Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Jan 2018
Kay tuling lumipas ang isang taon at ngayon ay panibagong buwan na naman ng Enero.

Isang hamon para sa akin ang baguhin ang nakasanayan ko tatlong dekada na ang nakalilipas -- ang maging masaya para sa sarili ko.

At sisimulan ko ito sa paggawa ng saranggola. Kasama ko sa paggawa at pagpapalipad nito ay ang aking nakababatang kapatid na ngayon ay labingtatlong taong gulang na.

"Ang galing mo namang gumawa. Ang laki na nang ipinagbago mo a! Dati ang tamad mo, ngayon masipag ka na sa paggawa ng saranggola," napahagikgik pa ako nang tuksuhin ko siya.

"Kuya, ang pagbabago ay hindi lamang sa isang laruan o bagay nagsisimula. Dapat sa sarili rin. Kaya kung may mga bagay kang baguhin sa sarili mo, simulan mo sa libangan gaya nitong paggawa ng saranggola. Kung saan nais ng puso **** maging maligaya ay doon ka," malalim ang kaniyang tinuran pero natuwa ako dahil may katuturan ang kaniyang mga salita.

Nang matapos naming gawin ito ay umakyat na kami sa pinakamataas na parte ng aming bukid dahil doon ay malakas ang hangin.

"Isa. Dalawa. Tatlo. Takbo na kuya! Takbo!" ngiting-nigiti ako habang tumatakbo paakyat ng bukid upang paliparin ang saranggolang hugis bituing gawa naming. Nang nakakalipad na ito ay hindi pa rin mawala sa aking mga labi ang ngiti.

Nasabi ko na lamang sa aking sarili ang mga katagang, "Simula pa lamang ito ng pagbabago sa aking sarili. Sisikapin ko at paninindigan ko ang panata ko na maging masaya hanggang sa huling hininga ng aking buhay. Gaya ng saranggolang matayog ang lipad ay magagawa ko ring lumipad paitaas maabot lamang ang tunay na pinapangarap ko at tunay na maging maligaya habambuhay."
Jose Remillan Oct 2014
Kagabi, napanaginipan ko ang
Unang pagtatangka nating
Abutin ang langit. Tumatakbo

Tayo sa isang malawak na
Parang, tangan ang huling
Saranggolang iaalay natin sa
Panganorin ng tag-araw.

Doon, panginoon natin ang
Kalayaan, kaya  nilimot natin ang
Bilin ng mga nakatatanda.

Sabay nating

Tinaboy ang ambon,
Tinawag ang hangin,
Tinaas ang saranggolang

Huling saksi na ikaw ay umibig
Sa isang ako.

Kagabi, napanaginipan ko ang
Huling pagtatangka nating abutin
Ang langit. Wala na ang malawak

Na parang, naparam na ang
Bawat bakas ng ako na umibig
Sa isang ikaw...
KRRW Aug 2017
Aanhin pa ang tula
kung tuyo na ang tinta?
Sa hangin pakakawalan,
palalayain sa Hangganan
Handog ng ulirat
na wala mang tinig, sumisigaw
Nakabalot sa liwanag
ng itim na araw
Isinilid sa baul
na pinalubog sa dagat
Balang-araw, lulutang
dala ang luhang may alat.
Para saan ba ang tula
kung walang nakaririnig?
Marahil... para sa mga dahong
sumasayaw sa tubig
Mga bangkang naghihintay
ng kahit kaunting ihip
Mga kamay na kumakawala
mula sa gumagapos na lubid.
Aanhin pa ang tulang
nakakulong na sa bibig?
Aanhin pa ang tulang
iwinagli na ng isip?
Paalam sa mga tulang
tinangay na sa himpapawid
Paalam, mga saranggolang
inari na ng langit.
Written
21 August 2017


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Arya Apr 2016
Para kang saranggolang maputi
Na nakatali sa aking mga daliri
Ngayon, nais kong lumipad ka muna, lumipad ka muna palayo sa akin
At ika'y sumabay sa hangin
Na pansamantalang hindi ka makita ng aking paningin
Masakit man talagang isipin
Ngunit aking paring kakayanin
Papasaan ba't mamawala rin ang sakit sa aking damdamin
Pero iyong tatandaan, hindi kita bibitawan
Kasi alam ko balang araw babalik ka at tayo'y muling magtatawanan
Dahil naniniwala ako na tayo'y nakatali sa sinulid ng ating pagmamahalan. :)
#saranggola
#sinulid
#pagmamahal
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
Elly Apr 2020
Isang saranggolang nasa himpapawid
at tila'y iyong puso ay kanyang tinawid
kanyang hatid ay puno lamang ng saya
walang ibang hangad kundi ang magpaligaya

Siya'y makulay at tila puno ng buhay
nagbibigay ng pag-asa sa bawat isa
Na sila'y makakakita muli ng ligaya
sa pamamagitan ng kulay na kanyang pinagsama-sama

Isang saranggola na siyang makulay
binibigyang kahulugan ang bawat buhay
pag-asa na kanyang binibigay
kaya't puno ng pag-ibig ang kanyang inaalay

Sa kanyang paglipad sa himpapawid
mag-iiwan ng isang mensahe
na ika'y magsilbing pag-asa
sa mundong hindi na natin mabasa

— The End —