Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Mar 2018
Ang isinulat ko ay isang pagtatala mula sa bulag,
na matagal nang ninanais na makakita ng liwanag,
dahil kumpara sa atin, kahit ipikit ang mga mata,
kahit takpan pa 'yan, mayroon pa rin tayong nakikita,
mapa-asul, mapa-dilaw, mapa-pula,
hinding hindi ito aabot sa dilim,
dahil mayroon pa ring mga bituin.

Ito ang pagtatala ng bulag,
"'Nak, kagabi lang ako nakaramdam ng galit sa isang tao,
sa buong buhay kong nakatira sa tapat ng simbahan,
kagabi lang ako nakaranas ng kulo sa puso ko,
kagabi lang ako natulog nang galit,
sana patawarin ako ng Diyos.

Lumapit sa akin ang isang lalaki,
sabi niya, 'Lo, mahirap bang magmahal?',
'Oo, hijo. May asawa ka na ba?',
'Meron **. E lagi ** kaming nagaaway,
kaya umalis nalang ako ng bahay,
ayoko na siyang kausapin,
dahil baka husgahan nanaman ako, baka masaktan lang ulit ako,
baka sabihin nanaman niyang ang hina-hina ko,
sasabihin nanaman niyang hindi na ako natuto sa mga kasalanan ko,
ang dami ko raw nasaktang tao,
wala na silang nagawa kundi tumungo,
dahil sa lungkot, dahil sa insulto,
dahil sa mga salita kong galing sa puso.

Naalala ko sabi ng nanay ko,
na lahat ng sinasabi ko ay galing sa puso,
pero bakit kung kailan ko gustong mabuo,
napakahirap ibalik ang dating ako?'

Ito ang iyak ng isang nangangailangan ng pagmamahal,
isang lalaking may pusong bakal,
ito ang naging payo ko,
'Hijo, kausapin mo ang asawa mo.'

Biglang sigaw niya,
'E ayaw ko nga! Nagkasala rin naman siya,
pareho lang kami,
siya dapat ang lumapit sa akin.'

Parang tinamaan ako ng bala ng baril,
at ang puso ko'y biglang tumigil,
dahil hindi ko naman kayo pinalaki nang mayabang,
kaya hinawaan na ako ng galit,
'Ang yabang mo!
sarado ang utak mo
sarado ang tainga mo
sarado ang puso mo
mas bingi ka pa sa bingi
at mas bulag ka pa sa bulag

ayaw **** mahushagan kasi ayaw **** masaktan,
ayaw **** masaktan kasi ayaw **** matuto,
hindi ka natututo sa mga kasalanan mo,
kasi akala mo na lahat ng ginagawa mo ay ayos na,
hindi mo pinapansin ang kalagayan ng iba,
na naghihirap sa kakaisip kung sila ba ang dahilan,
kung bakit ka nagkaganyan.

Minahal ka nila,
pero hindi mo tinanggap,
minahal ka nila,
pero tinulak mo sila,
minahal ka nila...
hindi mo ba sila mamahalin?

Lalo silang napalayo sa'yo,
nung kinailangan mo ng tulong,
pamilya at pagmamahal'

Wala na akong narinig na boses,
umalis na siya,
sana lang kinausap niya ang asawa niya.

'Nak, tandaan niyo ang payo ko sa inyong magkakapatid,
na 'wag na 'wag kayong maghihiwalay,
dahil pag ako'y nawala,
sana manatili kayong nakadilat sa katotohanan,
na ang kayabangan ay nakakasira ng isang pamilya.".
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagsimula
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagkakakila
Sa una’y wala tayong pakialam sa isa’t-isa
Pero dumating din tayo sa puntong magkausap sa telepono mula gabi hanggang umaga

Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pinakilig ng iyong mga salita
Kung paano mo ako pinakilig sa bawat tingin mo sa aking mga mata
Akala ko sa libro at pelikula lang nangyayari ang ganoong mga eksena
Ngunit mali pala, pati sa totoong buhay nadadama pala

Tanda mo pa ba kung paano natin gamitin ang oras
Ang oras na tila limitado ay kailan man ‘di natin hindi inabuso
Kahit pa may pagsusulit sa klase kinabukasan
Pinipili natin na magusap at maglakad hanggang tayo ay pagsabihan

Tanda mo pa ba kung paano mo ako niyakap habang ako’y humahalaklak
Kung paano mo rin ako niyakap noong ako naman ay umiiyak
Tanda mo pa ba kung paano mo sabihin na mahal mo ako
‘Di pa ‘ko naniwala dahil aminado ka na ikaw ay sadyang mapagbiro

Tanda mo pa ba kung paano natin iniwan muna saglit ang barkada
Para lang sabay tayong bumili ng fishball o monay doon sa may kanto ng kalsada
Kay tagal nating naglalakad para lang dayain at mapahaba ang oras ng pagsasama
Pagbalik nama’y iilang piraso lamang ng fishball at monay ang dala

Tanda mo pa ba noong tayo’y magkasama sa gabi at naglalakad
Kamay mo ay nakakapit sa aking baywang sa pag-aalalang baka ako’y mawala
Kahit pa maglakad sa umaga, kamay mo ay nasa aking likod
Kahit saan mo man ilagay, tila lagi **** sinasabi ay “Lakad ka lang, andito ako.”

Tanda mo pa ba noon kapag may miting ng sabado sa eskuwela
Lagi tayong pumapasok ng mas maaga, isang oras bago ang natatakda
Ngunit hindi sa eskuwela ang ***** kundi sa parke nang makapaglaro saglit
Tapos pagbalik sa eskuwela ay tayo na lang pala ang wala sa silid, dahil nahuli pa rin.

Tanda mo pa ba noong tayong dalawa ang nag-representa
Tayong dal’wa ang lumahok para sa titulo at karangalan ng eskwela
At nang manalo’y lahat nagalak at sinabi na
Tayo muli ang lalalok para sa susunod na laban sa makalawa

Nakilala tayo sa ating galing, pati na rin sa kilig na ating inihatid.
Kaya naman pag sa kompetisyon, tayo ay naghigpit.
Ang dating magkasama sa lahat at magkakampi,
Ngayo’y biglang naging magkatunggali.

Tayo ngayon ay kinumpara sa ibang magkasintahan
Bakit raw sila pagdating sa grado sa eskwela ay okey naman?
Bakit raw sila ay parang walang pakialam sa kung anong kalalabasan
Ngunit tayo ay tila naguunahan

Kanya-kanyang labanan, kanya-kanyang istratehiya
Kanya-kanyang napalanuhan, kanya-kanyang talunan
Nagsarili at ‘di na namansin pa
Para bagang dalawang taong ‘di magkakilala

Nabalot ng yabang ang ating mga isip
Ngunit ang puso nati’y nanatiling tahimik
Hindi umimik kahit isang saglit
Kaya naman isip lang ang namalagi’t naghari

Tanda mo pa ba kung paano tayo noon?
Tanda mo pa ba kung ano ang meron?
O nakalimutan mo na kung ano ang mga sinabi mo sa akin noong okey pa?
Dahil ‘di ka sumagot noong sinabi kong, “patawad” at inamin ko ring mahal kita.

Unang beses kong sinabi sa iyo ang mga salitang iyon.
Unang beses sa buong pagsasama natin ng isang taon.
Ngunit nang binanggit ko hindi ka man lang tumungo
Kundi pinabayaan **** katahimikan ang mag-ingay para sa’yo.

Natatandaan mo na ba pagkatapos ang lahat ng aking pagpapa-alala?
Natatandaan mo na ba kung paano sumibol at nawala
Ang pagsasamang puno ng pangako at pag-asa
Natatandaan mo na ba?

Kung sakali man na talagang nalimutan mo na,
Pasensya sa ingay kong ito kasi ako hindi pa.
Hindi ko malimutan sapagkat sariwa pa.
Sariwa pa lahat ang pangyayari kahapon na dahilan kung ba’t may luha ngayon sa’king mata

Kung talagang nalimutan mo na,
Lahat ng ginawa natin, malungkot man o masaya,
Utang na loob, pwede ba ako’y turuan mo sana
Kung paano limutin ang lahat ng alaala.

Kahit na hindi na matago ang sugat na nameklat na,
Peklat na kahit Sebo de Macho ay hindi kaya,
Basta mabura lang alaalang nagdulot ng sugat na peklat na
Okey na sa akin iyon, okey na.

Okey na, oo. Kasi ‘di naman talaga peklat ang dahilan
Ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ako ay lumuluha
Eh ano naman kung may peklat ako di ba?
Wala pa rin naman kasing papantay sa sakit na nadarama

Sakit na muntik na akong malagutan ng hininga
‘Di ako nagbibiro sapagkat sa bawat pag-iyak at pag-singhot ko
Naninikip ang aking dibdib, nagdidilim ang aking paningin
Hindi ako makahinga

Tanda mo pa ba, noong tayo’y muling nag-usap
Tila ba gusto ko muling magpakilala
Akala ko kasi isang pag-uusap para muling makapagsimula
Yun pala, usapang pangwakas na.

At doon na huminto lahat ng masasakit na mga alaala.
Ngunit hindi huminto ang paghihinagpis ko bawa’t gabi, kada umaga.
Kaya naman hinihingi ko ang tulong mo kung ‘di mo na naaalala
Dahil kailangan kong malimutan ang lahat ng tanda ko pa.
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
kingjay Dec 2018
Mahal kita

Di ko maintindihan
Ako ay lagi **** iniiwasan
Simula lang noong inamin
ang pag-ibig na matagal ko sa iyo nilihim

Bigay kong mga rosas sa akin ay ibinalik
pati ang puso ko na aking inihati
Nang hindi na sumugpong ang isang piraso
Nalaman ko na kay sakit pala mabigo

Tatlong beses nanalamin
Hinanap ang sariling kapintasan
Buo kong kalooban ay naranasan
na madurog nang lubusan

Ngayon nagmukmok sa loob ng madilim na kwarto
Liwanag ng buwan ay tumungo sa silid
at nakapagsulat ako gamit ang hinanakit

Mahal, ang una kong salita na  magdudugtong ng aking pagsinta
Kita, ang kasunod para malaman mo na ang saklaw ng aking mundo ay tayo lang dalawa

Di magtatatapos sa tuldok ang mga huling taludtod
at ang ningning ng estrelya
ay susundo sa wikang pampag-ibig
na puno ng mga ninanais

Nais kong tanggapin mo ang aking pag-irog
at malaman mo na sa iyo lang ito nakalaan
Ikaw ang pinipintuho ng mga ulap at sa ibaba ako'y makikipagsapalaran

Nais kong kipkipin mo ang mga rosas
na minsan nahiya
Dalawang puso natin na sabik
Nais ko rin basbasan ito ng langit

Gusto ko tumaglay ng katangian na sa iyong mga mata ay kagigiliwan
Di man matipuno, may galaw sana akong magalang

Nais ko sa isang kubo tayo ay mamituin
Sa labas ng bintana, sabay natin ipanalangin
na ang pag-iibigan ay pagpalain

Tulad ng pananalamin ng mga letra
gayun din ang pangyayari sa unang apat na saknong ay kabaliktaran ng aking mga kagustuhan
At ang huling mga salita
Ang Hiling sa Pasko na tula ko'y pakinggan
Lumaki ako na kinukwentuhan ng aking inay bago ako tumungo sa panaginip ko tuwing gabi.
Kinakantahan niya ako ng mga oyayi’t hele. Hinding hindi ko malilimutan ang mga gabing iyon.
Hindi lang ang tugtog ng awitin ng kanta niya ang pinakinggan ko, pati na rin ang pintig.
Pintig ng tibok ng puso naming mag ina na onti onting nagtutugma sa tugtog ng kanta na inawit naming dalawa.
At tuwing magsisimula ang awit, ako’y sumasabay… A-Ba-Ka-Da…
Ngunit hanggang ngayon, hanggang Da lang ang aking natandaan. Ang aking inay ay may katawa-tawang paraan ng pagkanta ng awiting ito. Matatapos siya sa Da, ipagpapatuloy sa Du at magsisimula ulit sa A at sasabihing “aking anak hindi kita sinukuan.” “A-Ba-Ka-Da-Du-A-Ba-… aking anak hindi kita sinukuan.” Hindi ko naunawaan ang kantahing ito at hindi ko inisip na unawain. Isang gabi, kumuha siya ng pluma at papel. Sumulat siya ngunit hindi ko ito nabasa. Ibinilin niya saakin na basahin ito sa tamang panahon. Hindi ko ito naintindihan pero talagang naghintay ako para sa sinasabi niyang panahon. Ilang taon ang lumipas, ngayon, ako’y nakaharap sa kanya(sa puntod niya), hawak ang papel na sinulatan niya noong ako’y munting musmos pa. Nakatingin ako sakanya, hinihiling kay Bathala na maibabalik ko ang mga taon na lumipas.
Isa. Dalawa. Tatlo. Onti-onting tumulo ang aking mga luha.
Umawit ako ng mahinhin… A… Ba… Ka… Da…Du… A… Ba… Aking inay, kailanma’y di kita sinukuan…
Ito na siguro ang tamang panahong ihinahayag ng aking mahal na ina. Binuksan ko ang papel na kanyang sinulatan. At saaking pagbuklat, ako’y nagulat at natulala. Mayroong labing apat lamang na salitang nakasulat dito. “Ang BAlakid ay KAkalat at DAdating. DUmating Ang BAlakid, aking anak hindi kita sinukuan.” Ngayon ay naunawaan ko na ang ipinararating ng aking inay. Gusto ko siyang kausapin sa huling pagkakataon para sabihin na salamat. Salamat sakanya kasi kahit na DUmating ang mga balakid ay tinuruan niya akong lumaban. Kaya ngayon, handa na ako sa mga DAdating na pagsubok dahil alam kong nasa tabi ko lamang siya.
The language used is filipino.
kingjay Mar 2019
Pupungas-pungas pa
Nasisilawan sa munting sinag
Di-makagulapay ang mga binti
Daig pa ang nakaratay na may sakit

