Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
Walang eksaktong kahulugan ang buhay, ang buhay ay buhay ganun lang kasimple yun, walang itong drama at lalong hindi kumplikado. Masdan ang galaw ng kalikasan. Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog ito pag hapon na. Ang buwan ganun din sumisinag ito sa pagsapit ng gabi at nagkukubli pagdating ng bukang-liwayway. Ganito rin ang mga bituin, lahat sila kumikilos nang ayon sa kanilang galaw at katalagahan. Kumbaga sa musika rock sila pero simple lang. Kalmante lang ang dagat pero minsan maligalig din s’ya kung kinakailangan. At ang hangin walang humpay sa kanyang pag-ihip.

Walang kahulugan ang buhay sapagkat tayo ang gumagawa ng kahulugan ng sarili nating buhay; tayo ang lumilikha ng sarili nating kasaysayan. Tayo ang pumipili ng sarili nating kahulugan. Doktor ka ba? Manggamot ka nang buong husay, sagipin mo ang maraming buhay. Sundalo ka ba? Makipaglaban ka nang buong giting, ialay mo ang buhay mo para sa bayan. Nagsusulat ka ba? Magsulat ka nang buong puso nang magliwanag ang isipan na malabo. Kung ano man ang napili mo’ng gawin, gawin mo ito nang buong galing. Kung umiibig ka naman, umibig ka nang buong tapat at iaalay mo sa iyong sinta ang lahat. Maging mabuti ka sa kanya, mahalin mo s’ya nang higit sa lahat.  

Walang kahulugan ang buhay, ‘wag mo itong hanapin sa relihiyon dahil wala ito roon. Panay kaulolan lang ang matutuhan mo sa mga nagbabanal-banalan at nag-aaring ganap, na kung umasta at magsalita akala mo ay kahuntahan nila ang Diyos. Wala rin ito sa pamahalaan at mga lingkod bayan kuno, lalong wala ito sa dami ng yaman.

Walang kahulugan ang buhay tulad sa isang tapayan na walang laman kailangan mo itong sidlan. Hindi bukas kundi ngayon ang panahon ng pagsalok ng kaalaman at karanasan kaya ‘wag mo itong sayangin. Walang kahulugan ang buhay ‘pagkat ang buhay ay isang kawalan na kailangan mo’ng punuan. Tulad ito sa blankong papel na kailangan mo’ng sulatan. Isang hiwaga na kailangan ikaw ang tumuklas. Walang kahulugan ang buhay basahin mo man ang lahat ng aklat at kahit pakinggan mo pa ang lahat ng talumpati sa mundo hindi mo ito makikita.

Walang kahulugan ang buhay ‘wag **** pagurin ang sarili mo sa paghahanap nito. Ang kahulugan ng buhay ay nand’yan sa loob ng puso mo. Kung saan ka maligaya naroon din ito. Aanhin mo ang maraming diploma at pagkilala kung hindi ka naman masaya? Ano’ng saysay ng mga palakpak kung huhupa rin pala ang mga ito? Hindi mo makikita ang kahulugan ng buhay sapagkat kailangan na ikaw mismo ang gumawa nito.
Donward Bughaw Apr 2019
Anong galak sa mukha
ang masabitan ng gintong medalya
at mabigyan ng sertipiko
habang ang pangalan ay tinatawag
sa sira-sirang mikroponong ibig tumutol
sa pagkilala
ng mga huwad na gurong
karamihan ay alipin
nang bulok na sistema ng paaralang
pinanahanan ng mahika-
ng mga baboy at buwaya!


© 2019
Masarap mabuhay nang puno ng mga pagkilala. Subalit, deserve mo ba talaga? O isa na naman itong ilusyong bunga lamang ng mahika.
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
AK na Makulay Nov 2019
Sa mata nila, ako'y walang saysay
Sa mata nila, ako'y walang boses
Sa mata nila, ako'y walang karapatan
Sa mata nila, ako'y isang pagmamay-ari

Hanggang kailan ko tatamuhin ang ganitong katayuan
Ang pakiramdam na para bang wala akong kahalagahan
Dahil sa ako'y mahina, maamo't inosente
ay wari bang inaangkin n'yo na ang katauhan ko?

At sa hindi inaasahang pagkakataon
itinaas Mo ang mga gaya namin
at sinabing sa amin naghahari ang Diyos,
lumundag ang puso ko sa tuwa

Pinatayo mo kami sa kagitnaan ng mga mas may dunong at kapangyarihan
Ang pagkilala mo at pag-ibig mo sa bawat isa
Lalong lalo na sa mababang gaya namin
ay tunay naming 'di maarok

Sa pamamagitan namin, binasag mo ang tradisyong nagpapaalipin
at inimulat kami sa tunay na kahulugan ng kapakumbabaan
at nang tunay na kahulugan ng kaharian ng Diyos
sa iyong halimbawa at aral, maraming nagulantang..

Hinayaan mo kaming lumapit sa Iyo
At ikinintal ang iyong iniwika
Na ang sinumang 'di tumulad sa isang maliit na bata
sa pagtanggap sa paghahari ng Diyos
ay hindi mapapabilang sa mga taong pinaghaharian niya.
Mateo 19:13-30
aL Feb 2019
Malaya ang iyong kaluluwa na makasama ang mga naturing **** bahaghari ng iyong buhay, magpakasagana ka sa katuwaan, ngunit huwag palilinlang.

