Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
051022

At sumapit na nga araw ng paghuhusga
Kung saan hindi na pulso ng taumbayan
Ang ating sisiyasatin
Kundi ang puso ng bawat Pilipinong
Sumasambit ng “Mahal ko ang Pilipinas.”

Sabi ng iilan,
“Mahirap raw mahalin ang Pilipinas”
Iniisip ko nga paminsan,
Sapat na nga ba ang pagiging makabayan?

Sapat ba?
Ang panunumpa ng bawat Juan sa watawat
Na ayaw sana nating dungisan
Ngunit tayu-tayo rin ang nagwawasto
Sa paningin nating madayang pagpili
Ng lipunang ating ilang beses nang sinumpaan.

Kung hindi ako naniniwala sa Poong Maykapal,
Ay baka hindi ko rin maititikom ang talas ng aking dila
At walang himpil ding tatalak na walang pinipiling katauhan
Buhat sa makamandag na bugso ng aking damdamin.
At marahil ay sasabihin ko na lamang
Na ito ay isang paraan ng pagtindig para sa saking Bansa
Na may demokratikong pamamalakad.

Ngunit sa kabilang banda’y
Binabaling ko na lamang ang paghuhusga
Sa tunay ngang nasa tronong
Hindi na kailangang luklukin pa.

At naniniwala pa rin akong
Ang pag-asa ay hindi natin maaaring itaya
Sa sarili nating mga palad
Na kalauna’y mapupuno rin ng mga kalyo’t
Babalik din lamang sa alikabok.

Ano pa nga ba ang ating ipinaglalaban?
Sino nga ba ang tunay nating kalaban?
At para kanino nga ba tayo naninindigan?

Baka sa kasisigaw nati’y
Hindi lamang boses ang mawala sa atin,
Maaring nakawin din ang ating mga lakas at oras
Na sana’y ibinabaling natin
Sa pagpapalaganap ng natatanging katotohanang
Buhay ang ating Panginoong Hesus
At ang magandang balita’y
Nakadikit sa kanyang Ngalan.

Sinasabi kasi nating naghihinagpis ang ating mga kababayan
Kaya tayo na lamang ang magsisilbing mga boses para sa kanila.
Minsan nga'y nananatili na tayong hangal
Pagkat sa sariling dunong, doon lamang tayo nakaangkla.
Ngunit hanggang kailan ba matatapos
Ang sinasabi nating pakikibaka para sa mga nasa laylayan?
At ano nga ba ang dulo ng bawat hiningang napapagal na?

Sana hindi tayo tumigil sa paraang alam lamang natin,
Sana mahanap natin ang ating mga sariling
Nananatiling may pananampalataya
Sa Diyos na Syang may lalang sa sanlibutan.

Sana wag na tayong mag-alinlangan pang lumukso
Sa kung saan nga ba tayo pinasusuong ng Maykapal
At sana mahanap natin ang halaga natin
Sa presensya Nyang kayang pumuno ng bawat kakulangan.

At dito na rin ako pansamantalang magtatapos —
Pilipinas, gumising nang may pag-asa
Pagkat hindi natutulog ang ating Diyos!
Pilipinas, mahal kita at mas mamahalin pa
At patuloy kitang ipaglalaban
Hindi gamit ang mga armas
Na syang panukso't patibong ng mundo,
Titindig ako sa kadahilanang hindi lamang ako isang Pilipino —
Titindig ako para kay Hesus na aking pinaniniwalaan!
Salamat Ama, Sa'yo pa rin ang aming Bayan.
JD Jun 2018
➖ My status said "read me"

Sa dami nang magandang babaeng nakita ko,
mukha mo pa rin ang paborito ko.

Kahit saan ako tumingin,
hindi ko maiwasang hindi ka isipin.

Gusto kong nakawin ang buwan sa kalangitan,
tsaka ko isusulat ang iyong ngalan.

Kapag naisulat ko na ang iyong pangalan,
ibabalik ko na ulit ang buwan sa kalangitan.

Para sa tuwing titignan nila ang buwan,
at sinabing ito'y maganda? makikita nila
ang iyong pangalan.

Kaya para narin silang humahanga
sa iyong katauhan.

Gusto ko din nakawin ang bahaghari,
isusulat ko dun na ako'y iyong pagmamay ari.

Bakit bahaghari ang napili ko? yun ay dahil gusto ko makita ng tao,
na makulay ang mundo ko nung dumating ka buhay ko.

Pinili kita hindi dahil sa maganda ka,
Pinili kita dahil nakikita kong may potensyal ka.

Potensyal na gawin **** maganda,
ang buhay kong puno ng granada.

Sumaya ako nung nakita kitang masaya,
ganun naman talaga eh dahil ikaw biyaya.

Bihira akong makakita ng babaeng katulad mo,
tulad mo na hindi mareklamo.

Kaya karapat dapat kang mahalin at ibigin.
andito naman ako, hayaan mo lang  
akong gawin.

Gawing magaan at masaya ang buhay mo,
sa paraan na ako lang may alam at tiyak na magugustuhan mo.

Lahat nang babae ay mahalaga sa akin,
ngunit ikaw ay naiiba dahil importante ka sakin.

Kung gusto **** umiyak,
sasabayan kita sa pag iyak.

Ngunit baka hindi kita masabayan tumawa,
dahil nung dumating ka sa buhay ko, palihim na akong tumatawa.

Nung may makita akong bulaklak
na kulay kahel,
ikaw agad naisip kong bigyan
dahil mukha kang anghel.

pasensya na mahal ko dahil  
nahihirapan ka na sa mundong to,
hayaan mo mahal ko dahil
lagi lang akong nandito.

Sa pamamagitan nang mga salitang ito,
pinapakita kong pagmamahal ko sayo'y totoo.

Pumangit ka man o tumaba,
para saken ikaw parin ay naiiba.

Hindi ko sasabihing
"handa akong mamatay para sayo''

Dahil mas gusto kong banggitin ang
"mabubuhay ako hanggat kaya ko para sayo"

Nasabi ko iyon dahil madali lang mamatay,
ngunit mahirap manatiling mabuhay.

Kaya mabubuhay ako para sayo
hanggat kaya ko.
Sa magulong mundong ito,
po-protektahan kita pangako.

kaya sana wag ka nang malungkot,
dahil ang puso ko'y kumikirot,
Pag nakikita kang nakasimangot
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)

— The End —