Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
061616 #AM #SirFrancisHouse

Lumang musika sa bagong umaga,
Nangungulit na insekto, kriminal naman akong ituring.
Kinamusta ko ang kapalaran sa'king palad,
Tila ako'y nabubuwal sa landas na walang kasiguraduhan.

Naging sagrado't taimtim ang pagsuyo ko sa Langit,
Sana'y matamnan ng Kanyang brilyante ang pusong humihikbi;
Gaya ng ulap na kampante, gaya ng bantay na tumatahol
At gaya ng pagbulong ng makina ng sasakyan na siyang tambay.

Naglalaro ang isip -
Nakikipagpatintero sa tadhanang nanglilisik.
Minsan, mas mabuti pa ang Diktatoryal kaysa Demokrasya
Pagkat ang kalayaan ay nakakapanting-hininga
At higit sa lahat, ako'y napapatid ng mga hangal na oportunidad.

Paulit-ulit akong nagbabalot ng kagamitan
Nagbabaon ng mga kailangan sa pagbalik sa piniling saltahan.
Pero ako'y paulit-ulit ding nauuhaw -
Nauuhaw sa tubig na siyang kinasanayan
Ang tubig na wika ng aking kasaysayan.

Hindi ako mag-aatubileng iparada ang sarili sa kalsada,
Na harangin ang mga sasakyan kahit ako'y masagasaan pa.
Kung ganito ang pag-ibig na siyang may martir na ideolohiya,
Nais kong maging luwad na siyang hamak na sasalo
sa pagbusina sa nag-aalimpuyong pagsinta.

Ang kariktan ng sandali'y walang maikukumpara,
Kahit pa ang pagdadalamhati ng bawat oras na may kahati.
Hindi ko man mapisil ang tadhanang nasasakdal,
Pag-asa ko'y ipinipihit sa bahagharing nangako
At siyang hindi mapapako -
Ang huling sandali, nailagak na't naipako.
Peter Simon May 2015
'Wag kang mag-alala,
'Pag nilangaw na ang
     bahagharing tuyot na
     at wala nang sigla,
Lilipad ang mga paru-parong
     matagal nang nagtago
     sa aking sikmura,
Noong mga panahong
     pinaghalong saya at kaba pa
     ang nararamdaman ko
     'pag kasama kita...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag napagod na ang
     dagat sa pag-alon
     at pagsayaw ng mahinahon,
Patutulugin siya pansamantala
     ng mga minahal at
     pinagkatagu-tago kong mga ibon
Na nagkubli sa tinig mo
     habang inakala kong
     hindi lilipasin ng panahon...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag tinamad nang umawit
     ang hangin para sa
     iningatang puso,
Bababa ang mga tala
     na inipon nang
     matagal at itinago,
Upang alisin ang lamig ng gabi
     na noo'y nasa mga bisig mo
     at inakalang 'di magbabago...
'Wag kang mag-alala,
    mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag nakalimutan nang
     ngumiti ng araw
     dahil sa inis,
Yayakapin siya ng buwan
     kahit pa ang kapalit
     ay masunog siya nang labis,
Pipigain ang huling patak
     na luha mula sa mga matang
     tinirahan na ng hinagpis...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling dugong
     dadaloy sa ugat ng puso
     kong sirang-sirang na...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling hanging
     aagpas sa aking bibig
     na pagod nang sumigaw...

'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita, Mahal...
John Emil Sep 2017
Bathala nga’y di nanghushusga
Sa kawangis na nag – iba
Mula ulo hanggang paa
Lahat ginawa at pinagawa
Matupad lamang ang sigaw ng diwa
Nagsilabasan matatalas na dila
Upang bigyan kami ng kakaibang mukha
Bahagharing sa aming makikita
Ito’y naging makulilim na sigwa
Kami’y ginagawa nilang nakakatawa
Kahit sakit na ang nagdudulot sa’ming sigla
Mapagbigyan lamang ang kanilang tawa
Ngunit ang kagustohang sinta
Ay iyong ikinasasam’t pinagdadamut pa
Nais lang naman pag – ibig at pag – aaruga
Tanggap naming na walang magmamahal sa’min ng tama
Wag lang ikumpara sa masahol na hayop sa gubat makikita
Pantay na pagtingin kailan kaya ninyo ipapadama
Ganito nga ba talaga ang gusto ni Bathala?
Mababang tingin saaming ipinapakita
Baluktot na paniniwala mayroon sila
Siradong utak ay pagbuksan na sana
Nang pagkakapantay ay Makita
Ako at ikaw ay hinumal ng kamay ni Bathala
Na walang pag-aalinlangang kasama
John Emil Sep 2017
Bahagharing makulay
Sapat pangkulay ng aking buhay
Pagkatapos ng mahabang lumbay
Nahatid ng patak ng paghihiwalay

Simbolo ng bagong paglalakbay
Nasana sa dulo ay magtagumpay
Upang lungkot ay maibsan ng tunay
Dahil ang buhay ay puno ng kulay
Cal Ashiq Aug 2022
Tara na sa bahagharing kay ganda
Kasabay ng kislap ng iyong mata
Mga ngiting di alintana
Hiling kong makita sana

Halimuyak na iyong dala
Sa akin ay nagpapangulila
Tamis ng iyong tinig
Labis kong iniibig

Giliw ako'y ilagay sa iyong isipan
Kaagapay sa kahirapan
Pagkat ikaw man ay lilisan
Magtatagpo pa rin kinabukasan

Isang banayad na panalangin
Aking laging sasambitin
Sa iyo'y ipagkaloob itong dinidingin
Wagas na pagmamahal ng Diyos na mahabagin

Kay Hesus aking sasambitin
Na ika'y lagi nyang mamahalin
Hihingin kay Birheng Maria
Na kailanma'y di ka mangulila

Sana'y lagi **** madama
Sa tuwing ika'y nag iisa
Yakap nilang kay Tamis at Ganda
Di mawawala itong pagsinta

Kailanma'y sa puso at diwa
Sumasaiyo itong magandang gunita
kingjay Aug 2019
Binilang ang mga araw
Na wala si Dessa
Ang bahagharing  bumabalantok sa langit
Ay nakakasuyang larawan sa daigdig
Malamlam kahit sagana ang kakulayan

Umiibayo ang hinagpis
sa namumutlang pisngi
Nangungulila nang lagaslaw
sa dikit na hindi kumukupas

Kung maaaring mapanaginipan
Ay yayapusin
Hindi dahil sabik sa yakap
Ito 'y upang maipadama
ang pamimintuhong dumadarang

Sa gaslaw ng mga dahon
Himig ng mga ibon
May kailaliman ang gabi
Mangunguyapit sa liwanag ng buwan,
Gigiliwin ang dinadaing ng kalooban

Di makaalpas sa anino ng liwayway
Pinahiran ang kaluluwa
Ng pabangong di pumaparam
Ginustong gumanap bilang martir sa pag ibig

— The End —