Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Xian Obrero May 2021
Sa dami ng mga taon na lumipas
Alaala mo’y wala pa ring kupas
Milyong luha na rin ang tumagas
Sa sakit hindi pa rin makatakas

Pangalan mo’y sigaw pa rin ng aking puso
Dama at dinig mo ba kahit ika’y malayo?

Dama mo ba ang bawat hinagpis?
Dinig mo ba ang aking pagtangis?
Bakit ka lumisang sobrang bilis?
Sa kirot at sakit, hanggang kailan magtitiis?

Sa dami na ng taon na lumipas
Ang pagmamahal ay wala pa rin kupas
Milyong luha man ay patuloy pa rin sa pagtagas
Mahal pa rin kita sa bawat darating na bukas.

Buhay mo man ay biglang binawi
Pag-ibig ko sa iyo ay hindi kailanman mahahawi

Ang buhay man ng tao ay may wakas
Mananatili ang pag-ibig na wagas
Hanggang sa dulo man ng wakas
Pag-ibig na wagas ay mag-iiwan ng bakas.
Xian Obrero Jul 2020
Hanggang kailan ako magiging ganito?
gabi-gabi na lang tawag ko ang pangalan mo
Kung pwede ka lang maibalik nitong mga luha ko
Noon pa siguro’y nagawa ko na at ikaw ay nasa piling ko na’t ako ngayo’y yakap mo.

Gabi-gabi na lang, nasa isip kita
gabi-gabi ring dasal na panaginip kita
dinig mo ba ang mga iyak ko at aking mga sana?
“Isang beses man lang sana tayo ay nagkasama”.

Ano kayang pakiramdam mahawakan ang kamay mo?
Sa tuwa kaya ay mapatalon ako?
Mga pisngi ko ba’y mamumula o manginginig ang katawan ko?
Naranasan ko man lang sanang sa tabi mo’y minsang maupo.

Sa takdang panahon kaya’y makita rin kita?
Ang oras ba natin ay sa wakas magtagpo na?
Isang beses man lang sana masabi kong mahal kita
Isang beses man lang sana...
Isang beses man lang sana ....
Xian Obrero Jun 2020
Mahal, kumusta ka?
Ako ay masaya sapagkat panaginip kita.
Mahal, masaya ka rin ba ?
Ano bang nadarama mo? Sana’y nalalaman ko.

Mahal, nandito lang ako..
Sana andito ka rin, nandito sa tabi ko.
Ngunit alam ko na kahit ako pa’y manalangin
hinding-hindi ka na posible pang mapasaakin.

Mahal, bakit ka lumisan ?
kaunti na lamang ay akin nang maaabutan.
Kaunti na lang mayayakap na kita
ngunit pagdating ko nakaalis ka na. Tuluyan nang nawala.

Nawala ka, dumating ako.
Tumakbo ako palapit, tumakbo kang palayo.
Bakit ba hindi man lang tayo nagtagpo?
Bakit ba umakyat ka na noong bumaba ako?

Ngunit ganoon pa man ay panaginip kita.
Kung pwede lang manatili ay ginawa ko na.
Kung pwede lang matulog nang mahimbing, gagawin kong talaga...
Ayoko nang magising, panaginip kita.
Xian Obrero Jun 2020
Sa pagkagat ng takipsilim isa lang ang natatangi kong hiling,
nawa'y sa agad na paghiga ay siyang agad ring mahimbing.
'pagkat ako'y sabik na ng labis na muli kang makapiling—
hintayin mo aking sinta, sa tagpuan natin ako'y darating.

Sa napakalaking puno tayong dalawa'y nagtagpo
Tila nag-uusap ang ating isip at puso kahit hindi kumikibo,
hindi ako makapagsalita sa kadahilanang dinadaga ang aking puso..
Sa pagsalubong mo sa akin, niyakap kita at hinalikan sa iyong noo.

Mga luha mo'y nagsitulo mula sa'yong napakagandang mga mata,
wala akong ibang nagawa kundi titigan ang iyong napakaamong mukha..
Sadya namang hindi natin masukat ang kaligayahang nadarama,
Hiniling ko na sana ang oras na iyon ay hindi na matapos pa.

Muli sana akong lalapit para muli kang yakapin,
ngunit sa aking pagkahimbing kinailangan ko nang gumising.
Huwag mag-alala, aking sinta 'pagkat muli akong darating...
sa aking susunod na mga panaginip ang oras ay atin nang susulitin.
Xian Obrero Mar 2020
Nakaupo't-nag-iisa, kagaya kahapon sa bintana siya'y nakadungaw
Mula sa kanyang silid, mga mata niya'y malayo ang tinatanaw
Ang palagi niyang inaabangan ay ang napakagandang paglubog ng araw
Sa paglubog nito'y siya ring pagsalubong niya sa gabing walang kasing ginaw.


Sa paglipas ng panahon ay nasanay na nga siyang palaging ganoon
Ang paglubog ng araw ay inaabangan niya pa rin maging hanggang ngayon
Hindi siya nagsasawa at napapagod sa paghihintay buong maghapon
Wari'y kakayanin niya ring mahintay ang pagtuyo ng mga dahon.



Ang wika niya, "Sa tuwing lulubog ang araw ay naaalala ko siya"
Naaalala niya raw ang kanyang sinta at ang taglay nitong yumi at ganda
Kasing liwanag rin daw ng araw ang pagkislap ng kanyang mga mata
Ngunit isang hapon raw ay bigla na lang itong kinuha sa kanya.



Sa labis niyang pagmamahal sa sinisinta niyan iyon
Nabatid kong marahil sa lungkot ay hindi siya makaahon
Kaya pala ganoon na lang ang kanyang paghihintay sa buong maghapon
Sa paglubog na araw pala na nagpapaalala sa kanyang sinta kahit papaano siya'y nakakaahon.
Xian Obrero Mar 2020
Takot akong mamatay.
Takot na takot...
Ngunit kung ang kamatayan ko ang susi
upang matagpuan kita,
ngayo’t-ngayon din ay haharapin ko ang takot na iyon upang makasama kita.
Xian Obrero Mar 2020
Ano nga ba ang “IKAW” sa ako?
Ikaw ba ‘yung taong pag-aalayan ko?
—pag-aalayan ko ng saya, tuwa, oras,
puso at buhay ko?
O ikaw ba ‘yung taong magpapaluha,
maninira o guguho sa aking mundo?

Sino nga ba ang “IKAW” sa akin?
siguro ikaw na ‘yung matagal ko nang-
pinapanalangin,
siguro ikaw na ‘yung may mukha at
may mga matang mahinhin,
ikaw na siguro ang nakatakda kong
mahalin.

Teka lang, eh, “AKO”?
Ano nga ba ang “AKO” para sa’yo?
Siguro naman mayroong “AKO” diyan -
sa puso mo?
Siguro naman may “AKO” na siya ring
ipinagpanalangin mo?
Siguro naman may “AKO” rin diyan
sa buhay mo ?

May “IKAW” at “AKO”, ibig sabihin
– mayroong “TAYO”.
Ang mahalaga may “TAYO” kahit hindi ito klaro. Hindi man itinadhana, minsan pa ring
namuhay sa iisang mundo.
Hindi man pinagtagpo, magkarugtong
pa rin naman ang mga puso.
Next page