Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Krysel Anson Sep 2018
Dito sa Lungsod ng mga siksikang tren
sa umaga at sa gabi ng paglubog sa mga makinarya,
Ang sentro ng  pabrikang papel at usok, na buong bilis
sa inaliping katapatan at tapang
ay naninirahan palagi sa piling
ng mga madaming mga ipis at daga.

May nalilimutan na mahalaga tungkol
Sa tahimik na hele ng mga flourescent na ilaw, kaalwanan
ng mga matatayog na pangako ng condo't bagong mga kainan, magagarang mga pabuya.
Mga panibagong mga tagisan ng lakas
sa mga makabagong Coliseum ng Roma,
sa bawat amoy ng dugo at bagong silang.

May tipo ng sukal na wala sa mga gubat, at tunog ng mga
malalakas na putok ng baril na wala sa digmaan.
Tila sa kahit anong panahon, mag-alsa man mismo ang Kalikasan
at magpadala ng Tsunami,
magpalindol at magpaputok ng bulkan
sa panahon ng kakaibang asul at pula na buwan
sa pagkakabuwal ng bagong bilang
ng mga magsasakang sa mga mass-suicide
mula India, Korea, at Pilipinas dahil sa di-pantay
na mga batas kalakalan:

Ipadala man ng mga makata't hukbong
gerilya ang kanilang pinakamatikas at
pinakamatatapat na mga bilang sa mga pagsubok
ng panibagong mga pag-aaral at pagsasapraktika,
maaaring Puting Elepante din ang
hindi sasapat ang kabayaran para sa mga utang
na dapat matagal nang nabura at naigpawan.

Mula sa lakas at pwersa hindi lang ng mga diyos
ng mga sari-saring pampulitikang mga pormasyong nagdidirehe
sa mga kilos ng mga taong kapit na sa patalim,
Kung hindi mula din sa lakas ng mga nangahas mabuhay
at lumikha ng mga paraan para makapagpatuloy na
makapagaral ng sariling pagkamulat:

Ang kaaway na papel na salapi o papel na tigre
ay nilikha din ng tao para din lamang
maunawaan ang mga sariling kahinaan,
mamulat sa mga repleksyon ng mga nagbabagong
sarili sa gitna ng unos, upang matiyak ang yapak at
mabuo ang mga hanay at kahandaan ng mga
unang hawan, at huling mga walis.
Ang mga kalabisan ay para lamang mapatingkad
ang kahinaang dala ng kasaysayang nagluwal,
ang kawalan ng pagpapahalaga sa binubuhay na mga palitan.#
English Translation to follow.
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Poti Mercado Jan 2018
Puno ng init ang unang higop ng kape
Nakakapaso ngunit ramdam mo ring gumuguhit ito sa iyong mga ugat
Hanggang sa umabot na ito sa iyong pusong bumibilis na ang pagtibok
Sa iyong mga kamay na walang tigil ang panginginig
Sa iyong mga matang mulat na mulat sa hating-gabi
At sa iyong mga bibig na nananatiling bukas at handang sabihin ang lahat ng ninanais

Ngunit sino ba ang iyong kape?
Ang nagbibigay sa’yo ng panandaliang lakas?
Sino ba siyang nagiging rason para manatili kang gising sa gabi kahit gustong-gusto mo nang matulog?
Sino ba siyang nagdudulot ng matinding panginginig sa iyong mga kamay at tuhod sa tuwing nakikita mo siya?
Sino ba siyang nagpapabilis ng pagtibok ng iyong pusong naghahanap lamang ng panibagong taong mamahalin habang inaantay **** mawala ang paso sa iyong dila na nadulot ng iyong nakaraang baso ng kape na punong-puno ng pait?

