Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AUGUST Sep 2018
Sa loob ng jeepney, akoy may kursunada
Ang babaeng gustong makilala, medyo suplada
Biglang tinanong nya ako, “bakit may itatanong ka ba?”
Kaya sagot ko, “wala akong itatanong, pero may kaba”

Kaba sa dibdib, dahil sa binigyan ako ng pansin
Mula sa binibining suplada at di ko yun akalain
Na magpapasaya at bububuo sa mahabang araw
Nang minsang napatingala sa kagandahang natanaw

Dagdag ko, “Magbayad na tayo”
Sabi nya, “bayad lang walang pang tayo”
Sinabi ko ulit “Miss, pwede namang pambayad ang ngiti,
(bakit?) kasi yung 500 mo wala silang panukli”

Sa loob ng isipan koy tumutula,
Sa labas ang mga mata koy natutulala
Nabighani ng ganda at napahanga
Di ko napapansin tulo laway labas dila

Ngunit sa mukhang tila nakasimangot
Napansin ko sa mga mata’y may lungkot
Kaya Ang magpasaya, kahit papano ay aking ginawa
Nang Minsan sana’y dumampi ang ngiti, at magbigay ng tuwa

Ginawa ko na ang simpleng galawan
Inaabot ang bayad, upang kamay nya ay mahawakan
Gusto ko din sanang malaman ang kanyang pangalan
Baka may pagasa kung sya ay liligawan

Wala man akong pera, mahalaga masaya
Wala man akong pera, basta katabi ko maganda
Wala man akong pera, basta wala akong sakit
Wala man akong pera, basta kami ay nagkalapit

Aking naalala, aking naalala.....
Wala pala talaga akong pera
Ni piso isa, wala sa bulsa
Pano na? Pano na?

Kaya ang ending ng love story,
Mamang tsuper I’m sorry
Pagtumigil na tong byahe,
Takbo sibat, handa na akong mag 123....
“magnda pala lahat ng aking tinitingnan
Kung larawan mo ang lang nakaharang”
-August

naisipan ko lang ang tulang ito dahil sa dami ng magagandang babaeng nakatabi ko sa jeepney na nahumaling ako. Masaya talagang mag commute lalo na kung may magandang katabi.
JK Cabresos Jul 2016
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,
at ipahayag ang nilalaman
ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin
ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan
na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo
sa sinasabi ng ibang tao,
dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon
para umibig nang wagas
o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta
sa kung sino man ang ititibok nitong puso,
hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo,
dahil ayaw ko lang mawala
ang pagiging pribado ng ating relasyon,
sapat na sa akin
ang itago mo ang mga litratong ‘yan,
at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,
hindi ko sila papansinin,
hindi kita niligawan
nang mahigit isang taon para saktan lang,
wala akong **** sa kanila,
ikaw ang mahal ko,
oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka,
kung anong mayro’n at wala sa’yo,
dahil mahal kita.
Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.
Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  
sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ito isang antigong alahas  
na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa
o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.
Mahal kita.
Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,
kukunin ko ang mga agiw sa ‘yong mga lumang gunita,
pilit kong wasakin ang mga pader
na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,
sapat na sa akin ang pag-intindi mo
sa mga kamaliang pilit **** binabayo,
mga pagkukulang na pilit **** pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay
at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita,
sa aking nakaraan,
sa aking ngayon
at sa aking bukas,
ilalahad ang pag-aasam na makatakas
sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura,
hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan,
dahil alam ko, d’yan sa puso mo,
nakaukit rin ang pangalan ko,
at ang pag-iibigan nating dalawa,
hindi mo na kailangan ipagsigawan pa
dahil alam kong mahal mo rin ako.
Mahal mo ako.  
Mahal na mahal.
Copyright © 2016
Hanggang dito na lang ba tayo?
Hanggang dito na lang ba ako?

I.
Matagal na itinagong damdamin
Hiniling noon na mapansin
At dahil sa ihip ng hangin
Tinangay sa'yo ang pagtingin.

Sabay tayong lumaban
Upang mapatunayang pang-matagalan
Pagsuko ng isa'y 'di inaasahan
Paano na ang pagmamahalan?

