Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
85.4k · May 2019
Bukang-Liwayway na Hinihintay
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
27.8k · May 2020
Gunita ng Paghanga
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
7.7k · May 2019
Gintong Kamay
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
1.6k · Nov 2020
Gunita at Pangarap
RL Canoy Nov 2020
Sariwa pa sa aking gunita,
ang unang araw na ikaw ay aking masilayan.

Mga sandaling kung saan ikaw ay pinangarap na habang buhay kong paghahandugan.

Naaaninag ko pa rin ang iyong pagngiting kaakit-akit,
na lalong nagpapasingkit sa iyong mga mata.

Kung saan sa kabilang banda'y munting lungkot ang nanahan niring puso.

Pagkat di tiyak kong sa susunod na bukang-liwayway ay magiging dahilan ba ako sa iyong saya.

Ramdam ko pa rin ang kabog ng aking dibdib,
na tila ay sumasaliw sa yapak mo sa tuwing ikaw ay dadaan.

Habang ikaw ay maamong naglalakad,
Pinapangarap ko nama'y balang araw magkahawak ang ating mga kamay sa bawat paghakbang.

O kay sayang balikan ang mga gunita,
Kung saan nakikita ko ang iyong nakakabighaning wangis sa mga bituin ng sangkalangitan.

Mga panahong hinihiling kong nawa'y makapiling ka kahit sa panaginip lamang.

Minsan rin na sinasamo ko sa Poong Maykapal,
na harinawa'y pagtatagpuin ang ating mga landas.

At doon ay aking ipapabatid ang mga damdaming sa panulat ko lamang naipahayag.

© RL Canoy |November, 2020 |
1.4k · Sep 2020
Pangakong Handog
RL Canoy Sep 2020
Kung ikalulugod mo at ako'y pagbibigyan
at iyong tatanggapin ang aking pag-aalay.
Ang buong kagalingan ko'y iyong maasahang
ihahandog sa yapak mo aking Paraluman.

Hindi ko maibigay sa'yo ang katiyakang
sa iyong mangingibig ako'y nakakalamang.
Ngunit maasahan **** ang hangaring dalisay
ay walang makakadaig kahit sino pa man.

Nababatid kong ikaw ay may pinipithaya,
kung gawing panukat ko'y aking kinabahagya.
Ngunit kung papalaring lilingunin mo Sinta'y
hindi ko sasayangin ang matatamong tuwa.
641 · May 2020
Sigla sa Araw
RL Canoy May 2020
Sa bawat paglipad ng diwang mapanglaw,
handang mararating ang di masasaklaw,
wari'y walang pagal yaring paglalakbay,
kahit saang sulok ng sansinukuban.

At saang dako man akong magmamasid,
ikaw bukod tanging nakita ng isip,
kung masilayan man ang loob niring dibdib,
laging larawan mo ang ninitang wangis.

At sa pagkahiga't hanggang sa maidlip,
ikaw yaring dalaw sa hapo kung isip
at ang laging huling mutawi ng bibig;
"Makapiling nawa, kahit panaginip".

At sa pamimitak ng bukang liwayway,
tanging hinihiling na masisilayan,
ang iyong pagngiti kahit sulyap lamang
at di ipagkait ang sigla sa araw.

©Raffy Love Canoy |April 2020|
377 · Oct 2019
My Family
RL Canoy Oct 2019
A flock of sheep
Wandering amidst desert
Walking along the thorny path
In seems like endless arid land
Someday I will lead them
Towards oasis and green pasture.

©Raffy Love Canoy |October 2019|
Dream for my family

— The End —