103115
Heto, bibilangin ko na naman ang araw,
Uno, dos, tres, at mapapahintong bigla sa ikaapat.
Hindi batid ang tamang oras
O hatian ng minuto't pag-istambay sa segundo,
Bagkus, iyon ang eksaktong araw.
Panahon na siguro para maisalta ang salita
Sa puso **** tila nakakahon pa't hindi pa malaya,
Sa pagbubukambibig ng itinabing damdamin,
Sa paglisan sa ipinaubaya **** pangakong
Minsang pinanghawakan ng pusong hindi pinagdamutan.
Kung pipili ako ng salita, baka maubos ito sa kawalan;
Gaya ng pagtampisaw ng bituin sa kalangitan.
Baka malusaw ito gaya ng yelong nakatiwangwang,
At masayang ang tubig na sana'y sagot sa uhaw.
O baka mapudpod gaya ng posporo,
Paulit-ulit na sinubok ng pagkakataon,
Bagkus hindi maisindi ang pag-ibig,
Kaya nanatiling walang pahiwatig.
At biglang itatapon, ikakahon ang natitirang damdamin,
Itatago, hanggang sa magkataong kailangan na talaga.
Panalangin ko'y magpalakas ka sa pananampalataya,
Wag **** lingunin ang nakaraan, at taglayin mo ang Liwanag.
Kung napapagal na'y, wag kang hihinto,
Bagkus, mas kumapit ka pa sa may mas mataas na pangako.
Narito ako't hindi tatalikod sayo,
Susuportahan ka kahit hindi mo makita ang pag-alalay.
Panalangin ko'y tapusin mo ang laban,
At mas masilayan ang kagintuan ng Haring Araw,
Wag kang mabubulag sa mukhang may ilaw.
Tingnan mo ang pawang mga kamay,
At wag matakot sa pagsuntok sa hangin,
Pagkat iilag ang sitwasyon,
Bagkus binibilang Niya ang lakas at determinasyon.
Mas ialay ang puso sa Kanya,
Higit pa para sa pag-ibig na inantala.
Hayaan **** makinig ang puso mo,
Pagkat nanalangin ang puso ko.
Kahit minsa'y kaylayo, kahit hindi ko madipa-dipa.
At sa paghihintay natin sa tamang panahon,
Kaya ko nang sambitin ang estado ng puso.
Hindi sa paghain ng mga letra sa pawang mga mata,
Na tila mananatili na lang sa papel na hindi nababasa.
Pag muling nagtagpo,
Ako mismo ang haharap sayo,
Pero tandaan **** baka wala akong masambit.
Hindi dahil mahina't naubos na ang lakas ng loob,
Bagkus, hindi ako makapapaniwala
Na ang oras ay tunay at eksakto para sa pagkikita.
Hindi ko mapipigil ang pagluha buhat sa saya,
Pagkat ang kabiyak ng pusong minsang nasugatan at hinulma'y
Kaya nang matitigan kahit hindi na magbilangan ng oras.
Mayayakap na hindi lang dahil sa pagmamahal,
Bagkus, pahiwatig sa pasasalamat na tunay ngang ikaw.
Pag-ibig Niya ang dahilan
Kung bakit patuloy na naghihintay,
At kung bakit patuloy kang ipinaglalaban,
Patuloy na ibinabatak sa Maykapal.
Sa Kanya ang papuri sa umusbong na damdamin,
Ang pag-ibig ko sayong patuloy na nananatili.
Oo, isinapuso ko ang pag-ibig ko sayo't
Pinili kong pillin ka, sa kabila nang tila magulong anggulo.
Ganoon ang pag-ibig ko,
Hindi mo masusukat, bagkus kaya Niyang higitan pa.
Kaya't hindi ako lumaban, pagka't mas iniibig ko rin Siya.
Hindi mo mababasa, pagkat Siya ang may katha.
At kung anuman ang nilalaman ng pusong may sagot,
Sana'y katimbang nito ang damdaming ipinaglalaban.
At kung kinaya nating magkanya-kanyang kasama Siya,
Mas kakayanin na nating magkaisa para rin sa Kanya.
At saka na natin sabay na ibabandera Kanyang Ngalan.
At pawang magiging patunay sa pag-ibig na nakapaghihintay.
Tila kayhirap bigkasin, kahit apat lamang ang kataga.
Mahal kita, sana makarating sayo,
Sa tamang panaho'y magpalitan nga ng kataga.
Sana ikaw ang unang magpatimbang sa Kanya,
Maniniwala akong makararating sa patutunguhan
Ang liham ng pusong may totoong damdamin.
Para sa taong pinagdarasal ko, maghihintay ako.