Mga mata **** huwag sana paaalipin sa hindi makatarungang kanilang nakikita. Higit pa sa makikita mo sa salamin ng iyong pagkatao, ang unang hakbang ay iyong pagkilala sa iyong sarili. Ngunit huwag palilinlang.


Kamay mo nawa ang siyang unang magaakay saiyo sa paggawa ng tama, magtatapon rin nawa ng lahat ng bakas ng kasamaan, at huwag kang palilinlang

Ang iyong isip ay gawing mapanalig sa pawang makatarungan lamang, ilayo ang iyong sarili at bigyan ka nito ng kasarilan nang hindi ka malinlang.

Kapwa, isa ka sa kaunting dahilan ng ating pagsibol. Magsisimula sa iyo ang pagbabago. Huwag nang hanapin pa ang katotohanan, sapagkat nariyan na sa iyong harapan.

Huwag itapon ang biyaya at karapatang maka-kita ng tama, maka-tutol sa kamalian, maka-pigil sa nangaapi at maka-gawa ng mabuti.
Bb Maria Klara Jan 2021
Ikaw ay isang pambihirang hika
na hindi mailarawan sa anumang wika;
Ang pagnais sayo ay tulad ng ubo,
Sa pagsikip ng dibdib ikaw ay tumubo.

Ang pagtanging naganap ay bukod tangi at
mainit, tila isang pagsibol ng lagnat.
Pangalan mo ay pahirap sa aking lalamunan
daig pa likidong apoy sa matinding inuman.

Tila ako'y nawalan ng panlasa,
sapagkat napaibig sa irog ng masa.
Na-abisuhan man lamang sa idudulot na sakit
ng hamak at panandaliang pagkaakit.

Walang manggagamot ang nakakilala sa kaso
nitong nakakawalang-hiyang trangkaso.
Walang mabuting dinulot sa katawan:
sinumpaang pangangailangan lamang ng laman.

Nawa'y ang pagkalalin ay hindi nakahahawa
sapagkat sa ngayo'y mag-isang tumatawa
dahil sa pagtangkilik lamang ng mga alaala.
(Isa sa mga sintomas na talagang lumala.)

Sa kabila ng pagkilala na ito'y sakit lamang sa ulo;
ipinatili hanggang sa luha ay tumutulo.
Itinuloy ang pananabik sa tuwina,
kunwari ang gawain ay ligtas na bitamina.

Ang ibubunga ay malalaman lamang sa wakas
kung sasapat pa ba ang natitirang lakas
upang sugpuin ang delikadong damdamin
at ang sariling katinuan ay panatiliin.

Sa kabila nga ba ng mga dinanas,
may matatagpuan bang ganap na lunas?
Upang lahat ng aspeto'y manatiling malusog
at sa karapat-dapat na lamang ang loob ay mahulog?

Masakit na uri ng pangangalaga,
ang payapang makakamit ay mahalaga.
Wala lamang ito sa sapat na distansya;
kailangan rin ang pagpaparaya.
2019 was the year of the heartbreak that I thought was going to **** me. 2020 was the year of the virus I thought was going to **** me. 2021 cannot POSSIBLY be worse; this is me synthesizing both killer life experiences thanks
bartleby May 2018
Sabi mo, walang magbabago
Pero ngayon, halos hindi na kita makilala
Hindi mo lang ako basta isinabay sa iba
Ipinagpalit mo pa ako
Hanggang sa tuluyan mo na akong kinalimutan

Sabi mo, walang magbabago
Pero ngayon, ibang-iba ka na
Minsan, tinatanong ko ang sarili ko
Katulad ng pagtanong ni Liza Soberano kay Enrique Gil
“Pangit ba ako?”
“Kapalit-palit ba ako?”
“Am I not enough?”

Dati, halos walang makapaghiwalay sa ating dalawa
Ang sabi mo pa, “Ikaw lang at wala nang iba pa”
Ako mismo ang naging kaagapay mo sa pagkilala mo sa kanila
Pero bakit ako mismo ngayon ang nawalan ng halaga?
Bakit ako mismo ngayon ang hindi mo na binibigyang pansin?
Nagpaka-layo-layo ka’t ibinaon ako sa limot
Ibinaon mo ako sa kahapon
Kung saan kasama ko ang mga iba mo pang itinapon

Pero tama na
Tama na ang pagiging Liza Soberano
Hindi na kita kukulitin at magtatanong ng isang milyong bakit
Hindi rin ako magiging si Piolo Pascual
Na hihingi ng explanation at acceptable reason
At lalong hindi rin ako magiging si Bea Alonzo
Na hihilingin na “sana ako na lang ulit”

Dahil tanggap ko na
Hindi ko na hihingin pang ako lang ang piliin mo
Magpaparaya ako’t papayag na isabay mo sa iba
Isa lang ang hihilingin ko
Na sana ‘wag mo akong tuluyang kalimutan
Na sana ‘wag mo hayaang tuluyan akong mawala sa buhay mo
Dahil gaano man kahabang panahon ang lumipas
At gaano man karami ang nagbago sa pagitan nating dalawa

Ako pa rin ang tunay na laging andito para sa’yo
Ako pa rin ang Wikang Filipino na kahit nagbago man, ay nandito pa rin at nananatili para sa’yo
A poem about the Filipino Language written for my students to perform on our celebration of Buwan Ng Wika, year 2017

— The End —