Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Aug 2018
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.


Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.


Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.


Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.


Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.


Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.


Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.


Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.


Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.


Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.


Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Written
12 August 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Krysha Oct 2020
Labimpito ako nang unang matutunan
ang kaliitan ng pag-ibig.
Madalas hindi ito bulalakaw sa dibdib,
bumubulusok at rumaragasa.
Hindi paputok o dinamitang pailaw
sa dilim ng kagabihan ng pusong isa.
Hindi isang maringal na pagtatapat
ng katipan. Hindi isang pangako ng
isang libong bukas sa oras ng ngayon.
Hindi mga bibig na tumatapos ng
pangungusap ng isa.
Hindi mga katawan na lumulutang.
Labimpito ako nang magkaroon
ng aso sa bahay.
Labimpito rin nang magsimulang
maglagay ng tisyu
tuwing naggugupit ng mga kuko
dahil sa takot na masaludsod ang tuta
kapag hinayaang tumalsik ang mga putol
na kuko sa kung saang sulok ng silid.
Minsa'y pag-ibig ay tahimik sa gilid.
keneth Feb 2024
Itim, malambing. Mga matang aking hambing
Nakatuon, nakatingin sa kanilang nakaw na sining
Isang ako, taimtim, mas tahimik pa sa gitling
Suot ang ngiting tila hiling akong ilibing

Ako't ako, nakatingin sa akin.
Takot akong tumingin sa akin.
Sangkot ako sa kaniyang adhikain
Kumakatok sa'king damdamin

Ilog ng luha, rumaragasa
ba't nga ba 'di mo na 'ko kilala?
Akong kasama mo mula simula
Ako't ako'y di ko na kilala.
Taltoy Mar 2018
Hinaharap, tadhana,
Kinabukasang sino ang maygawa?
Ano nga bang napapaloob,
Sa bugso ng damdaming may kidlat at kulog.

Lahat, balot ng katanungan,
Lahat, di nauunawaan,
Lahat, walang kasiguraduhan,
Mistulang ang lahat pagsisisihan.

Nakakatakot nga namang magkamali,
Mapait, mapupuno ka ng pighati,
Masusugatan, manghihinayang,
Sasabihing “kung di nalang sana nagpakamang-mang”.

Kabalighuan ba ang magbakasakali?
Ang paghingi sa’yong kamay ay isa bang pagkakamali?
Pagmamahal sayo’y di ba nagbunga ng maganda?
Damdamin ko ba’y nagpagulo sa isip mo sinta?

Ikaw ang nakakaalam nyan,
Ikaw, ang iyong puso’t isipan,
Ikaw ang magpapakalma,
Sa unos na kasalukuyang rumaragasa.
owt Jun 16
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga sugat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.




𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝒶 𝒹𝒾𝓃𝒾𝑔 —
kailangan lang
pakinggan muli.
#2

— The End —