Oras ang ipinagkait
Kaya ba ayaw nang kumapit?
Mahal, kay tinding sakit
Ito ba talaga ang kapalit?

Hanggang dito na lang ba tayo?
Hindi na ba madadaan sa suyo?
Hanggang dito na lang ba ako?
Pagmamasdan na lamang paglisan mo.


II.
Mahabang buhok na kulot
Wari ko'y hindi ka salot
Muntik na akong mabuslot
Sa butas ng pag-ibig na dulot.

Nakapagpalagayan, loob ay gumaan
Araw-araw kausap, hindi nagkasawaan
Dumating ang puntong nagkalokohan
Namumuong damdami'y pinaglaruan.

Sinabing mahal mo ako noong lasing ka
Akala ko'y totoo kaya naniwala na
Ganoon na siguro ako katanga
Kahit kasinungalinga'y pinaniwalaan na.

Hanggang dito na lang ba tayo?
Nasiyahan ka ba sa paglalaro?
Hanggang dito na lang ba ako?
Sasakyan na lamang ang mga biro mo.


III.
Sobrang lapit pero malayo rin
Kayang tanawin at lakarin
Inhinyero, hindi mo ba mapansin?
Na ang puso'y nais gapangin.

Sa pagdaan ay umaasa
Sa eskwelahan ay palinga-linga
At kapag natanaw na
Ibang saya ang dala mo, sinta.

Nguit dumating na ang panahon
Ang panahong hindi na makaahon
Pagtangi'y kailangan nang ibaon
Ito na ang huling desisyon.

Hanggang dito na lang ba tayo?
Na ayos lang kahit sa pagtango?
Hanggang dito na lang ba ako?
Aasa na lamang sa paglampas mo.


Alam kong walang magiging tayo
Kaya sawi na naman ako.
Prince Allival Mar 2021
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,at ipahayag ang nilalaman ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo sa sinasabi ng ibang tao,dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon para umibig nang wagas o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta sa kung sino man ang ititibok nitong puso, hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo, dahil ayaw ko lang mawalanang pagiging pribado ng ating relasyon,sapat na sa akin nang itago mo ang mga litratong ‘yan,at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,hindi ko sila papansinin,
hindi kita minahal nang mahabang panahon
para saktan lang, wala akong pake sa kanila,
ikaw ang mahal ko, oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka, kung anong mayro’n at wala sa’yo,dahil mahal kita.Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,hindi ito isang antigong alahas  na susuotin lamang sa mga piling okasyon,pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.Mahal kita.Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,kukunin ko ang mga agiw sa iyong mga lumang gunita,pilit kong wasakin ang mga pader na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,sapat na sa akin ang pag-intindi mo sa mga kamaliang pilit binabayo,mga pagkukulang na pilit pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita, sa aking nakaraan,sa aking ngayon
at sa aking bukas, ilalahad ang pag-aasam na makatakas sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura, hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan, dahil alam ko, d’yan sa puso mo,nakaukit rin ang pangalan ko,at ang pag-iibigan nating dalawa, hindi mo na kailangan ipagsigawan pa dahil alam kong mahal mo rin ako.Mahal mo ako. Mahal na mahal.Sana Nga'y mahal mo pa ako!  Mahal mo talaga ako.
G A Lopez Jul 2020
Halika't dumako tayo —
Uunahan na kita — hindi ito isang paraiso
Ito ay lugar kung saan maraming hindi natupad na pangako
Lugar kung saan maraming iniwan, sinaktan at pinangakuan —

Ngunit sa huli, hindi rin pala kayang panagutan.
Natanaw ko mula sa labas ang malakas na pagbuhos ng ulan
Narito ako sa loob ng isang silid na hindi ko maipaliwanag kung papaanong ako'y napunta dito
Napatingin ako sa paligid at mga taong narito

Lahat sila'y nakaitim katulad ng suot kong bestida
Marami sa kanila'y nakatingin mula sa bintana
Nakatayo lamang ako sa gitna
May isang babaeng nasa harap ng pintuan na animo'y may sasalubunging bisita.