Ayan na’t naglalakad na siya papunta sa’yo
Inaantok ka pa at walang kamalay-malay na nariyan na pala siya
Papalapit nang papalapit hanggang sa nauwi nang magkahawak ang inyong mga kamay at ayan na naman
Ang pagbilis ng tibok ng iyong puso
Ang walang tigil na panginginig ng iyong mga kamay
Ang pananatiling bukas ng iyong mga mata
Kahit gusto na nitong pumikit, magpahinga, at mamaalam na sa ginagalawang mundo

Ngunit tulad ng epekto ng kapeng iniinom mo araw-araw
Papawi rin ang pananabik at pagkamulat ng iyong mga mata
Mapapagod din ang iyong pusong nalasing na sa dami ng kapeng iyong nainom na akala mo’y matamis ngunit nag-iiwan din pala ng mapait na bakas sa iyong mga labi
Titigil din ang panginginig ng iyong mga kamay
Sadyang panandalian lang at hinding-hindi na tatagal
Sapagkat siyang kape na nagbibigay sa’yo ng lakas
Ay siya ring kape na inubos mo hanggang sa huling patak
kingjay Jun 2019
Sa kumpas ng mga kamay
Yaong mapapanood
Hihinto ang oras
Kasabay ng delubyo
Tila nasa sentro ng mata ng bagyo

Tangan ang manika
na pinatakan ng dugo
Isinuob at ang usok
na umilanglang ay nakakahilo

Malapit na maghating gabi
Habang namumula ang buwan
Isang salita na lng isasambit iyon
Ay ang pangalan
Maghahari ang sumpa na di
Maglulubay

Ngunit sa kahu-huling minuto
Ay ang sandali
Nang pagkamulat sa kapakanan ng minamahal
At di sa pansariling pagkagusto at pag mamay-ari
Kapatawaran sa Diyos ay inihiling

Nang biglang may kulog at kidlat
Kasabay ng malakas na hangin
Parang may nagalit
Gamunggong patak ng ulan sa pisngi
Tila may mabigat na pasanin
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
Leslie Jade Sep 2021
sa rami ng tulang nilikha
panaghoy ang tila namamayagpag
emosyong natatakpan ng mukha
ay patuloy na binabagabag

madalas ay natatapos sa lungkot
madalang na naguumpisa sa saya
bawat linyang kataga'y puot
tila walang dinudulot na ligaya

sa daang salita na kayang bigkasin
nasaan ang malalambing na parirala?
sa bawat boses na nais kalasin
kailan ang araw na maaabot ang tala?

May dalisay nga ba sa mga letra?
May pag-asa nga ba sa mga talata?
muli nga bang darating ang saya
sa paggising ng bagong hiraya?

Marahil ay unti-unti, hindi bigla-bigla
yayakapin nang mahigpit, dahan-dahan
upang ituloy ang naudlot na sigla
upang magmistulang sarili ang tahanan

Gaya ng dapit-hapon ay manlalamig
ngunit sa bukang-liwayway, gugunitain
sarili ang maging unang daigdig
pagkamuhi ay tuluyan nang palayain

kaya't sa bawat salitang isusulat
yakapin ang letrang namumukadkad
darating ang araw na muling pagkamulat
masisilayang muli ang ligaya sa paglipad
Patricia Balanga May 2017
Nagpalit ang mga numero sa aking relo
Bigla itong tumunog at nabahala ako
Labing-isang minuto makalipas ang alas onse na
Oras na para humiling na ika'y muling makita

Lumipas na ang apat na buwan
Mula nung aking sinimulan
Pagtigil at pagpikit ng mga mata
Nangangarap, humihiling na magkatotoo nga

Ikaw, oo ikaw, ang rason kung bakit
Isang minuto akong nakatingala sa langit
Hiling na makasama ka kahit ilang sandali
Makita ka lang ay kumukurba ang aking lahi

Dumating ang panahong ikinalulungkot ko
Kawalang pag-asa sa buhay ay naramdaman mo
Dahil doon nag-iba ang aking hinihiling
Sana'y maging masaya ka kahit ako'y wala sa 'yong piling

Bawat hiling ko ay laging tungkol sa'yo
Hindi na iisipin kung may lugar ako sa puso mo
Sana naman hindi maaaksaya
Hiniling ko sa langit na ika'y maging masaya na

Lumipas ang ilang taon, ikaw pa rin talaga
Ang tanging hinihiling na makasama
Muli akong pumikit at humiling
Pagkamulat ng mga mata'y ika'y dumating

— The End —