TAGUAN:
Sa ilalim ng nakakapasong init ng araw,
Tumatakbo tayong magkahawak ang kamay,
Nagbibilang hanggang isang daan,
papalayo sa tayang kalaro.
Sabi niya’y tagu-taguan,
at tayo nama’y nagbilang.
Ng isa, ng dalawa, hanggang tatlo.
At hangggang doo’y nanatili sa likod ng puno.
Ngumiti ka, at ako din. Tumawa ka, at ako din.
Saka napuno ng tawanan ang buong mundo ko.
Napuno ng ikaw at ako ang buong maghapon.
Hanggang sa bumaba na ang araw.
Rinig ko na ang tawag ni inay,
At naramdaman ang pagbitaw sa kapit ko.
Hindi mo man pansin ito,
pero para itong isang malagim na pagtatagpo.
Ngayo’y paalam muna,
Hanggang sa muling pagtatago, at pagtatagpo
Ng ating sabik na mga puso sa larong tayo’y tinago.
Sa mundong ating binuo, na tayong bumubuo.