Lumapit ako ng kaunti at tama nga!
Abot tenga ang kaniyang ngiti habang sinasalubong ang taong hinihintay niya
Kitang kita sa mga mata ng dalawang taong ito na mahal nila ang isa't isa
Siguro'y naghintay ng kay tagal na panahon ang dalaga upang masilayan muli ang mahal niya — tuluyan na silang
umalis bitbit ang kanilang ala-ala.

Napansin ko kanina ang pag-iba ng kaniyang suot na damit
Na dati ay kulay itim ngayo'y kulay puti.
Mabuti pa sila'y parehong nakapaghintay
Iyong ibang naririto ay magpahanggang ngayon ay wala pa ring mahintay—

May naghahanda na para sa panibago, may sumuko na at nawalan ng pag-asa,  may tanggap na at handa ng magparaya, at syempre mayroon pa ring mga taong umaasa at naniniwala.


Kanina'y nagtataka ako kung bakit ako nandito,
hindi ko alam na kabilang pala ako sa mga taong pinangakuan ngunit hindi kayang panagutan
Kabilang pala ako sa mga taong umaasa at naniniwala
kahit napakaimposible at sobrang labo na

Lumapit sa akin ang isang lalake na tantya ko'y kaedad ko lamang
Isa rin pala siya sa mga taong "tanggap na at handa ng magparaya"
Tinanong niya kung pwede daw ba siyang makipagkaibigan
Mabilis lamang niyang nakuha ang aking atensyon at mula no'n —

sinabi ko sa aking sarili, handa na akong maniwala at magmahal muli

Ngayong kami'y handa na upang magpalaam sa aming mga nakasama
Malapit na kami mula sa pintuan habang magkahawak kamay at nakangiti sa isa't isa
Sabay ang paghakbang ng aming mga paa
Sabay din naming naririnig ang malakas na pagtibok ng aming puso dulot ng kaba

Sa malayo, natanaw ko ang isang lalakeng may hawak na bulaklak at panyo
Biglang tumigil ng saglit ang pagtibok ng aking puso,
at tumigil ang paggalaw ng aking relo.
Napahigpit ang hawak niya sa akin habang ako'y naguguluhan sa aking damdamin.

Narito ngayon sa harap ko
— ang lalakeng hinintay ko ng taon
Iniabot niya sa akin ang bulaklak at panyo
Aalis na sana siya ngunit mabilis kong binitawan ang kamay na hawak ko
at hinigit ko ang kaniyang suot na polo

Humarap siya at inalis niya ng dahan dahan ang kamay ko sabay sabing,
"Patawarin mo sana ako dahil pinaghintay kita ng mas matagal kaysa sa ipinangako ko. Dumating pa rin ako kahit na alam kong maaaring nakatagpo ka na ng ibang magmamahal sa iyo. Ayos lang ako 'wag kang mag-alala maging masaya sana kayong dalawa."

Akala ko'y handa na ako para sa "panibago" ngunit heto ako,
Ako naman ngayon ang hindi tutupad sa pangako
Ako naman ngayon ang bibitiw sa mga hawak ng taong akala ko'y mahal ko
Ako naman ngayon ang mananakit ngunit hindi ito ang intensyon ko

Babalik na muli siya sa lugar na minsan kaming nagkasama
Sana'y sinigurado muna ang nararamdaman kung tunay ba
Lumipat ako sa ibang lugar suot ang aking itim na bestida
Ngunit hindi na siya ang kasama

Lugar kung saan may nangako ngunit hindi tinotoo
Lugar kung saan maraming walang kwentang tao na nagbitiw ng walang kwentang pangako.
wala akong jowa nagffeeling lang 😂✌
Para 'to sa mga taong mahilig magbitiw ng pangako pero hindi naman marunong tumupad at mga taong pinangakuan pero hindi naman marunong maghintay.
kahel Jul 2016
Naglalakad ako pauwi nang makita kita sa isang tabi.
Umiiyak.
Humahalakhak.
Lumalaklak.
May hawak na bulaklak.
At humihiling sa bawat talulot na pipitasin ay sana hindi ka niya iniwan nang wasak.

