maglakad.. Magsulat.. Bumangon...

Sa mga araw na sunod sunod ang dagok ng panahon na tumulak sa akin padapa..
Sa mga oras na panay ang udyok ng mundo na tumigil ako sa pag galaw..
Sa mga sandali na nasimulan ang pagdududa sa aking sarili na baka nga hanggang doon nalang ako.. Na tila may gumagapos sa aking mga paa at humihila sa akin pailalim..

Dumating ka.

Iniabot mo ang iyong kamay.. at isinama mo ako.
Isinabay mo ako sa paglakad mo.. kumapit ako sayo at
Ipinakita mo na marami pa palang daan.. Na kaya ko pang bumangon at maglakbay kaya't isinama mo ako.

Kahit na may ilang beses na matarik ang daan at hindi ako makasabay, nagsilbi kang gabay sa aking unahan at hindi mo hinayaang maiwanan ako sa paglalakad pasulong.

Binigyan mo ako ng pagkakataong sumunod sayo.. at humabol.. Kahit kapalit nito ay ang pagbagal ng lakad mo.. kahit na para bang naaabala na kita..

Ipinaalala mo na normal lang ang mga bato at putik sa ating nilalakaran.. Normal lang na ika’y pawisan.. Magalusan.. Magkamali at maligaw ng daan.. at minsan pa'y sasabayan ito ng ulan kaya't may mga panahon na hindi mo makikita kung saan ka na ba patungo.

Madudulas ka.. Matitisod.. Madadapa.. Ngunit hindi dapat dito magtapos ang paglalakbay dahil ang hirap at pagod ay may kasunod na dalisay na ginhawa.. Doon sa tuktok.. kasama ng mga ulap at ng hangin..

At kahit na ika’y hingalin ay mapapawi ito ng ligaya na iyong madarama sa oras na tumapak ka na sa pinaka itaas.. Sa wakas.. Nakita mo na kaya mo palang lagpasan ang mga hirap at pagod na ngayo’y iniwan mo na sa ibaba.. Sa lupa.. Kasama ng kay gandang mga balangkas ng tanawin na hinubog ng mundo upang ipakita sa iyo sa mismong pagkakataong ito.. Sa entablado ng daigdig kung saan abot kamay mo ang himpapawid.

Ipinaalam mo sa akin na ito ang kapalit ng mga pagsubok na araw araw nating hinaharap.
Ito ang sandali na ipadarama ng kalawakan na katulad ng oras.. Ay lumilipas din ang lungkot.. At ang kailangan ko lang ay kumapit pa ng mahigpit.. Manalig.. At maghintay at di maglalaon ay darating ang pagkakataong ito.

Kung saan magkasingkahulugan ang sandali at kailanman..

Dito sa tuktok.. Kasama ng mga ulap at ng hangin..

Sinabi mo na hindi ako nagiisa.. Dahil kasama natin ang langit.
Salamat. Ikaw lamang nagpabuklat ng aking singkit na mata dahil sayo namulat anh mga mata ko na dapat akong magtino hindi lang dahil matanda na tayo kundi para sa kinabukasan ko rin. Salamat mahal ko.
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —