Ako’y modernong karpintero
Sa henerasyong baon sa utang,
Hindi pa man isilang,
Ang kamalaya’y limot at simot na.
Puros kalyo ang latay
Sa pares na kamay
Na ang sigaw ay pagbabago
Diktahan man kahit demokrasya pa,
Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.
May direksyon ang pagdisenyo
Pahalang sa kapwa-tao,
Samantalang ang kabila’y
Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa
Patungo sa ulap at bituin
Kung saan naroon raw ang Maykapal.
Narito ako sa kanilang tagpuan
Tatawid sa kalyeng hindi masilayan
Bingi sa sanlibutan
Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.
Narito ako,
Sa sentro’y may hanap-hanap
Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin.
Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan
Ramdam maging sa tadyang
Na akin daw ay pinagmulan.
Kung mararapatin lamang
Ng lupang minsa’y naging gintong bayan
Na pang-habambuhay siya’y lisanin
At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.
Walang karapatan ang takipsilim na uminda
Pagkat ang Haring Araw
Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal,
Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.
Niyapos ko ang buhok
At pinahid sa mansanas, sa mangga’t
Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.
Ako’y tumakas
Tangan ang sandata ng buhay;
Pakuwari ko’y walang himagsikan
Ang siyang muling sisiklab
Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.
Puting papel at plumang walang tinta
Ang iniwan sa akin ng Ama
Hindi ko mawari sa paanong paraan ba
Maililimbag ang isusulat nitong pluma.
Ngunit ang tukso
Na madungisan ang pahinang puti
Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari,
Alam ko, balang araw
Mapupunan ito, hindi ng salita
Bagkus ng larawang sa sansinukob
Ay hahagkan ang bawat nilalang
Itatas muli ang bandila -
Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.
(5/23/14 @xirlleelang)