"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"
Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.
Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.
Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.
Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.
Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"
Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.
"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."
Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.