Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
Tinatamad ako hindi ko magawang tipahin ang tiklado ng aking computer.
Inaantok ako malamang kinakapos ng oxygen ang utak ko kaya ganito.
Pero ang diwa ko’y gising at gustong sumulat ng tula hindi ito nakatulala.
Anong tula ang susulatin ko? Tungkol ba sa’yo at sa pagsinta nating tuyo?
O patungkol sa bayan kong minamahal na walang utang na loob sa malasakit ng iba?
Ang bayan o ang aking pag-ibig sa’yo alin sa dalawa? Ewan ko nalilito ako.
Pareho kayong mahalaga, pareho ko kayong mahal, pero alam ko na pareho din kayong mawawala. Bakit ko sasayangin ang aking mga salita? Bakit kailangan ko pang ialay ang bunga ng aking kaisipan kung sa bandang huli ito ay mawawalan lang ng saysay?

Hayaan **** mag-diskurso ako kahit sandali lang mahal ko.

Ilan tula na ba ng aking sinulat para sa bayan kong sawi at laging alipin ng mga walang turing at pakundangan, may nangyari ba? Wala naman diba? Walang saysay ang pagliyag ko sa bayang ito na laging lumuluhod at sumusunod sa mga dayuhan. Itong bayan na sa kabila ng kanyang paghihirap at dalita ay laging nangangamuhan at humahalik sa paa ng mga kapitalistang ganid. Ang bayan ng mga taong mahirap paniwalain sa totoo pero madaling bolahin ng mga pulitikong hunghang. Ito ba ang bayan na aking iibigin?

at ikaw naman mahal ko

Batid mo'ng iniibig kita alam mo yan pero para saan ang aking pagliyag sa’yo kung mawawala ka rin sa akin? Oo naman nasasabik ako lagi sa’yo, gusto kitang yakapin, halikan at makasiping sa buong magdamag hanggang sa bukang-liwayway. Pero hanggang kailan ako mananaginip ng gising at mananabik saiyong piling gayong alam ko na hindi ka naman talaga magiging akin sa habang panahon?

Marami ba akong tanong? Pasensya kana ganun talaga ang isang makata, nabubuhay s’ya gamit ang mga salita at tandang pananong.

Pero sige magsusulat ako ng isang tula para sa’yo at para sa bayan ko. Magsusulat ako kahit alam kong walang magbabasa nito. Magsusulat ako at aasa na parang hangal, aasa na may babasa at maniniwala sa aking mga salita. Ipapahid ko ang utak at damdamin ko sa papel na tulad sa isang nababaliw. Magsusulat ako dahil tungkulin ko ito, magsusulat ako dahil alipin ako nito, magsusulat ako dahil ito lang ang alam ko at higit sa lahat magsusulat ako dahil ito ang buhay ko.

Iaalay ko sa’yo mahal kong marupok at sa’yo bayan kong walang utang na loob ang aking tula kahit inaantok at tinatamad ako.
kingjay Dec 2019
Humahagibis ang hangin sa dalampasigan
Kaya ang mga dahon nagsisipagaspasan
At kung tumila ang simoy ng Amihan
Alaala'y bumabalik nang walang pakundangan

Mahamog na ang kapaligiran
Malamig na rin ang kaparangan
Sa pagtaas ng alon sa aplaya
Ay sumasabay ang pagbubuntong - hininga

May saliw ang karoling
Himig ng pasko'y umaadya sa damdamin
Ngunit pansamantala ang dulot na aliw
Sa maghapong pangunguyumpis

Hindi na bumubuka ang bulaklak
Ng itinanim kong Rosas
Hindi na gaano maliwanag ang kislap ng tala
Dahil ba sa hukluban na't yumuyukod
O nasisiphayo ng pag-ibig

Ang pangakong hindi maghihiwalay
ay kanyang tinalikdan
Ngayon nag-iisa na humihimlay
Kasama ang yakap ng lumbay

Hindi ko kailangan na manimdim
Sapagkat tunay at wagas siyang inibig
Bakit taliwas ang bawat wakas
At maunsiyami sa mga hiraya

Saan-saan na lang ibinaling ang paningin
At iniba ang hilig
Ngunit sa paghinto ng paghalakhak
Hindi ko maiwasan ang umiyak

Nalugami sa pagmamahal
At kung mabuksan muli ang puso
Malaman niya sana na siya ang dahilan
Ng paghibik sa pasko
Eugene Feb 2016
Hindi ko kailangan ang kasikatan,
Kung wala naman akong kaibigan.
Kaibigang lagi kong maaasahan,
Sa pighati man o kakulitan.