Sa bawat umaga ay di pagkagaling
Tumighaw sana kahit na ang lumbay
Kung sa huni ng mga ibon ay naaaliw
makakagising nang may sigla at panibagong ginhawa

Ngunit nang minsan ang kaginhawaan ay nalasap
nanguluntoy ang pangarap
Sa tanghali na matindi ang bugso ng init
naranasan ang pagkapagod sa bukid

Hahayaan para sa kapakanan niya
na ang higad makisama sa mga paruparo na magiging siya
Huwag na dumapo sa dahon
na nagpakain noon
datapwat tumungo sa bulaklak ng palasyo

Pigilan ang tibok
Kahit parang buhos ng tubig sa talon
Ang ikamamatay ay siyang ikalulugod
Sapagkat sa kasaysayan ay napapako,
pinaparusahan ng panghihinayang
Paulo May 2018
Sabik na sabik sa bawat sandali na makita ka
Puso kong galak na nagsusumayaw sa tuwa
Mga mata kong nangungusap binabanggit na sana'y ikaw na nga
Ang tanging iibigin at sa puso ay sana di na mawaglit pa

Ika'y nakatalikod ng biglang lumingon
At ako ay nabighani na para bang wala ng kahapon
Sabay sigaw ng aking pangalan
Ako naman ay tumungo at ika'y nilapitan

Sa bawat pagdaan ng araw tayo'y nagkakausap
Mga mata kong di maipaliwanag ang kislap
Ako naman tong sobrang tuwa at laging nagsisikap
Upang mapasaya ka at balang araw ay mayakap

Gitara't awitin para sa unang akyat ng ligaw
Tsokolate at rosas para sa ikalawang dalaw
Ililibre ka ng paborito **** mangga at isaw
Lahat ng yan di ako mapapagod gawin

Umaasa sa matamis na oo na isasagot mo sakin
Mangangakong hindi ka sasaktan at lolokohin
Sa lahat ng kaibigan at magulang ay ipapakilala
Irerespeto kita ng taos puso at walang pagdududa

Ngunit lahat ng yan ay tila nagbago
Dumating ang isang umaga at ika'y biglang naglaho
Hindi nag paalam kung saan patutungo
Hanggang ngayon eto ang aking pusong nagdurugo

Ako ay di magsasawang mag hintay sa iyong pagbalik
Umaasang sayong pisngi ako'y makakahalik
At igugugol lahat ng oras at sandali
Di na mag dadalawang isip at mag aatubili.
Naranasan mo na bang umibig tas bigla nalang syang naglaho't hindi nag paalam? Check this out. By yours truly
hindi naman tayo ung palos;
kundi pangyayaring pilit ginagapos -
nagbabakasakaling may malimos
bagamat sa hininga'y kapos.

hindi ukol sa lamig ng haplos,
o matang walang rindi sa pagbuhos.
wag mangamba't mukha'y di busabos
tanong lang, bakit sobra'y di lubos?

Pinagmasdan ko ang iyong kilos,
Saan nga ba tumungo't may galos?
Sagot mo sa aking naghihikahos,
Gising sinta, ako'y tangay na ng agos.
fallacies Oct 2018
gusto kong tumakbo,
papunta sa direksyon mo;
at yakapin ka nang mahigpit,
yakapin ka ng pagkatodo-todo

gusto kong lumayo,
sa lahat nang ito;
at tumungo sa iyo
kung saan presko,
ang hanging hininga ko;
pagka't nasa piling mo

gusto kitang makita,
kung alam mo lang sana,
kung gano kalungkot ang buhay;
nang sa piling ko'y wala ka

gusto kitang puntahan;
gusto kitang kantahan;
gusto kitang halikan;
gusto kitang balikan

ayoko nang umalis;
ayoko nang saktan ka;
ayoko nang mainis;
ayoko nang iwan ka

kung alam mo lang kung gaano ko,
gustong tumakbo papalayo dito;
tumakbo papunta sa iyo,
mararamdaman mo ng todo-todo,
ang pagmamahal na bumubugso,
sa aking tumitibok na puso

gusto kong tumakbo
at sabihin sayo,
Liane, mahal kita
walang halong biro;
pawang lahat ng sinabi ko
sila ay totoo

— The End —