Nilapitan kita agad at tinabihan.
Dinamayan ka sa lamig.
Ang mga binti **** sa sobrang tagal nang nakaupo ay namimintig.
Walang salita o tunog na lumabas sa aking bibig.
Kundi ang mga tenga lamang para makinig.
Sa pagkwento mo habang ang boses mo'y nanginginig.

Sabay nating pinanood ang pagbaba ng araw.
Kasama sa paglubog ang galit na umaapaw.
Napatitig ako sayo at napabulong na wag ka sanang matunaw.
At nagtataka na bakit mayroong tao na sayo ay umayaw.
Biglang tumibok ang puso ko ng laktaw-laktaw.
Nagpapasalamat na natanaw kita at ako ay naligaw na parang langaw.

Kinalaunan ay napatahan ka kahit saglit lang.
Napasaya kahit saglit lang.
Nabawasan ang sakit kahit saglit lang.
Nakalimot sa problema kahit saglit lang.
Nakasama ka kahit saglit lang.
At naging parte ng mundo mo kahit saglit lang.

Hinatid ka para ligtas na makauwi at nagtanong ka kung paano makakabawi.
Makita ka lamang ngumiti, ang abala ay mapapawi.
At sana, kung okay ka na talaga.
Kapag natulog ka at ipipikit na ang mga matang namamaga.
Ay malaman mo na ang iyong tunay na halaga.
At matuklasan ang pagmamahal na pang-sayo lamang ng buong buo.
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Bryant Arinos Feb 2021
alam mo bang hindi ko inasahan ang naibigay **** saya?
hindi ko natanaw noong umpisa na tayo ay magiging panandalian lamang pala.
tulad noong araw na tayo'y nagkakilala, ang pagwawakas natin
ay naging kasing bilis rin lamang ng isang kisapmata.

napakasariwa pa ng mga alaala nating dalawa.
sabay pa tayong nanonood kay haring araw kapag siya'y bababa.
sa umaga'y yakap mo pa ako sa ating pagising
at kamay ko pa ang iyong hawak sa tuwing ika'y nananalangin.

ngunit lahat ng pagsasamang ito ay nahinto, dulot ng isang tuldok.
ang natatanging bantas na nagsasaad ng pagtatapos.
Oo, masakit na di na kailanman malalagyan pa ng dalawang tuldok. . .
na magpapahiwatig na ang ating kwento ay mayroon pang karugtong.

ang mga oras at panahon ay tila naging saglit,
ang kwento natin ay puno lamang ng kuwit
na nagsasabing "di pa tapos, sandali lang, maaabot natin ang tuktok"
pero si Bathala na nag nagdesiyon na lagyan ito ng tuldok

marahil nga hanggang doon na lang ang istorya nating dalawa,
alam ko rin naman na hindi napipilit si tadhana.
inihipan na rin nina amihan at habagat ang ating mitsa
--at ang bisa ng pana ni kupido ay tuluyan nang nawala.

kaya pasensya ka na mahal kung hindi maganda ang kwentong naibahagi ko.
'di bale, ito na lang rin naman ang huli kong mensahe para sayo.
hayaan **** ako rin ay maglagay na ng tuldok sa dulo
at sabihin sayong maaari ka na rin magsimula ng panibago **** kwento.
kingjay Oct 2019
Dinggin ninyo
Ang pag-ibig ay mapanibughuin
Ayaw may kahati
Ni ayaw magpasaling

Ang pinangakuang kamay lang ang dapat tumangan
Kapag may ibang humawak
Ay mangyayari ang tunggalian

Ito'y maramot - di mapagbigay
Sa tulaling kabiyak niyang laging nakaugnay
At ang takbo ng oras sa kanila ay mabagal

Nararamdaman ng bulag
Nauunawaan ng pipi
Umaalingawngaw sa tenga ng bingi
Walang kapansanan
Walang dahilan sa hindi pagganap

Ngunit nang minsan natanaw
Na may ibang kalaguyo
Nagunaw ang mundo
Dahil lubos ang tampo

— The End —