Hindi ko kailangan ang kasikatan,
Kung pamilya ko'y makakalimutan.
Hindi ko sila pwedeng pabayaan,
Sa kanila po nanggaling ang katalinuhan.

Hindi ko kailangan ang kasikatan,
Kung Diyos ay aking lalayuan,
Sisisihin kapag may kasalanan,
At iiwan ng walang pakundangan.
JOJO C PINCA Nov 2017
kumikinang ang mamahaling parol na nakadambana sa bintana ng mansion na nasa loob ng isang malaking subdivision. nagniningning ang patay sindi nitong kulay na umaaliw sa balana. salamat sa malaking pakinabang na kanyang kinita nang walang anomang pakundangan sa dugo at pawis ng mga abang manggagawa.
nasa kanyang sala naman ang mataas na Christmas Tree habang sa paanan nito nakahandusay ang kahon-kahon na magagarbong mga regalo. malayong-malayo ito sa barung-barung ng mga nagtitiis sa siphayo ng dusa at karalitaan.
ang mahabang lamesa na nasa kanyang komedor ay talagang pinagpala sapagkat nakapatong dito ang hiniwang hamon, keso de bola, spaghetti, carbonara, lasagna, ubas at ang lahat ng masasarap na pangarap ng isang batang kalye na kumakalam ang sikmura habang tinitiis ang ginaw ng Disyembre.
matapos ang kanyang masaganang Noche Buena ay mauupo sya sa kanyang malambot na sofa na di halos mabilang ang libong halaga. dun n'ya iinumin nang buong pagmamalaki ang mamahaling brandy o di kaya naman ay whiskey.
katabi ang kanyang pamilya sabay-sabay silang manonood ng misa habang nakatuon sa higanteng flat screen na telebisyon. ang homily ng ingleserong pari ay patungkol sa pag-ibig sa kapwa at pagbibigayan.
kingjay Dec 2018
Ang maikling kasaysayan ay pilit kinakalimutan
Nang nahulog sa bangin ng nakaraan
itinali sa leeg ng walang pag-aalinlangan
ang maiksi na lubid na pinanghahawakan

Kumikinang na perlas ng silangan
namumukod-tanging mutya sa dalampasigan
Nang makatakas sa karagatan
Di na bumalik sa kinagisnan

Papalubog na ang araw nang hindi namamalayan
Ang liham nito'y kanyang huling alab
Yugto ng masamang pangitain
kung kailan dadapo ang mga paniki

Nagsilbi na piring sa pagsapit ng Biyernes ang takipsilim
Sa walang pakundangan pugon
Nagliyab ang lunggati ng pangangalit
Marahas na pagbati nito ay pasakit

Ang simpatiya ay kumukupas
Sa trahedyang sumira
Nang wala na makakapitan sa pag-aagaw buhay
Walang paghikbi sa kapaligiran
Labis na kasawian
Euphoria Sep 2015
Tama na dahil masakit na
Masakit na ang hawakan ka pa
Hawakan ang mga pangarap na minsan nating pinagsaluhan

Tama na dahil ako'y pagod na
Pagod na sa pag-alam ng iyong dahilan
Sa rason kung bakit nga ba ako'y nagawa **** iwan

Tama na dahil sapat na
Sapat na ang mga luhang pumatak at pinagdaanang sakit
Mula ng mawala ang iyong malasakit

Tama na dahil tapos na
Paulit-ulit na sinasabi sa sarili na tapos na ang 'tayo'
Ang minsang ako na ninais maging sayo

Tama na dahil ayoko na
Ayoko nang umasa sa mga pangakong napako
Mga pangakong naiwang hanggang salita na lamang

Tama na dahil ako'y bibitaw na
Tulad ng walang pakundangan **** pagbitaw
Sa tayo na naging ako at ikaw at naglaho noong naisipan **** umayaw.
Ilang beses ko na nga ba sinabing tama na?
Nagtago ang mga parilya sa kalupaan
Habang sila'y kusang nagpahimlay sa pagsisilbing lakas t tuntungan
Siguro, naisip din nilang ayos lang mapasailalim
Kung ito nama'y marangal at bubuo sa bukas at ngayon.

Habang sila'y sama-samang ipinagbibigkis
Ay mas lalo silang nakatatamo ng sugat mula sa isa't isa
Hindi nila ininda ang dumi o kahit na ang agos
Na posibleng yumurak sa kanilang mga pagkatao.

