Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Ikaw ang pintuang may bukas,
Siyang pag-asang maibsan ko ang taglamig na kalinga.

Ikaw ang bintanang may hangin,
Siyang susulyap sa pangungulila.

Ikaw ang sahig na sasalo,
Siyang saklolo sa pagkahingal at pang-aabuso.

Ikaw ang mesang may hain,
Siyang magbibigay lakas sa panloob na damdamin.

Ikaw ang kutsilyong gagalos,
Sa yugto ng buhay na akala'y perpekto.
At ang tubig na didilig,
Sa *uhaw at lantang isip.
040816

Tulang nakatulala,
Tulang lutang sa mga salita.
Tulang may pag-aalinlangan,
Tulang tumatawid sa kawalan.

Sinubukan kong maghimay ng mga letra,
Pero lahat sila'y mawawalan ng saysay.
Hinabi ko ang bawat parirala,
Pero may mga saknong na puno ng mga tanong.

Umaatras abante ang mga kuwit at tuldok,
Mga damdaming may padamdam,
Mga nagugulat na pananda,
Tila nakasalamin buhat sa panahon ng pagkatanda.

Iluluto ko ang mga salitang walang tugma,
Sa kalan at kawali nang walang sandok ng damdamin.
Titikman ko ang sabaw na pag-ibig
Na siya palang papaso sa dilang malambing.
Poot kanyang madarama
Sa mapait na tadhanang may konting kaanghangan.

Isasantabi ko ang hinain,
Saka na lang, pag malamig na ito
Saka ko na lamang titikman.
Nakakapaso kasi, hindi ko malasahan.

Tulang kulang sa rekado,
Tulang mangmang at kabado.
Tulang maraming halo,
Tulang **sana'y hindi talo.
Maitatago ba sa tula ang isang TULAd mo?

Kung IKAW ang pamagat,
Hindi ka ba aangkinin ng ibang mambabasa?

Kung AKO ang pamagat,
Hindi ba ako makasarili?

PERO kung TAYO kaya?
Sapat na sigurong pamagat na lang.
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
“It takes three to make love, not two: you, your spouse, and God.
Without God people only succeed
in bringing out the worst in one another.
Lovers who have nothing else to do but love each other
soon find there is nothing else.
Without a central loyalty life is unfinished.”
*-  Fulton J. Sheen
040116

Hindi kita ginamit at pinagkaingat-ingatan
At sa minsanang pagdampi ng pawis ng langit,
Ika’y aking iniaangat --
Malihis ka lamang sa makinarya ng tubig,
Siyang may maitim na balak.

At sa lubak na daa’y, hindi ako patitisod
Minsan nga’y naiisip ko pang ako’y hibang sayo,
Pagkat di bale nang may galos,
Wag ka lang gantihan ng gasgas.

At sa tuwing iaalis kita sa aking katauha'y,
Tila ayoko nang magbagong-bihis pa
Sapat ka na't ni ayaw nang maisantabi pa.

Mahal,
Yan ang turing sayo.
Mahal,
Yan ang presyo mo.
040116

Kahit April Fool's Day pa,
Hinding-hindi kita kayang lokohin.
Hindi rin mangmang ang pag-ibig
Na lalaruin pa natin.
Next page