Sa aking pagtingala mula sa pagkasisid sa kalaliman ng kanilang mga adhikain
Ay nasasaksihan ko ang pag-usad ng mas matitibay pang haligi
Na dito sa ating baya'y may iilan ding tunay na tatayo
At nanaising maging tuntungan ng iba para sa higit na pagsulyap sa araw
Sila'y kapit-bisig sa pag-aalay ng dugo't pawis
Para sa ikuunlad ng kabuuan.

At unti-unting mahuhulog na tila nagkakalansingang mga barya
Ang mga may buo ang loob.
At sa pagbibilang ko ng mga araw ay walang pakundangan silang magiging isa
At malilimot na rin ng iilan na minsan, sila'y may pagkakaiba --
Na minsan, sila'y pinulot at hinugasan
At ngayon sila'y nagbago mula sa pagiging kupas na larawan.
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
Jamie G Dec 2015
Tama na* dahil masakit na
Masakit na ang hawakan ka pa
Hawakan ang mga pangarap na minsan nating pinagsaluhan

Tama na dahil ako'y pagod na
Pagod na sa pag-alam ng iyong dahilan
Sa rason kung bakit nga ba ako'y nagawa **** iwan

Tama na dahil sapat na
Sapat na ang mga luhang pumatak at pinagdaanang sakit
Mula ng mawala ang iyong malasakit

Tama na dahil tapos na
Paulit-ulit na sinasabi sa sarili na tapos na ang 'tayo'
Ang minsang ako na ninais maging sayo

Tama na dahil ayoko na
Ayoko nang umasa sa mga pangakong napako
Mga pangakong naiwang hanggang salita na lamang

Tama na dahil ako'y bibitaw na
Tulad ng walang pakundangan **** pagbitaw
Sa tayo na naging ako at ikaw at naglaho noong naisipan **** umayaw.
12-22-15 × 2:06AM
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
Lauren Librada Sep 2015
Eto na naman ako
Nababalisa, hindi malaman kung hihiga o uupo
Buong araw na akong ganito
Hindi malaman kung nasiraan na ba ng ulo
Ibang klase talaga kapag tinamaan
Sino ba talaga ang may kagagawan?

Para akong sago
Habang ikaw naman ay gulaman
Dalawang bagay na magkaiba
Ngunit swak kapag pinagsama

Pero saglit, teka, taympers ako'y naguguluhan
Ano ba talagang meron saiyo babaeng nilalang?
Puso ko'y nabihag mo ng walang pakundangan
Alaala kapag kasamay ka ay hindi ko malimutan

Ang iyong ngiti ay walang kaparis
Mga tingin na sobrang tamis
Makasama ka lang ay parang nasa alapaap na
Tunay ngang hindi makakalimutang tumawa

Kung mabasa mo man ang tulang ito
Eto ang sasabihin ko saiyo:
Gagawin ang lahat para lungkot mo ay mapawi
Dahil ang tanging gusto ko lamang
Makita ang ngiti saiyong mga labi
cherry blossom Sep 2017
at muli kitang nasilayan,
tumingin ng walang pakundangan
walang makitang pagsisisi sa mga sulyap ng nakaraan
pumikit at nagkunwaring hindi ako muling nawalan

at hindi, hindi ako nawalan ng kamay na makakapitan
hindi isang kanlungan na una **** inalok noon sa ulan
naaalala pa noong handang handa kitang awitan
nawiwili ka sa himig ng aking kalungkutan

isang awit na sa akin ang una **** kinuha kasabay ng iyong pag-alis
isang kulay sa espektrong makitid
kasabay ng pagdiin sa mga naghihilom na sugat
at ang pag-apak sa araw na pasikat sa guhit-tagpuan

sa lahat ng iyong tinangay sa paglisan
maraming bubog ang iyong nakaligtaan
mga patalim na ilang taon nang iniiwasan
binigyan ng rason para limutin ang pag-asang kinapitan
Para sa tilamsik na akala ko ay dagat
09/16/17
JOJO C PINCA Nov 2017
Hindi naging maramot ang iyong pag-ibig sa akin
Kailanman hindi ako kinapos at nangailangan.
Hindi ko na kailangan pang manghingi sapagkat
lagi kang handang mamahagi.

Kahit nung ikaw ay nasaktan
hindi mo ‘ko sinumbatan.
Hindi pinatawan ng kaparusahan.
Sukdulan man ang katampalasanan
at kawalan ko ng pakundangan.

At nung iniwan na nga kita ay aking nakita
Ang luha sa’yong mga mata.
Subalit hindi mo ako inaway at hinadlangan,
‘pagkat ganyan ang pagsinta mo sa akin
malaya at maunawain.

— The End —